Libing

153 4 0
                                    


Napatingin ako sa langit, huling araw na pala.

Huling araw nang libing mo. Maraming nagdadalamhati, tulala, at hindi makapaniwala sa biglang pagkawala mo.

Aaminin kong labis akong nasasaktan at nangungulila sa'yo, kung maaari lang gusto na rin kitang sundan.

Hindi ko makakalimutan ang pangako natin sa isa't-isa pangakong makapagtapos, magkaro'n ng sariling bahay at makapaglakbay sa iba't-ibang bansa. Ngayon, tutuparin ko nalang ang mga ito nang mag-isa.

Hindi ko makakalimutan ang mukha mo nang huling beses tayong magkita. Maputla at hindi makapagsalita. Patawad, dahil mas pinili kong iwan ka dahil sa naging malubha nating pag-aaway.

Simpleng usapan na napunta sa bangayan. Iyon na pala ang huli nating pag-uusap.

Tumayo ako malungkot man ay masaya kong ibinahagi sa mga taong mahahalaga sa iyo ang mga sulyap sa alaala nating magkasama.

Nagtapos ako nang may ngiti sa aking labi, kasabay noon ang unti-unting pagbagsak ng mga luha ko. Mabilis itong nag-unahan na parang nakawala sa isang selda.

Selda na nabuo ko sa maikling panahong wala ka. Durog man ay patuloy ko pa ring haharapin ang bukas para sa'yo.

Habambuhay kong babaunin ang katotohanang ako ang dahilan ng pagkawala mo. Sinaksak kita nang paulit-ulit dahil sa galit. Patawad,  bilang kabayaran mag-isa ko ng babagtasin at tutuparin ang mga pangarap na magkasabay nating binuo.

Badhi (Dagli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon