ANG LIKOT ng mga mata ni Gia habang naglilibot sa mga food stall sa lugar na 'food park' daw ang tawag. Nakakatuwa na ang dami-daming cuisine mula sa iba't ibang bansa ang puwedeng mabili sa isang lugar lang. Mukhang marami talaga ang naka-appreciate niyon dahil ang daming tao roon nang mga sandaling iyon.
Naputol lang ang pagpipiyesta ng kanyang mga mata sa paligid nang may bumangga sa balikat niya. Malaking lalaki ang nakabungguan niya na hindi man lang nag-sorry. Muntik na siyang matumba kung hindi lang umalalay ang kamay ni Jeremy sa likod niya.
"'You okay, Gia?" nag-aalala nitong tanong. Mula sa likod niya, umangat ang kamay nito sa kanyang balikat kaya nakaakbay na sa kanya ang lalaki. Pero magaang naman ang braso nito na parang sinisiguro lang na hindi siya matutumba sa dami ng nakakabanggaan niya sa paglalakad. Nakakatuwa nga na nagagawa pa siya nitong alalayan samantalang nabubunggo rin ito ng iba. "Nakapag-decide ka na ba kung ano ang gusto mong kainin?"
"Ang daming choices, eh," sagot niya, inilibot uli ang mga mata sa paligid hanggang sa mapako ang kanyang tingin sa isang stall na may katabing tarpaulin. May picture doon ng mga milkshake na ino-offer ng stall, dahilan para mapatigil siya sa paglalakad at hilahin ang laylayan ng damit ni Jeremy na huminto rin sa paglalakad at tiningnan ang itinuturo niya. "Look at that milkshake. Ang laki-laki!" nanlalaki ang mga matang sabi niya. "May whipped cream, pinipig drumstick, pretzel, at saka paano basahin 'yong chocolate na nakasulat? Nut-ella?"
"Nutella," nakangiting pagtatama nito sa kanya, saka inalis ang kamay sa balikat niya para mamulsa.Pagkapos, naglakad na sila papunta sa stall. "May cheeseburger din silang isine-serve. Gusto mo ba 'yon? Konti lang naman ang kinain mo kaninang dinner kaya okay lang na mag-burger ka. Maglakad na lang tayo pauwi para bumaba rin agad ang kakainin mo."
Tumango si Gia. Naglakad lang sila papunta sa food park dahil malapit lang iyon sa bahay ni Jeremy. Para daw walang makakilala sa kanya, ipinahiram ng lalaki ang red hoodie nito na ipinatong niya sa suot na white shirt. Bukod sa hoodie, mayroon din siyang red bull cap na ipinahiram din ni Jeremy. Nakapantalon din siya at sneakers dahil malamig sa labas.
Halos pareho sila ng porma ni Jeremy na asul naman ang hoodie at bull cap na suot. Nakapantalon at sneakers din ito. Matangkad at athletic man ang built, hindi naman ganoon ka-mature ang mukha ng lalaki kaya umaasa siyang hindi sila mukhang mag-ama o magkapatid. Ang awkward kasi niyon kung sakali at hindi niya alam kung bakit.
"Wait here," sabi ni Jeremypagkatapos ipaghila ng monobloc chair si Gia sa bakanteng table for two na nakuha nila sa harap ng stall. "Ano'ng gusto mong kainin, Gia?"
"'Yong may pinipig at Nutella," mabilis niyang sagot. "Saka 'yong cheeseburger at fries."
Ngumiti at tumango ito, saka ginulo ang kanyang buhok na parang naaaliw sa kanya. "Okay, anything the birthday girl asks for."
Natawa lang siya at pabiro itong itinaboy.
Nangalumbaba si Gia at tumingin uli sa paligid. Madilim na dahil pasado alas-diyes na ng gabi, pero maliwanag sa foodpark. Bukod sa mga nakasinding lamppost sa kahabaan ng kalsada, may maliliwanag at makukulay na ilaw din sa magkakahilerang food stall.
But no matter how beautiful the lights were, her eyes still found the night sky more interesting. There was just something about the dark clouds and the twinkle of the little stars above that somehow soothed her soul. Why did she love this beautiful sight anyway?
"Hey,"sabi ni Jeremy na may bitbit na tray. Inilapag nito sa mesa ang plato ng giant cheeseburger with fries at milkshake with toppings overload sa malaking mason jar at marahang itinulak ang mga iyon palapit sa kanya. Isang plato ng nachos at milktea naman ang order nito para sa sarili. Iniabot nito ang tray sa dumaang server bago umupo sa monobloc chair sa tapat niya. Hindi niya alam kung bakit, pero natawa ito nang mahina nang mapatingin sa kanya. "You look cute, Gia."

BINABASA MO ANG
Night Sky
RomanceAno'ng gagawin mo kung napunta ka sa future at nalaman mong ang boyfriend mo sa time na pinanggalingan mo eh boyfriend na ngayon ng best friend mo? Honestly, akala ng fifteen-year-old Gia eh 'yon na ang pinaka-bad news na matatanggap niya nang mapun...