BUMANGON si Gia at nagbihis ng pang-alis na damit. Ipinatong niya ang red hoodie (na hindi na niya ibinalik kay Jeremy dahil nagustuhan niya iyon) sa suot na manipis na T-shirt. Sa unang pagkakataon, sinubukan niyang isuot ang 'skinny jeans' na binili sa kanya noon ni Wendy (wala siyang choice kundi isuot ang mga binili nito dahil wala na siyang damit mula sa mga unang ipinabili ni Jeremy para sa kanya). Nakakapanibago na masikip iyon sa mga binti dahil sa panahong pinanggalingan niya, mas uso ang maluluwag na leg pants. Pero mukhang bumabalik naman iyon dahil naalala niyang may 'square pants' din na binili sa kanya si Wendy. Kaya lang, mas komportable siya sa simpleng jeans.
Pagkatapos isuot ang sneakers, lumabas na siya ng kuwarto at dumeretso sa sala kung saan nanonood ng TV ang papa at kapatid niya na mabilis naman siyang niyayang tumabi sa mga ito. Bago pa makasagot si Gia, lumabas na ang mama niya mula sa kusina na may dalang malaking bowl ng fries.
"Ipapatawag pa lang sana kita sa kapatid mo," nakangiting sabi ng kanyang ina habang ipinapatong sa mesa ang bowl. Pero mabilis na kumunot ang noo nito nang mapatitig sa kanya. "Bihis na bihis ka yata, anak. May pupuntahan ka ba?"
"Uhm, Mama, Papa, puwede ba 'kong dumalaw kay Jeremy? Hindi kasi siya sumasagot sa mga tawag at text ko kaya medyo worried na ko," nahihiyang paalam niya sa mga magulang.
Nagkatinginan ang parents niya. Mayamaya lang, ngumiti ang mama niya at tumango naman ang papa niya na parang nakapag-usap ang mga ito sa tinginan lang.
"Ihahatid na kita, anak," sabi ng kanyang ama, saka ito tumayo. "Malapit lang naman dito sa 'tin ang bahay nina Jeremy."
Hindi na kumontra si Gia.
Habang ipinagda-drive ng papa niya, nagkuwentuhan sila gaya ng madalas kaya nagulat pa si Gia nang mayamaya lang, nasa bahay na sila ni Jeremy. Hindi na sumama ang papa niya sa loob at binilinan na lang siya na huwag magtatagal sa labas at tumawag dito kapag magpapasundo na siya.
Pagkaalis ng kanyang ama, pumasok na siya dahil hindi naman naka-lock ang gate. Pagkatapos, dumeretso siya sa bahay dahil binigyan siya ni Jeremy ng spare key roon.
Bakit hindi niya ini-lock ang gate?
Pagpasok sa malaking bahay, katahimikan ang sumalubong kay Gia. Tinawag niya si Jeremy nang malakas, pero walang sumagot. Hanggang sa napansin niyang bukas ang ilaw sa kusina kaya doon siya dumeretso.
Nandiyan ka lang pala.
Nakaupo si Jeremy sa likod ng dining table. Nakapatong ang mga braso nito sa mesa at nakayukyok ang ulo. Base sa galaw ng mga balikat, mukhang natutulog ang lalaki.
Hala. Bakit naman dito siya sa kusina natutulog?
Nakita ni Gia sa kitchen island ang mga ingredients gaya ng tomato sauce, cheese, at pasta. Base sa mga iyon, mukhang magluluto ng spaghetti ang lalaki. Pero bakit naman nakatulog kung magluluto ito? Ganoon ba ito kapagod o kaantok?
"Jeremy," paggising ni Gia rito, saka umangat ang kamay para sana marahang tapikin ang balikat nito, pero natigilan siya nang mapatingin sa mga braso ng lalaki.
Ang daming pasa ni Jeremy!
"Gia?"
Napakurap-kurap siya nang marinig ang pagtawag sa kanya ni Jeremy kaya lumingon siya rito. Gising na ito at nakatingin sa kanya, pero halatang inaantok pa. "Jeremy, ano'ng nangyari sa 'yo?" nag-aalala niyang tanong, saka inginuso ang mga braso nito. "Bakit ang dami mong pasa?"
Noong una, nakatitig lang sa kanya si Jeremy na halatang wala pa sa sarili dahil sa antok. Pero mayamaya lang, nanlaki ang mga mata nito kaya siguro biglang napatayo. Pagkatapos, natataranta nitong kinuha at isinuot ang gray hoodie na nakasampay sa likod ng silya. "Uhm, nagkapasa siguro ako sa pagsu-swimming kahapon sa dagat. Nagkaro'n kasi ng malakas na alon, 'tapos, tumama ako sa malalaking bato. But I'm fine. They're just bruises anyway."
BINABASA MO ANG
Night Sky
RomanceAno'ng gagawin mo kung napunta ka sa future at nalaman mong ang boyfriend mo sa time na pinanggalingan mo eh boyfriend na ngayon ng best friend mo? Honestly, akala ng fifteen-year-old Gia eh 'yon na ang pinaka-bad news na matatanggap niya nang mapun...