Chapter 3

2.6K 121 12
                                    

Chapter 3
#WalangIngat

“Hoy Pimang! Hindi ka ba talaga lalabas diyan? Aba! Kahapon ka pa nagkukulong diyan sa kwarto mo! Magpapakamatay ka na bang bata ka? Sabihin mo lang at ako mismo ang papatay sa'yo! Ang laki ng binayaran natin sa Hospital tapos tatakasan mo ako do'n! Humanda ka talaga sa akin kapag nakapasok ako diyan!” Halos gibain na ni Nanay ang pinto ng kwarto ko sa lakas ng katok niya. Kahapon pa siya ganyan nang maka-uwi dito sa bahay at malaman na nandito lang pala ako.

“Hayaan mo na anak. Baka gusto lang mapag-isa ng bata.” Mabuti pa si Lola naiintindihan ako.

“Aba! Hindi! Sumosobra na 'yang batang 'yan! Hindi pa siya tapos gamutin sa Hospital tapos malaman laman ko eh tumakas na pala! Parang walang isip! Ang tanda-tanda na ng apo niyo na 'yan! Kaya lumalaki ang ulo eh, masyado niyong bine-baby!”

Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan at katulad ng inaasahan ko, bumungad sa akin si Nanay habang nakapameywang. Babalik na sana ako sa loob ng kwarto ko ulit kaya lang nahagip na niya agad ang tainga ko.

“Aray! Nay! Masakit!” Sobrang higpit kasi ng pagkakaipit niya sobra!

“Reyna nasasaktan na ang bata!” Narinig kong saway ni Lola. Masyadong sadista kasi itong si Nanay! Hindi malaman kung kanino nagmana, eh ang bait-bait naman ng mga magulang niya!

“Tama lang 'to nang magtanda siya!” Halos mapatalon na ako sa sakit.

“Okay na po.” May biglang nagsalita na lalaki sa bandang kusina. Doon lang tumigil si Nanay sa pagpingot sa akin. Grabe siya! Paduduguin niya yata talaga ang tainga ko!

Himas-himas ko ang tainga ko nang mapansin ko kung anong sinasabi ni Kuya na okay na daw. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong bumili pala ng bagong gasul si Nanay!

Agad akong humarang kay Nanay na papunta na sana sa gasul upang i-testing. Iniharang ko pa ang dalawa kong kamay upang hindi talaga siya makadaan.

“Ano ba Pimang! Lumayas ka nga sa harapan ko!” Tatabigin na sana ako ni Nanay, pero niyakap ko siya. Pilit siyang kumakawala sa pagkakayakap ko, pero mas lalo ko pang hinigpitan.

“Nay mag-uling na lang kayo! H'wag niyong gamitin 'yang gasul!” Sigaw ko.

Niwiweirduhan na si Kuyang nagkabit ng gasul sa akin, pero wala akong pakialam.

“Ano ka bang bata ka! Uling ka d'yan! Sino bang mahihirapan kung walang gasul? Kung makapagsalita ka diyan akala mo'y ikaw ang nagluluto! Minsan ka nga lang mautusan may kapalit pa!”

“Basta Nay h'wag kayong mag-gasul!”

“Oh, okay na pala eh.” Boses yun ni Lolo.

Dahan-dahan akong bumitaw kay Nanay at nakita kong binubukas-sara ni Lolo ang kalan. Para akong nabunutan ng isang malaking tinik ng tilapia sa lalamunan. Walang nangyari, ibig sabihin hindi gasul ang sasabog. Napapraning lang pala ako.

“Sige salamat to!” Paalam ni Nanay kay kuyang nagkabit ng gasul. Kakamot-kamot siya sa ulo habang papalabas ng bahay.

“Ano ba 'yang suot mo Pimang? Tirik na tirik ang araw sa labas balot na balot ka naman! Nasiraan ka na ba ng utak? Nalaglag ang isang turnilyo mo sa ulo noong naaksidente ka? Hubarin mo nga yang jacket na 'yan! Ako ang naiinitan sa'yo eh!” Sabi na eh wala talagang hindi napapansin si Nanay.

Imbis na hubarin ay lalo ko pang itinodo ang zipper paitaas sa leeg ko. Isinukbit ko rin ang hood sa ulo ko at nagsuot ako ng itim na mask.

“Hindi ka ba naiinitan apo?” Tanong ni Lola habang inilalabas ang mga ipinamili niyang gulay sa lamesa.

She's Half Crazy [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon