DECEMBER 10, 2007
NAPABUGA na lang ng hangin si Gia nang magising na naman siyang may luha sa mga mata. Naka-slouch pa siya nang bumangon dahil kahit buong magdamag naman siyang tulog, pagod na pagod pa rin siya at hindi niya alam kung bakit.
Marahan niyang tinapik-tapik ang dibdib habang nakatitig sa framed A4 sized acrylic 'night sky' painting na nakasabit sa katapat na dingding. Nabili niya 'yon sa art exhibit sa school last year. Sa ilalim ng malawak, madilim pero mabituing gabi, makikita ang ilang detalye sa ibaba gaya ng mabababang building at mahabang kalsada kung saan may maaaninaw na silhouette ng isang kotse. Pero minor details na lang ang kung anumang nasa ibaba ng kalangitan.
The main star of the painting was the beautiful night sky, of course.
Gustong-gusto niya ang hitsura ng madilim na langit na parang binudburan ng milyon-milyon at nagkikislapang stars kaya unti-unti rin siyang kumalma.
Nanaginip na naman ako.
Ang nakaka-frustrate lang, hindi niya maalala ang mga napapanaginipan niya. Ang sigurado lang siya, parati siyang umiiyak sa mga panaginip niya. Dahil tuwing magigising siya, pakiramdam niya, may kinuhang mahalagang bagay sa kanya na hindi naman niya alam kung ano.
"Ate, gising na ikaw."
Napangiti si Gia nang pumasok sa maliit niyang kuwarto ang five year old baby brother niyang si Gio. Nakasakay pa ang kapatid niya sa laruang tricycle na itinutulak nito gamit ang mga paa. Naka-puting sando ito at naka-briefs lang kaya ang cute-cute tingnan. Kung hindi lang siya nanghihina, baka tumayo na siya at pinugpog ng halik ang matatambok na pisngi ng batang lalaki. "Good morning, Gio!"
Ngumiti ng maluwang si Gio kaya kitang-kita tuloy na wala na itong front teeth sa kakakain ng matatamis. "Ate, ligo na daw ikaw sabi ni Mama. 'Tapos kain na ikaw."
"Pa-kiss muna si Ate," natatawang sagot niya, saka siya tumayo at nag-squat sa harap ng kapatid niya. Magaang na pinisil niya muna ang matatambok nitong pisngi bago niya hinalikan. "Hmm. Ang aga-aga, ang asim-asim na ng baby boy namin. Maligo ka na rin, ha?"
"Ayaw!" nakasimangot na sagot nito, saka mabilis na umatras palayo sa kanya hanggang sa makalabas na ito ng kuwarto niya.
Natawa siya habang iiling-iling. "Gio, hindi kita dadalhin sa Disneyland kapag maasim ka!"
Tumayo na si Gia at inayos na ang mga isusuot, saka niya binuksan ang FM radio para mag-soundtrip habang naliligo. Pangarap niya ang maging band vocalist balang-araw kaya emote na emote siya sa pagsabay nang patugtugin ang Your Guardian Angel by Red Jumpsuit Apparatus. Hanggang ngayon yata, national anthem pa rin 'yon ng high school students na gaya niya.
Pagkatapos ng lima pang OPM rock songs na pinatugtog sa radyo, tapos na siyang maligo at nakapagbihis na rin sa school uniform niya na white blouse with red ribbon, mahabang red skirt na isang dangkal na lang ang layo sa magkabilang-sakong niya, at black shoes na may white socks.
Iyon ang uniform nila sa Stella Academy– isang private school. Sa totoo lang, burden sa kanya ang mag-aral sa mamahaling school simula grade school dahil hindi sila mayaman. Bus driver sa Maynila ang papa niya at cook sa elementary school ng barangay nila ang mama niya. Okay naman ang kinikita ng mga magulang niya pero alam niyang mahal ang tuition fee niya kaya gusto sana niyang lumipat sa public school. Pero ayaw pumayag ng parents niya dahil ang gusto daw ng mga ito, masigurong mas magandang school ang papasukan niya hanggang sa makapasok siya sa malalaking university sa Maynila kapag nag-college na siya.
Ayaw naman niyang madismaya ang parents niya kaya hinayaan na lang niya. Pero dahil gusto niyang makabawas sa gastusin, nag-apply siya sa scholarship program ng Stella Academy at nakapasa naman siya. Nasa junior year na siya at hanggang ngayon, miscellaneous fees lang ang binabayaran ng mga magulang niya.

BINABASA MO ANG
Night Sky
RomantikAno'ng gagawin mo kung napunta ka sa future at nalaman mong ang boyfriend mo sa time na pinanggalingan mo eh boyfriend na ngayon ng best friend mo? Honestly, akala ng fifteen-year-old Gia eh 'yon na ang pinaka-bad news na matatanggap niya nang mapun...