Paalam

160 6 0
                                    

Pilipinas 1885

Isang babae ang tahimik na nakatayo sa bintana niya, dinadama ang simoy ng hangin sa kanyang balat kasabay ng pag-alon ng buhok niyang hanggang bewang ang haba. Mapupungay ang mga mata nitong nakatingin nang diretso sa kawalan.

"Señorita halika na po't tayo'y mag-aayos na," sambit ng tagapagsilbi nito na kakapasok pa lang ng silid niya.
"Kay tagal kong hinintay ang araw na ito Mirasol," sambit niya sa tagapagsilbi ngunit hindi manlang siya gumalaw sa kanyang kinatatayuan.

"Después de siyete años (after 7 years)." marahang sabi niya.

Nasa isip at puso pa rin niya ang lalaking pinakamamahal, si Lucio na umalis upang mag-aral ng Medisina sa Madrid.

Mula sa bintana dinig na ang tunog ng carrujes de primer clase na lulan ang lalaking kinasasabikan na niyang makita.

"Andito na po ang Señorito, binibini mabuti pa at bilisan na po natin mag-ayos," sambit ng tagapagsilbi sa dalaga ngunit hindi pa rin ito kumikilos.

"Señorita." paulit pa ni Mirasol.

"Mabuti pa kung hindi na niya ako muling makita pa Mira," pabulong na tugon nito ngunit narinig pa rin ito ni Mirasol.

"Señorita hindi ba ito ang pinakahihintay ninyo? Siguradong sabik na sabik na rin po ang Señorito na masilayan kang muli."

Napabuntong hininga nalang ang dalaga at agad naman siyang inayusan ni Mirasol.

"Napakaganda mo talaga Señorita." nasisiyahang sabi ni Mirasol.

Marahan namang kumatok ang isang tagapagsilbi na agad pinagbuksan ni Mirasol.

"Naghihintay na po ang Señor sa hardin," sambit nito.

"Susunod na kami," kinakabahang sabi ng dalaga.

"Dahan-dahan lang Señorita," pag- alalay ni Mirasol sabay na naupo sila sa gazebo na nasa sentro ng hardin.

"Maiwan ko na kayo rito Señorita. Ipapaalam ko na kay Señor Lucio na narito kayo sa gazebo," pahuling sabi ni Mirasol sabay naglakad na papalayo.

'Di naman magkamayaw sa pagpintig ang puso ng dalagita. Ramdam din niya ang pagkasabik na makita ang ginoong bumihag sa puso niya. Pero kasabay ng pagkasabik ang pagdadalamhati.

Ilang sandali pa may narinig na siyang mga yapak. Naramdaman niya ang pagtakip ng dalawang pares ng kamay sa kanyang mga mata.

Napangiti siya.

"Lucio."

Nagulat siya sa biglaang pagyakap nito sa kanyang likod.

"Ilang buwan ka nang hindi nagpapadala ng liham, nais mo bang ako'y mabaliw kakaisip kung anong nangyari sa iyo?" sambit ni Lucio na may halong pag-aalala sa kanyang boses.

"Paumanhin, hindi ko na sana nais na magkita pa tayo," tila naiiyak na tugon ng dalagita.

"Ano ang iyong dahilan? May iba na bang lalaki na.."

"Maghiwalay na tayo Lucio." Hindi na napigilan nito at tuluyan ng dumaloy ang mainit na luha sa kanyang pisngi.

"Nais kong mahanap mo ang kaligayahan sa puso mo at alam kong hindi na ako ang magbibigay non." nanghihinang sambit ng dalaga kay Lucio.

"Hindi ko maintindihan mahal ko." tila nanlumo si Lucio sa mga narinig sa dalaga.

Unti-unti nang kumalas sa pagkakayakap ang dalaga at dahan-dahan na tumayo papasok sa kanilang hacienda.

Tulala lang si Lucio na nakamasid sa babaeng sinisinta. Nais niya itong sundan ngunit hindi pa rin lubos na pumapasok sa kanyang isip ang mga salitang narinig.

"Sandali."

Mabilis niyang hinabol ang dalagita.

Nagulat ang dalaga kay Lucio akala niya ay tuluyan na nitong hinayaan siyang umalis.

"Margarita." mahinang tugon ni Lucio.

"Mahal kita at kung may iba ka nang gusto, mauunawaan ko naman ito." tila maiiyak na ang binata ngunit tumalikod ito para hindi mapansin.

Agad naman niyang hinarap ang dalaga at inilahad ang kamay nito. Nais niya na sa huling pagkakataon ay gawin nila ang bagay na lagi nilang ginagawa simula pagkabata.

"Kamayang tanda ng pagkakaibigan. Ikaw at ako hanggang dulo at magpasawalang hanggan?"

Inilahad muli ng binata ang kanyang palad, ngunit tila litaw ang isip ng dalaga at nakatingin lamang sa kawalan.

Ilang segundo pa ang lumipas ngunit hindi manlang tinugon ni Margarita si Lucio na pinagtaka ng binata.

"Margarita." sabay wasiwas ng kamay nito sa mukha ng dalaga.

"Bulag ka?" tila nanlumo ang binata at napaluhod.

--

Alam kong masyado 'tong mahaba para sa isang dagli. 'Wag gayahin hehe.

Badhi (Dagli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon