Spoken Word Poetry by Juan Miguel Severo
ANG HULING TULA NA ISUSULAT KO PARA SAYO
Ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo
Pangako 'yan, at totoo.
Hindi ko alam kung magiging ga'no kahaba
kung kasya ba sa isang pyesa,
ilang pahina,
ilang minuto ang itatagal at ihahaba nito
kaya posibleng hindi ko agad makabisado.
Pero pangako 'yan...
Ito na, ang huling tula na isusulat ko para sa 'yo.
Itaga mo 'to sa bato
abutin man ako ng umaga dito
hindi ko ipipikit ang mga matang ito.
uubusin ko ang lahat ng salita na posibleng tugma ng pangalan mo
o ng anumang tawag ko sa'yo,
(mahal, sinta, irog, pangga, babe, beh, bae, asawa ko, mine? wifey, bae, kulet, kapal, k*pal, walangya, p*ki, p*king *na ka)
ano pa ba?
Wala akong pakialam kung abutin ako ng ilang talata dito,
pero hindi ko na pwedeng patirahin lang,
dito sa loob ko, ang mga salitang ito.
Kaya pangako...
Ito na, ang huling tula na isusulat ko para sa 'yo.
Magsisimula ako sa umpisa,
sa kung paanong nginitian mo ako
at tinanong kung saan ako nakatira
hindi mo nga pinansin, ang mga agiw sa dingding.
Hindi ka nga natinag sa ipis na biglang dumating sa iyong pagbisita.
Pero hindi mo rin man lang din tinignan ang mga libro na nasa tabi ng kama ko, natutulog din.
At tangi ko noong kapiling.
Magsisimula ako sa umpisa,
sa kung paanong niyakap mo ako noong sabihin ko sa'yong, "Mahal Kita..."
Sa kung paanong hinalikan mo ako sa noo sabay sabi ng:
"Mahalaga ka..."
At ako naman 'tong si tanga,
tuwang-tuwa,
dahil hindi pa nalilinawan na ayaw ko na maging mahalaga,
ayaw ko na maging mahalaga...
Hindi ako antigong salamin na matagal mo nang pag-aari,
na tinitignan mo lang para ipaalala sa sarili mo na maganda ka.
Ayaw ko na maging mahalaga.
Hindi ako telepono mong dududukutin lang sa bulsa,
kapag kailangan mo ng solusyon sa kawalan mo ng koneksyon,
sa mundo mong masyado nang malawak para bigyang atensyon ka pa.
Ayaw ko na maging mahalaga.
Hindi ako kwintas na isusuot mo lang sa piling-piling mga okasyon,
kapag mayroong mga sitwasyon na pakiramdam mo ay kulang ka pa.
Hindi ako para ibalik sa loob ng isang kahon
kapag matutulog ka na sa gabi sa takot na masakal ka sa yakap ko kapag mahimbing ka na.
O ibalik sa loob ng kahon at itabi sa sulok ng isang aparador sa takot na manakaw ako ng iba.
Ayaw ko na maging mahalaga..
Ang gusto ko...
ay mahalin.
Ang kailangan ko...
ay mahalin.
Kailangan ko na mahalin mo ako gaya ng kape mo sa umaga,
tanggap ang tamis at pait,
kailangan para sa init pero hindi isinasantabi dahil lang nanlamig na.
Kailangan ko na mahalin mo ako gaya ng sarili mong opisina.
Kabisado kung para saan ang ano
kabisado kung nasaan nakatago ang alin.
Kabisado ang mga itinatago kong patalim, silbi, dumi, lihim..
patalim... silbi... dumi... lihim!
Kailangan ko na mahalin mo ako gaya ng unan mo sa gabi.
Niyayakap sa ginaw,
sinasandalan kahit na mainit,
binubulungan ng mga pinakatatago mong panaginip.
Ayaw ko na maging mahalaga...
Ang kailangan ko ay mahalin...
At nagsulat ako noon hanggang sa mahalin mo..
Kaya patawad pero magsusulat ako hanggang sa maubos ko ang lahat ng salita,
na posibleng tugma ng pangalan mo.
Patawad. Pero magsusulat ako, para patawarin mo.
Dahil minsan may nakapagsabi sa akin na ang hindi raw marunong magpatawad, ay hindi makapagsusulat.
Kaya mahal sa pagkakataong ito, sa huling pagkakataon na magsusulat ako ng tula para sa 'yo,
gumawa tayo ng kasunduan...
Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan, at patatawarin kita, sa hindi mo pagluha.
Patawarin mo ako sa hindi ko pananahimik, at patatawarin kita, sa hindi mo pagsasalita.
Patawarin mo ako sa hindi ko pag-alis, at patatawarin kita, sa hindi mo pananatili.
Patawarin mo ako sa hindi ko sa 'yo paglimot, at patatawarin kita, sa hindi mo sa akin pagpili, mahal.
Gumawa tayo ng kasunduan: Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita, sa hindi mo pagkapit.
Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita, sa hindi mo paglapit.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko, at patatawarin kita, sa hindi mo pagsugal.
At patawarin mo ako sa hindi ko pagkamuhi sa 'yo, at patatawarin kita, sa hindi mo sa akin pagmamahal, mahal.
Gumawa tayo ng kasunduan: Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.
Para sa wakas ay matapos ko na itong tula, na masyado nang matagal nang nakatira dito.
At patawad... kung magiging masyadong mahaba, at maraming masyadong boladas.
Pero pangako: huli na 'to... huli na 'to... huli na 'to...
Magsisimula ako uli sa umpisa,
sa kung paanong nginitian mo ako at tinanong kung saan ako nakatira...
Magsisimula ako uli sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako...
Magsisimula ako uli sa umpisa...
Magsisimula ako uli...
Magsisimula ako...
Ito na ang huling tula na isusulat ko para sa 'yo...
Mali!!!
Ito na ang huling tula na isinulat ko tungkol sa 'yo...
T**g *na mo!
Tapos na ako...