Chapter 17

2.1K 95 18
                                    

Chapter 17
#AkalaMoHindiKoPansin

Hindi ko alam kung paano ako nakarating dito. Ang alam ko lang..kailangan kong makita kung totoo nga ang sinabi sa akin ng babaeng tumawag. Kailangang makita ng sarili kong mga mata. Dahil kahit nangangatog ang buo kong katawan ngayon, hindi pa rin ako naniniwala.

Pasakay na ako ng elevator nang may mabangga ako sa balikat. Isang lalaking palabas naman dito. Ni hindi na ako nakahingi ng tawad dahil sa nararamdaman ko. Pero nang pasara na ang pinto ng elevator, napansin kong nakatigil pa rin pala sa harapan 'yung lalaking nabangga ko. Nakatingin siya sa akin na para bang may iniisip na malalim.

Huli na at nakasara na ng tuluyan ang pinto ng elevator nang mapansin kong katulad nina Sir Arc at Jinoviane, nakaitim rin siya mula sa face mask hanggang sa sapatos.

Ano bang mayroon sa itim ngayon? Bakit halos lahat na lang ng lalaking nakikita ko, nakasuot ng itim?

Ano ka ba Pimang! Umayos ka nga! Wala ka ng oras para mag isip pa ngayon!

Dali-dali akong lumabas nang magbukas ang elevator sa 3rd floor. Para akong hinihila ng mga sarili kong paa paurong, pero pinilit kong makarating sa morgue.

"Ikaw ba ang kamag-anak ng bagong dating na bangkay? Sunog na sunog siya dahil sa pagsabog ng sasakyan. Pakipirmahan na lang 'to para.." Hindi ko na pinakinggan pa ang mga sumunod na sinabi ng matandang lalaki sa akin.

Dahan dahan kong nilapitan ang katawan na nababalot ng isang puting tela. Nanghihina ang mga tuhod ko. Pilit kong tinitibayan ang dibdib ko ganu'n rin ang mga luhang unti-unti ng natitipon sa mga mata ko. Ayoko silang kumawala, dahil hindi ito totoo. Hindi pa patay ang amo ko. Hindi siya 'to.

Aktong tatanggalin ko na ang puting tela nang biglang magsalita ang matandang lalaki. "Hindi mo makikilala ang bangkay, ne. Ito lang ang natirang gamit niya." Iniaabot niya ngayon sa akin ang isang cellphone na nakabalot sa plastic.

Kinuha ko ito at inilabas sa plastic. Halos bumagsak ang buong katawan ko nang buksan ko ang cellphone at mukha ni Ma'm Vira at Doctor Jasbeer Gun ang lumabas na wallpaper dito.

"Natagpuan sa labas ng kotse ang cellphone niyang 'yan. Ang sabi ng mga nakakita, pilit daw lumalabas ng sasakyan ang biktima, pero parang nakaipit ang paa nito sa loob kaya sa huli inabutan siya ng pagsabog. I'm sorry, ne. Condolence."

"Hindi.. Hindi ito totoo. Hindi siya 'yan. Hindi siya si Doctor Jasbeer Gun. Maniwala kayo sa akin, hindi siya 'yan." Paurong ako ng paurong hanggang sa bumagsak na ako ng tuluyan sa malamig na sahig. Para akong binuhusan ng isang timba ng malamig na tubig. Para akong dinaganan ng mundo. Ang bigat sa pakiramdam. Ang mga pinipigilan kong luha kanina.. wala ng humpay ngayon sa pag-agos. "Sorry.. Sorry! Sorry.. hindi kita nailigtas! Sorry hindi kita nabalaan! Jasbeer! Doctor Jasbeer Gun!"

"Pimang.."

Kahit na malabo ang paningin ko, alam kong si Doctor Jasbeer Gun ang kaharap ko ngayon. Lumuhod ako at inupuan ang mga binti ko. Kinakausap niya ako. Kaluluwa na siya!

"Sorry.. gusto ko naman talagang iligtas ka eh! Aaminin ko na.. alam kong mamamatay ka sa kotse mong pula. Alam kong sasabog 'yun at masusunog ka. Pero hindi ko 'yun nasabi sa'yo. Hindi kita nabalaan. Sana patawarin mo ako."

"What the hell are you saying?"

"Hell? Hindi! Hindi ka mapupunta sa hell! Alam kong mabait ka at marami ka ng taong natulungan! Hayaan mo.. Hayaan mo ipagdadasal kita para makatawid ka agad sa kabilang buhay."

"Tumayo ka nga d'yan! Let's go--" Aktong paalis na siya kaya naman hinawakan ko ang kamay niya.

Bakit ganu'n? Mainit ang palad niya.

She's Half Crazy [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon