"ATE ISSA, maghunusdili ka!" overacting na awat sa kanya ni Bambi nang makapasok sila sa tinutuluyan niyang condo unit. Hinagip pa nito at niyakap ang mamahaling vase na nasa tabi niya.
"Hindi ako magbabasag, okay?" Dumeretso siya sa nag-iisang silid ng condo unit at umupo sa kama. Sunod-sunod na malalim na paghinga ang ginawa niya upang kalmahin ang kanyang sarili.
Napakabastos talaga ng Drew na iyon. Tuturuan daw siya nito tungkol sa sex? Hindi gagawin ng isang gentleman at disenteng lalaki ang ganoon.
"Pero aminin mong may punto siya, Ate."
Napatingin siya sa nakabukas na pinto. Nakasandal si Bambi sa hamba niyon habang yakap pa rin ang vase.
"Sinabi ko na rin naman sa iyo iyon, 'di ba? Paano ka nga naman makakasulat ng libro tungkol sa sex kung wala kang alam tungkol doon? Halimbawa na lang, ikaw. 'Di ba, nagsusulat ka ng Science textbooks? Kasi Science teacher ka. Meaning, nag-aral ka muna bago ka nakasulat ng mga librong iyon. Ang tita mo, nag-masterals pa bago nakasulat ng mga librong iyon. Parang ganoon din ang gustong palabasin ni Papa Drew. Kailangan mo munang mag-aral tungkol sa subject ng librong iyon bago mo isulat iyon."
May punto ito ngunit ayaw pumanig ng kanyang isip dito. "Hindi ko siya isusulat all throughout. Dudugtungan ko lang."
"Kahit na, Ate. Kahit twenty-nine tips lang iyon, baka mahalata pa rin ang kawalan mo ng experience. Hala ka sige, baka hindi makapasa iyon sa editor ng publishing house. Hindi mo rin makukuha ang mana mo. Besides, hindi ka naman makikipag-sex kay Papa Drew para may matutuhan ka. Hello? I doubt if he would like that."
Pinukol niya ito ng matalim na tingin.
"I mean, lectures lang ang ibibigay niya sa iyo. Hindi ka niya hahawakan."
"Nakakailang pa rin ang gusto niyang mangyari. Maisip ko pa lang na mag-uusap kami tungkol sa bagay na iyon ay kinikilabutan na ako. Magse-self-study na lang ako."
"Self-study? Ni ayaw mo ngang hawakan itong mga adult books at X-rated DVDs na ibinibigay ko?" Iminuwestra pa nito ang sukbit na bag. In-scan lamang niya ang mga librong laman niyon kaya halos wala rin siyang natutuhan dahil hindi niya gaanong binasa ang mga explicit details doon.
Bambi looked unconvinced. "O, sige nga, ano'ng ibig sabihin ng mga salitang ito?" Nagbanggit ito ng mga salitang hindi pa niya naririnig kahit kailan.
"Ano ang mga 'yan?"
He rolled his eyes. "Kitam? Wala kang alam. Wala kang natutuhan sa ginawa mong pagse-self-study. Hindi pa sapat ang mga nabasa mo. You need someone to teach you. Hay, naku, Ate, naloloka na ako sa iyo. Hindi na normal ang pagka-conservative mo. Magpatingin ka kaya sa psychiatrist. Baka meron kang genophobia."
"Genophobia?"
"Fear of sex!"
"Gusto ko munang magpahinga at mag-isip, Bambi. Salamat sa tulong mo."
"Hay, hindi mo ba alam kung gaano ka kasuwerte para maging tutor si Papa Drew? Kung ako ang nasa kalagayan mo, hindi lang lecture ang hihingin ko sa kanya kundi pati practical training. Pag-isipan mong mabuti, Ate. Kung natatakot ka kay Papa Drew, sinasabi ko na sa iyo, I've known him for years at alam kong may taste siya. Hindi siya nangre-rape ng manang."
Hinablot niya ang unan ngunit bago pa niya maipukol iyon dito ay nakalabas na ito ng pinto.
BINABASA MO ANG
Ang Manang At Ang Playboy [COMPLETED]
RomansaIssabella was a twenty-seven-year-old grade school teacher and an elementary school textbook writer. She wore eyeglasses and outmoded clothes. Her lifestyle was old-fashioned and her values were conservative. In short, isa siyang manang. Ikinabig...