CHAPTER THREE
PERO sa totoo lang, kahit alam ni Jane na malabo, sinunod pa rin niya si Manuel at gumawa ng paraan para mapansin ni Jep.
Minsan ay sinadya ni Jane na banggain ito at ilaglag ang mga librong dala niya. Pero nagkataon yatang nagmamadali ito, kaya apologetic na nginitian lang siya. Siya rin tuloy ang mag-isang nagpulot ng mga libro. Mukhang tanga lang, gano'n.
Kapag nakikita niya ito sa labas ng room nila kapag uwian ay nginingitian niya ito. Gusto sana niyang kausapin pero hindi siya makaisip ng topic. Sa huli ay mahihiya lang siyang maglalakad palayo dito.
Mahirap pigilin ang utot, pero mas mahirap pigilin ang feelings. Gustong-gusto niyang sabihin kay Jep na attracted siya rito, pero hindi niya magawa. Lumipas na ang dalawang buwan at pakiramdam niya ay mababaliw siya kapag hindi niya iyon na-express.
Kaya laking tuwa niya nang maglagay ng Freedom Board ang mga Journalism students sa tabi ng building nila.
Naisip niya na kahit doon man lang, ma-express niya ang nararamdaman niya. Para gumaan ang loob niya kahit paano.
Binura ni Jane ang tingin niya ay walang kakuwenta-kuwentang isinulat sa freedom board at isinulat ang pagkalaki-laking"I like you, Jep," doon. Sinamahan niya iyon ng tatlong exclamation points.
Hanggang sa makarinig si Jane ng tawanan. Nang mapalingon siya sa gawi niyon, ay agad na kumabog ng mabilis ang dibdib niya. Nakita niyang palapit sa direksyon niya ang tatlong magpipinsang heartthrob ng university. Kasama siyempre doon si Jep.
"Oh, crap," nasabi ni Jane. Dahil alam niyang makikita ng mga ito ang isinulat niya sa freedom board. Iyon naman ang point kaya siya nagsulat pero naroon pa kasi siya malapit sa board kaya hindi imposibleng isipin ng mga ito na siya ang nagsulat niyon. Bistado siya agad agad, harapan pa.
Ano'ng gagawin niya?
Kung tatakbo siya palayo, halatang guilty siya na siya na may sinulat siyang kakaiba. Kaya nagmamadaling binura na lang ni Jane ang isinulat niya gamit ang kamay.
Kaso, hindi iyon mabura.
Tumingin si Jane sa marker na ipinansulat niya. Permanent marker. Nagkamali siya ng kinuhang marker!
"Patay!" nasabi niya.
Hindi pa naman huli ang lahat para tumakbo, 'di ba? Kaya tumakbo siya. Nagmamadali, parang hinahabol ng holdaper. Kaso, natisod siya sa nakakalat na bato.
"Ay, kabayong bakla!" Sumemplang siya sa damuhan
At doon, hindi na siya nakagalaw. Patay na. Patay na ko. Malas, malas, malas!
"Uy, miss, okay ka lang?" narinig niyang tanong ng isang tinig na parang laging may concern, parang laging naglalambing, kahit hindi. It was Jep's.
"I'm okay," she said.
"Jane?" sabi ni Jep, nakilala siguro ang tinig niya.
Hindi siya nag-angat ng tingin. Nanatili tuloy siyang nakasubsob sa damuhan, ayaw ipakita ang mukha kay Jep. Hiyang-hiya talaga siya.
"Kailangan mo ba ng tulong, Jane?" sabi pa ni Jep. "Dadalhin kita sa clinic. Nahihirapan ka bang tumayo?"
Ang bait bait, naisip ni Jane. Ang suwerte ni Emerald.
"She was probably the one who wrote on the freedom board that she likes you, Jep," narinig niyang sabi ng isang lalaki. Monotonous ang tinig kaya tingin niya, si Jethro iyon.
BINABASA MO ANG
A Vampire's Ideal Girl (COMPLETED/PUBLISHED BY PHR)
RomanceWala na yatang mas ordinaryo pa kay Jane. Iyon ang dahilan kaya hindi siya napapansin sa campus. At mukhang wala rin siyang pag-asa sa crush niyang si Jeffery--o Jep. Pero nagbago ang buhay niya nang maaksidente siya at kinailangan na masalinan ng d...