KASA-KASAMA ni Jane sina Manuel, Murray at Jethro. Friday iyon at nagyaya si Manuel na mag-movie marathon sa bahay nito. Si Jethro ang nakabuntot sa kanya dahil may tinatapos na project si Jep. Hindi sana sasama si Murray pero nang makita yata nito na hindi si Jep ang kasama niya ay napilitan itong sumama.
"Ano'ng gusto mong pelikula, baby?" naririnig ni Jane na tanong ni Manuel kay Murray. "Gusto mo ba ng romance? Horror? Drama? 'Wag lang 'yong historical action kasi inaantok ako sa gano'n."
"Any movie will do," narinig ni Jane na sagot ni Murray.
"Kahit porn?" Manuel said. "You will watch porn with me?"
"Of course not!" react ni Murray.
Nang lingunin ni Jane ang lalaki ay nakita niyang namula ito bigla... at pinawisan. Gusto niyang matawa. Nakangiti siya hanggang sa buksan niya ang locker. Na agad na nawala nang makitang may nakatuping papel doon.
Agad-agad niyang kinuha iyon at kahit natatakot ay binuklat.
MALAPIT NA. MALAPIT KO NANG UBUSIN ANG DUGO MO. WAG KA NANG MAINIP.
"Another one?" sabi ni Jethro, na tumabi na pala sa kanya.
Dahil sa takot na naramdaman ay hindi siya nakasagot.
"What's that?" tanong ni Manuel na bigla ding tumabi sa kanya. Huli na. Hindi na niya naitago ang sulat.
Napatili si Manuel. "What's that?" sabi nito, natuptop pa ang bibig.
Napatingin siya sa kaibigan. Mukhang wala na siyang choice kung hindi ang magpaliwanag. Bumuntong-hininga siya.
"A threat," bulong ni Jane. "Someone here in the school wants me dead."
SA MINI-FOREST sila humantong, para pag-usapan ang threat. Nakadulog sila sa stone table. Magkatabi sila ni Jethro at magkatabi naman si Murray at Manuel sa tapat nila.
"Bakit hindi mo naman sinabi sa 'min na may mga natatanggap kang ganyan, Jane?" sabi ni Manuel na bakas ang pag-aalala sa tinig. Pero may bakas din ng pagdadamdam doon. "Kami ang mga kaibigan mo, pero hindi mo 'yan sinabi sa 'min."
"Ayaw ko lang na madamay kayo dito," sabi ni Jane. "Hindi ko naman alam kung sino ang nagpapadala ng mga sulat na 'to. Inakala ko noon na si Emerald, pero hindi pala. Tingin ko nga, kung sino man ang nagpapadala nito, mas mapanganib siya kay Emerald."
"I think so too," sabi ni Murray na nakatitig sa kanya. Halata rin sa mukha nito ang pag-aalala.
"Mag-report na kaya tayo sa pulis?" tanong ni Manuel.
Hindi nakapagsalita si Jane. Kung sigurado siyang tao ang nagpapadala ng threats, magrereport siya sa pulis. Pero paano kung bampira? At paano kung dahil sa pagre-report niya ay malaman pa sa school ang sekreto nina Jep? Hindi naman lahat ay makakaintindi na mabubuting bampira sina Jep. Siguradong mapapahamak pa ang buhay ng magpipinsan.
"Hindi naman aaksyon ang mga pulis eh," narinig niyang sabi ni Murray. "Baka isipin nila na prank lang ang letters na 'yan."
Aawang pa sana ang bibig ni Manuel nang biglang magsalita si Jethro. "We will do the best we can to find whoever is sending the letters."
Sa huli ay tumango na lang si Manuel. Tumitig sa kanya ang baklang kaibigan at hinawakan ang kamay niya at pinisil iyon. "I hope everything would be okay," he said.
Tumango si Jane. "I hope so, too."
Natahimik silang lahat pagkatapos niyon, ang narinig lang nila ay ang tunog ng mga dahon at sanga ng punong ng hangin.
BINABASA MO ANG
A Vampire's Ideal Girl (COMPLETED/PUBLISHED BY PHR)
RomanceWala na yatang mas ordinaryo pa kay Jane. Iyon ang dahilan kaya hindi siya napapansin sa campus. At mukhang wala rin siyang pag-asa sa crush niyang si Jeffery--o Jep. Pero nagbago ang buhay niya nang maaksidente siya at kinailangan na masalinan ng d...