Uy, May Boypren na Siya!

1.3K 43 2
                                    


LUMIPAS ang isang linggo, tapos na ang imbestigasyon at naipadala na sa isang mental institution sina Emerald at Scott. Nabigla ang buong St. Sebastian sa nalamang may diperensya sa pag-iisip si Emerald. "Who would have known?" sabi ng isang professor. Well, they should have.

Ipinapakalat nina Emerald na nakakita ang mga ito ng bampira. Wala nga lang naniwala sa mga ito dahil nga iniisip na nagha-hallucinate lang ang mga ito. Sa ngayon, in-asssure sa kanya ng mga pulis na hindi na siya guguluhin ni Emerald.

Ang mga magulang niya ay sobrang nag-alala sa kanya. Binalak pa nga ng papa niya na bumalik na lang sa Maynila. Ang mama lang niya ang nagsabi na doblehan na lang nila ang pag-iingat sa kanya. May mga naging kaibigan na daw siya sa unibersidad niya at hindi na raw niya dapat maiwan pa iyon. Saka, baka daw mapagkamalan pang adik sa Maynila ang tatay niya, matokhang pa.

Masasabing okay na ang lahat. Ang hindi lang okay ay si Jane. Hindi pa rin talaga kasi maalis sa isip niya ang ideyang kaya lang siya nilalapitan ni Jep ay dahil sa golden blood. Nagpakabusy na lang siya sa pagbabasa ng libro para matigil sa kaiisip.

Nakadapa si Jane sa kama, nagsisimula pa lang magbasa ng isang nobela nang may narinig siyang pagkatok sa bintana. Bigla siyang naalerto, agad na kinabahan. Muli niyang narinig ang pagkatok.

Tumingin siya sa bintana. Dahil glass iyon ay nakita niya ang kumakatok. Si Jep, ngiting-ngiti.

Agad na bumilis ang tibok ng puso niya.

"Buksan mo," Jep mouthed. Itinuro nito ang bintana. "Mahuhulog na 'ko."

Bumuntong-hininga si Jane. Nagkunwari siyang tinatamad na lumapit sa bintana at binuksan iyon. Doon niya nakita na nakasabit sa puno si Jep, na siyang naging dahilan kaya nakakatok ito sa bintana niya.

"Alalayan mo naman ako," sabi nito, ngiting-ngiti. "Baka mahulog ako."

Sa halip na tulungan ito ay humalukipkip siya. "Bakit ba ka papasok sa kuwarto ko?" sabi ni Jane. "Hatinggabi na, ah."

Tumingin ito sa kanya, lumamlam ang mga mata. Nasaktan yata sa pagtataray niya. "Wala naman akong gagawing masama sa 'yo, eh," sabi nito, bakas ang kalungkutan sa tinig nito. "Gusto lang kitang makita."

Iniiwasan na kasi ni Jane ang lalaki mula nang eksena nila sa ospital. Naisip niya kasi na wala na naman silang dapat katakutan. Si Emerald naman siguro ang nagpadala ng death threat at ngayon ay nasa mental institution na ito. Hindi na siya dapat buntutan pa nito. To be fair, iniwasan din niya maging ang mga pinsan nito.

"Bakit ka ba umiiwas sa 'kin?" sabi nito. Lalo pang lumungkot ang mga mata. "Nami-miss tuloy kita."

Pinigil ni Jane na kiligin sa sinabi nito. "Dahil lang naman 'yan sa golden blood."

Tumitig ito sa kanya. "At 'yan pa," sabi nito, tumuro sa kanya. "Gusto kitang kausapin tungkol diyan. Kaya sige na, maawa ka na sa 'kin, papasukin mo na 'ko. Baka mahulog ako, eh."

Nang umihip ang hangin at tila lalo pa itong nataranta na baka mahulog ito ay wala na siyang nagawa. "Sige na," sabi niya. Inilahad niya ang mga braso niya, tanda na aalalayan niya ito. "Bilis, pasok na."

Napangiti naman agad ang binatang bampira. Kumapit ito sa braso niya at mabilis na tumalon papasok sa kuwarto niya. Muntik siyang mawalan ng panimbang pero maagap naman itong umalalay sa kanya. Sa ginawa nga lang nitong iyon ay naglapit ang mga mukha nila, naramdaman niya ang pagtama ng hininga nito sa pisngi niya.

Napalunok si Jane. Peste, ang bango ng hininga! Hindi amoy mint... amoy natural lang. Basta, peste!

Ang bilis na naman tuloy ng tibok ng puso ni Jane.

A Vampire's Ideal Girl (COMPLETED/PUBLISHED BY PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon