Operasyon

203 6 0
                                    


Kumaripas ako nang takbo patungong hospital halos kapusin ako ng hininga sa pagmamadali. Kinakabahan at tila maiiyak na. Malala na ang karamdaman ni Ina at kinakailangan niya nang maoperahan, para matangal ang kanser na unti-unting kumakalat sa buo niyang katawan.

Hindi ko nakayanan, lumabas ako dahil ramdam kong parang hindi na 'ko makahinga sa loob. Hindi ko rin kayang makitang nasa gano'ng kalagayan ang babaeng pinakamamahal.

Ngunit mapagbiro ata ang tadhana dahil sa dami ng taong makakasalamuha... bakit ikaw pa?

Ikaw pa na unang tibok ng aking puso at bakit ngayon pa? Na lugmok na lugmok ako.

Hindi na 'ko nagpatumpik-tumpik pa at nilapitan kita't kinumusta. Hindi ka pa rin nagbabago. Nakakatameme pa rin at nakakalaglag panga ang iyong ganda. Nag-usap tayo tungkol sa buhay at kung ano-ano pa.

Nagtagal ang ating k'wentuhan, hanggang sa aksidenteng nahawakan ko ang kamay mo. Napatingin ka naman at hindi nakaimik kasabay nang pamumula ng iyong pisngi. Inilapit ko pa ang sarili ko sa'yo halos magkayap na tayo. Ang bango-bango mo.

Ramdam ko namang 'di ka mapakali dahil kung saan-saan ka nakatingin kaya sinamantala ko na ang pagkakataong ito para maabot ang bulsa ng bag mo.

Nagtagumpay akong makuha ang wallet mo at sabay na nagpaalam sa'yo.

May pangpaopera ka na Ina.

Badhi (Dagli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon