Golden Blood, Broken Heart

1.3K 42 1
                                    


"TULUNGAN n'yo ko!" malakas na sigaw ni Jane, pinipilit na makawala mula sa pagkakagapos sa silya. "Tulungan n'yo ako!"

Napapailing naman si Emerald na nasa harap na niya. "Oh, c'mon, sweetness. Nasa private resort ka ng family namin. You have to understand na walang tutulong sa 'yo dito." Pinaikot nito ang mga mata nito na parang hindi siya makaintindi.

"Tulong... parang-awa n'yo na tulong..." sabi niya na nanghihina. Pinipilit niya pa ring makawala sa pagkakagapos pero hindi niya magawa. "Tulong..."

Walang nagawa si Jane kung hindi ang umiyak. Yumuko na lang siya, dahil natatakot na siyang makita ang matalim na piraso ng basag na salamin na alam niyang itatarak ni Emerald sa mukha niya. Noong mga panahong iyon ay naisip niyang wala nga talagang saysay ang pagsigaw niya. Kailangan na lang niyang tanggapin ang mangyayari.

Hinawakan ni Emerald ang baba niya at itiningala siya para magtama ang mga mata nila. "This might hurt a little bit."

Akmang ilalapit na nito ang basag na salamin sa kanya kaya napapikit siya. Napadilat lang siya ulit nang biglang makarinig ng tunog ng binuksang pinto. Puwersahang pagbukas--iyong tipong tinadyakan para bumigay.

Sabay silang napalingon sa direksyon ng pinto. At ang nakita nila doon ay si Jep. Nanlilisik ang mga mata habang nakatitig sa gawi nila. Mahahaba ang pangil nito at tila puno ng galit ang ekspresyon ng mukha nito habang nakatitig kay Emerald.

"Oh my gosh..." nasabi ni Emerald, nabitiwan ang piraso ng salamin. Natuptop ang bibig sa pagkabigla. "A vampire..."

Tila naalerto naman si Scott. Itututok sana nito ang baril kay Jep pero mabilis na nakalapit dito ang binatang bampira. Sobrang bilis na hindi man lang bumilang ng isang segundo. Hinawakan nito ang kamay ni Scott at nagpambuno ang mga ito sa baril.

"Halimaw! Halimaw!" sigaw ni Scott, pilit inaagaw kay Jep ang baril.

Narinig ni Jane ang pag-angil ni Jep. Kasunod niyon ay sinabi nito, "Hindi ako papayag na saktan n'yo si Jane!"

Pinilipit nito ang kamay ni Scott. Napasigaw si Scott, tila nanghina. Halos mapatili si Jane nang biglang iangat ni Jep si Scott mula sa lupa at para bang karton lang ang lalaki na ihinagis sa ere. Narinig nila ang tunog ng paghampas ng katawan ni Scott sa pader. Mas malakas ang tunog ng pagbagsak ng katawan ng lalaki sa lupa. Doon ay nawalan ito ng malay.

Nakatitig si Jep sa katawan ni Scott, bahagya pang hinihingal. Pagkatapos ay bumaling ito kay Emerald.

Napatili si Emerald. Pero agad ding nakabawi. Mabilis nitong pinulot ang piraso ng basag na salaming nabitiwan nito, at itinutok iyon sa kanyang leeg. Muntik nang mapasigaw si Jane sa takot.

"Sige," sabi ni Emerald, nanlalaki ang mga mata. Hindi mo malaman kung tumatawa ba o umiiyak. "Sige, bampira, sige. Subukan mong lumapit. Subukan mong lumapit at lalaslasin ko ang leeg ng babaeng 'to."

Natigilan si Jep. Parang hindi alam ang sunod na gagawin. Nagkaroon ng pangamba sa mga mata nito.

Si Jane ay muli na namang nakaramdam ng panlalamig. Idinikit ngayon ni Emerald sa kanyang pisngi ang matulis na salamin, sapat na para magkaroon iyon ng maliit na sugat at dumugo. Alam niya, seryoso si Emerald. Ngayong nasukol ito, siguradong hindi talaga ito magdadalawang-isip na saktan siya.

SINUNDAN lang ni Jep ang amoy ng golden blood, at common sense. Tingin niya ay wala si Jane sa bahay nina Emerald, pero si Emerald ang kasama nito. Tingin niya ay may masamang balak ang ex niya kay Jane, kaya nga kinabahan siya nang marinig niya na ito ang kasama ng babae. At tingin niya ay dadalhin ito ni Emerald sa private resort ng pamilya nito na napuntahan na niya dati.

A Vampire's Ideal Girl (COMPLETED/PUBLISHED BY PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon