Chapter 23
#PapelSaBuhayMo“Aba, Ginoong Maria! Napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong Anak na si Hesus.” Napalunok ako ng laway nang mapagtanto kong masyado pa lang malakas ang boses ko at dahil doon ay napapasulyap si Doctor Jasbeer sa akin. Ipinikit ko ng mariin ang aking mga mata atsaka nagpatuloy sa pagdadasal gamit na lamang ang isip ko. 'Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan, ngayon at kung kami'y mamamatay. Amen.'
Sakto nang matapos kong banggitin sa isip ko ang 'Amen' ay napamulat ako at napatingin sa kasalukuyang katapat naming sasakyan. Kasing bilis ito nang pagpapatakbo ni Doctor Jasbeer dito sa sportscar niya. Shete! Ito na 'yun! Ito 'yung pangitain na nakita ko! Itim na kotse. At dahil hindi tinted ang bintana, kitang-kita ko ngayon ang hitsura ng lalaking nagpapatakbo nito. Pero bakit ganu'n? Kaibigang matalik ni Doctor Jasbeer ang papatay sa kanya? Napansin ko na napasulyap rin si Doctor Jasbeer sa kagitgitan niya ngayong sasakyan. Alam kong nakita niya rin kung sino ang sakay nito. Kaya naman halata ko na biglang nagbago ang aura niya.
Bago tuluyang malagpasan namin ang itim na kotse, nakita ko na nagsuot ng itim na facemask si Jinoviane. Siya 'yung lalaking sumaksak sa akin! Hindi ako maaaring magkamali! Lahat nang nakita ko sa pangitain.. unti-unting nagkakatotoo.
Kahit na sobrang bilis na nang pagpapatakbo ni Doctor Jasbeer dito sa kotse niya, nagawa pa ring makahabol ni Jinoviane. At nang makatapat na itong muli sa gilid ni Doctor Jasbeer, biglang bumaba ang bintana nito. Kasabay nu'n ang pagtutok ng baril ni Jinoviane kay Doctor Jasbeer!
Wala akong ibang nagawa kung hindi ang sumigaw sa sobrang takot at gulat! Napapikit na lang ako nang marinig ko ang malakas na putok ng baril. Isa.. dalawa.. tatlo.. apat.. lima, limang beses kong narinig ang nakakabinging putok. Kahit na wala akong makita ay alam kong nagpaikot-ikot kami na para bang titilapon kahit na anong oras. Nagmulat lang ako nang maramdaman kong nakatigil na ang sinasakyan naming kotse.
Nasa gitna kami ngayon ng kalsada at nakaharap sa maling direksyon. May mga sasakyan nang huminto hindi kalayuan sa amin at nagsisibabaan ang mga sakay nito upang tingnan ang nangyari sa amin.
Si Doctor Jasbeer.. bakas sa mukha niya ngayon ang sobrang galit. Hinampas pa niya ng kamao ang manibela at paulit-ulit na nagbibitaw ng malalim na paghinga. Pagkaraan ay nabaling sa akin ang kanyang paningin at unti-unting napalitan ng malamlam na pakiramdam ang kanina'y nagliliyab na mga mata niya. “Okay ka lang?”
Alam kong mali na mag-assume na naman akong nag-aalala siya sa akin, na may pakialam siya kung okay nga lang ba ako, pero sa pagkakataong ito, hindi ko maiwasan. Ramdam ko ang init ng tingin niya, na tila ba gustong pumrotekta sa akin.
Imbis na sumagot sa tanong niya ay agad ko siyang pinagmasdan. Nang makita kong hindi naman siya tinamaan ng bala ng baril ay nakahinga ako ng medyo maayos.
BINABASA MO ANG
She's Half Crazy [COMPLETED]
Fantasy(Jasbeer Gun Vergara's story) COMPLETED 'H'wag mo akong hawakan. Ayokong makita kung paano ka mawawala sa mundong ito.' Author: AC Ramos (sayonara_chinji)