No'ng unang panahon, panahon pa ng Hapon...
ANG TOTOO, hindi naman talaga panahon ng Hapon nang mag-ibigan sina Adelaida at Clifford. Pero wala pa rin namang kikay no'n, sabi ng nanay.
Nangyari ang pag-iibigan nila noong panahon na hawak pa ng Amerikano ang Pilipinas, at base sa isang kasunduan ay papakawalan daw ng Amerikano ang Pilipinas kapag kaya na nitong magsarili.
Pero hindi iyon ang punto. Ang punto ay si Adelaida--ang babaeng iniiwasan ng mga kalalakihan sa lugar nila. Bukod kasi sa hindi siya kagandahan, siya ay natsi-tsismis din na isang aswang.
Makabubuti na iyong iniiwasan siya ng mga lalaki. Ang kanyang ina ay pinagtaksilan lang ng kanyang ama. Ipinagpalit sa isang baklang kuba na kampanero ng isang simbahan. Nagpatiwakal ang kanyang ina dahil sa sama ng loob na maipagpalit sa baklang kuba.
Ang mga lalaki daw ay nagdudulot lamang ng sama ng loob. Mas higit ang sakit na ibinibigay nila kaysa kasiyahan. Ang mga lalaki raw ay kasingkahulugan ng pagdurusa.
Walang lalaki ang naglalakas ng loob na lumapit sa kanya.
"Mas gugustuhin ko pang ikasal sa binabae kaysa maging nobyo ni Adelaida," narinig pa niya minsan na sabi ng isang lalaki tungkol sa kanya.
Wala naman siyang pakialam. Sanay na siyang iwasan ng mga lalaki. Hindi siya natatakot na tumandang mag-isa. Sa edad niyang dalawampu't-isa ay siya na ang nagtataguyod sa sarili niya. Nagsimula iyon nang magpatiwakal nga ang kanyang ina. Nabubuhay siya sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay at pagbebenta niyon sa pamilihan.
At nagbago ang simpleng buhay niya nang dumating si Clifford.
Umaga iyon. Hindi pa sumisikat ang araw, at papaalis pa lang ang buwan. Nagwawalis siya ng bakuran ng bahay niya. Nalilibang siya sa ginagawa ng biglang may lalaking nagsalita.
"Binibini," sabi ng tinig.
Hindi niya pinansin. Nagpatuloy siya sa pagwawalis.
"Binibini," sabi pa.
Napilitan si Adelaida na mag-angat ng tingin. Isang guwapong mukha ang bumungad sa kanya. At kakaiba ang mukhang iyon--mukha iyon ng isang banyaga. Mukha na katulad ng sa isang Amerikano. Sanay na siyang makakita ng Amerikano dahil nagkalat ang mga sundalong Amerikano noon sa lugar nila pero hindi niya alam kung bakit hindi niya maaalis ang tingin niya sa mukhang iyon.
Matangos ang ilong nito, manipis ang mga labi. Ang buhok nito ay itim na itim. Maputla ito, pero ganoon naman ang mga banyaga.
"Binibini, ako si Clifford."
Tinitigan lang niya ito. Dalawang taon marahil ang tanda nito sa kanya. Kataka-takang marunong ito ng wika nila at hindi Ingles nang Ingles.
"Matagal na ako sa bansang 'to," sabi ni Clifford, parang nabasa ang iniisip niya. "Dito na ako lumaki. Lumipat lang kami dito sa baryo n'yo, dahil tahimik daw dito--"
Hindi niya ito pinansin at nagbalik sa pagwawalis. Hindi siya interesadong makinig sa talambuhay nito.
"Nakakasama naman ng loob," pabirong sabi nito. "Hindi mo naman ako pinapansin."
Binitiwan ni Adelaida ang walis ang binigyan ito ng masamang tingin. Kapag tumititig siya ng gano'n sa mga bata ay nagsisitakbo na ang mga iyon. Kapag lalaki naman ang tinitigan niya ng ganoon ay parang nanlalambot. Pero mukhang walang epekto ang tingin niyang iyon sa lalaki. Ngiting-ngiti lang iyon sa kanya.
"Nakakatuwa naman, gusto mo bang magtitigan tayo maghapon?" sabi nito. Nang hindi siya kumibo ay nagsalita uli ito. "Alam mo, gusto kong makilala ang mga tao sa baryong 'to--"
BINABASA MO ANG
A Vampire's Ideal Girl (COMPLETED/PUBLISHED BY PHR)
RomanceWala na yatang mas ordinaryo pa kay Jane. Iyon ang dahilan kaya hindi siya napapansin sa campus. At mukhang wala rin siyang pag-asa sa crush niyang si Jeffery--o Jep. Pero nagbago ang buhay niya nang maaksidente siya at kinailangan na masalinan ng d...