HINDI mapigilan ni Vincent ang mapangiti habang nakasandal at nakahalukipkip sa malamig at matigas na dingding ng elevator. Kahit ang reflection niya sa saradong double doors, ipinapakita sa kanya na mukha na siyang tanga sa kakangisi mag-isa. Pero hindi niya mapigilan lalo na't hindi niya maalis sa isipan kung ga'no ka-cute si Gia nang makita nito ang dadalawang buttons na ginagamit sa banyo para bumukas ang showerhead.
"Bakit walang tabo at timba si Wendy?!"
Natawa na siya nang maalala ang hindi makapaniwalang tanong na 'yon ni Gia na nanlalaki pa ang mga mata. Wala na siyang pakialam kung iniisip ng mga nakakapanood sa kanya sa CCTV sa loob ng elevator na nababaliw na siya.
I've missed her innocence.
Naging seryoso na uli siya nang makarating na sa lobby. Binaba niya ng husto ang visor ng black cap niya at nakapamulsa siyang lumabas ng elevator. Pagkatapos, mabilis siyang dumeretso sa private lounge ng coffee shop kung saan naghihintay ang mga kaibigan niya.
Dating mga kaibigan.
Gaya ng inaasahan niya, seryoso at tahimik sina Aron, Maj, at Wendy nang abutan niya. Parang nagkaro'n ng kanya-kanyang mga mundo habang hawak ang kanya-kanyang phone. Halatang walang interes ang mga ito sa isa't isa. Maging ang tasa ng kape sa mesa, sigurado siyang malamig na. Well, wala naman na si Gia do'n kaya siguro wala na ring nag-abalang magpanggap na okay ang lahat.
"We can't really stand each other now, huh?" mapait na tanong ni Vincent nang umupo siya sa tabi ni Wendy, paharap kina Maj at Aron na kahit magkatabi sa pahabang couch, kapansin-pansin naman ang malaking distansiya sa pagitan na para bang diring-diri sa isa't isa.
Of course, they're disgusted at each other after what happened between them.
"What the fuck is wrong with you, Vincent?" galit na tanong ni Wendy sa volume ng boses na sapat lang para marinig ng mga kasalo sa mesa. Kahit na nakahiwalay ang cubicle nila sa ibang guests ng coffee shop at malayo rin sila sa ibang mesa na nasa private lounge, nag-iingat pa rin ito para makasigurong walang makakarinig sa usapan nila. "Why do you have to fabricate such fancy lies to Gia? At bakit pati kami, kailangan mo pang idamay sa kalokohan mo?"
Hinilot ni Vincent ang sentido niyang biglang kumirot dahil sa boses ni Wendy. Hindi niya nilingon ang babae kahit halos isang dangkal lang ang layo nito. Pagkatapos ng malaki nitong kasalanan sa kanya, hindi niya ito magawang tingnan nang hindi siya nakakaramdam ng galit.
"Kalokohan ba ang protektahan si Gia?" galit na tanong naman ni Maj na masama ang tingin kay Wendy. "But I shouldn't be surprised. This is what I expect from a cunning bitch like you anyway."
Ngumisi si Wendy na halatang iniinsulto si Maj. "I don't want to hear that from you. 'Wag kang masyadong magmalinis, Maj." Binigyan nito ng makahulugang tingin si Aron. "Why don't we hear what your ex-boyfriend have to say about you, huh?"
Halatang biglang namutla si Maj at parang nanigas ang leeg kaya hindi makalingon sa kanan nito.
"Woah, don't get me involved," natatawang sabi naman ni Aron na hindi man lang inalis ang tingin sa hawak nitong phone. "Wala akong pakialam kung magpatayan kayong dalawa d'yan. You know what? It would be interesting to see two ex-friends in a catfight so by any means, please go ahead."
Harsh.
Napangisi si Vincent. It might be his dark humor, but it was fun to watch his former friends being this hostile to each other which was a far cry from their previous harmonious relationship.
Gia would be shook if she witnessed this fight.
"I don't think you should be laughing right now, Vincent," malamig na saway sa kanya ni Wendy. "Ano bang nakakatawa sa sitwasyon natin ngayon?"
"Kayo," mapait na sagot ni Vincent dahilan para sabay-sabay na mapatingin sa kanya sina Aron, Maj, Wendy. Isa-isa niyang pinasadahan ng malamig na tingin ang mga ito. "Tayo. Nagtataka pa ba kayo kung bakit napunta si Gia dito? Sa nangyayari ngayon, hindi mahirap paniwalaan na tayo ang dahilan kung bakit siya nahila papunta dito sa "future." We all fucked up. This is not what she expected us to become when we were younger."
Namula ang mukha ni Aron na parang napahiya sa sarili.
Naitakip naman ni Maj ang mga kamay sa bibig nang mapahikbi ito. Emosyonal ito dahil bukod sa kanya, ang babae ang pinakamalapit kay Gia simula elementary.
Ngumisi si Wendy na parang nang-iinsulto. "Gia had always been the center of our universe before. But it's been ten years now. Hanggang ngayon ba, kailangang sa kanya pa rin umikot ang mundo natin? Wake up, people." Isa-isa sila nitong pinasadahan ng tingin. And then she fixed him a hard stare. "She's not part of this world anymore."
Parang may sumuntok sa dibdib ni Vincent sa katotohanang iyon. "Wendy–"
"Gia is gone!" galit na pagpapaalala ni Wendy sa kanilang lahat. "She died ten years ago. Hindi 'yon magbabago kahit pa napunta dito ang past version niya for some unknown reason." Bumakas sa mukha nito ang frustration. "And she deserves to know the truth."
"Hindi kakayanin ni Gia kung malalaman niya na sa present na 'to, wala na siya," katwiran naman ni Maj sa basag na boses. "Mas madaling gumawa ng kuwento tungkol sa naging buhay ng "adult version" niya kesa sabihin sa kanya na namatay siya sa aksidente ten years ago."
"Pero hanggang kelan tayo gagawa ng kuwento tungkol sa non-existent adult life niya?" frustrated na tanong naman ni Aron na mukhang nakalimutan na ang phone nito. "Pa'no kung permanente na siyang ma-stuck sa time na 'to? Forever na rin ba tayong magsisinungaling sa kanya?"
Natahimik silang lahat.
It was Vincent who decided to keep the truth from Gia. Si Maj naman ang gumawa ng fabricated stories para isipin ni Gia na parte pa rin ito ng present time. No'ng una pa lang, halatang reluctant na sina Aron at Wendy na magsinungaling pero napapayag din niya ang dalawa. Pero ngayon, mukhang hindi na gano'n ang sitwasyon. Sa email at video chat lang naman kasi sila nag-usap-usap kagabi.
Iba pa rin ang pakiramdam ngayong nakaharap na nilang lahat si Gia at napuwersa silang tanggapin na totoo ngang napunta ito sa panahon nila kahit na dapat ay imposible 'yong mangyari.
Alam niya dahil no'ng nakita ng mismong mga mata niya si Gia, bumalik ang lahat ng damdaming akala niya ay matagal nang nawala sa dibdib niya. Pero pilit niyang inaalis muna sa isipan ang mga iyon dahil kapag tuluyan nang nag-sink in sa kanya ang realidad, mawawasak uli siya. Madudurog. Dahil kahit masaya siya sa pagbabalik ng babae, sigurado siyang mas magiging matimbang ang sakit at pagkabigo ng katotohanang maghihiwalay sa kanila.
Because everything had changed now and the world had turned cold and cruel.
"Vincent, let's tell her the truth," pangungumbinsi sa kanya ni Wendy. Hindi niya alam kung bakit kahit matagal na silang nagkawatak-watak, parang siya pa rin ang sinusunod ng mga dating kaibigan. Ang nakakatawa lang, halatang hindi napapansin ng mga ito na bumabalik sila sa dati dahil sa pagbabalik ni Gia. The 'center of their universe' seemed to pull them all together once again. "Hindi ka ba naaawa kay Gia?"
"Hindi ka ba naaawa kay Gia?" balik-tanong ni Vincent na nagpatahimik dito. Akala niya, matagal na niyang kontrolado ang damdamin niya. Pero ngayon, nabasag ang boses niya at narinig niya ang sarili niyang kalungkutan at guilt. "How can you tell Gia that she doesn't belong in this time anymore because she's already dead?"
How could he tell his first love and his Polaris that "nighttime" has come for her a long time ago?
I just can't.
***
BINABASA MO ANG
Night Sky
RomanceAno'ng gagawin mo kung napunta ka sa future at nalaman mong ang boyfriend mo sa time na pinanggalingan mo eh boyfriend na ngayon ng best friend mo? Honestly, akala ng fifteen-year-old Gia eh 'yon na ang pinaka-bad news na matatanggap niya nang mapun...