Pakiramdam

273 7 0
                                    

Nakatambay lang ako't tulala, naghihintay pa rin sa paborito nating kapihan. Gusto sana kitang makausap kahit sandali lang. May nais sana akong ipagtapat at hindi ko na kayang itago pa ito. Matagal ka na ring hindi nagpaparamdam na labis na bumabagabag sa'kin.

Malalim ang paghinga, kasabay nang paghigop ng mainit na kape. Umaasa akong dadating ka Ed. Umabot na ng dalawang oras pero wala ka pa rin. Napagdesisyonan ko ng umalis nang bigla namang bumuhos ang napakalakas na ulan, pero hindi ito ang makakapigil sa'kin para puntahan ka.

Sumakay na 'ko ng bus, dalawang oras pa ang biyahe bago makarating sa inyo. Mabilis naman ang naging takbo ng biyahe at pabigat naman nang pabigat ang nararamdaman ko.

Mahinahon akong kumatok sa inyong tahanan. Sinalubong naman ako ni Tita Kriselle ang mommy mo.

"Oh Vickie ikaw pala."

"Hello po tita, gusto ko lang po bisitahin si Ed," sambit ko, sabay beso ko sa kan'ya.

"Halika tamang-tama dadalhin ko pa naman sana 'tong mga libro sa kanya, pero andito ka lang din naman ay ikaw na ang magbigay." Tinunguan ko siya at dumiretso na sa lugar na lagi mong tambayan. Ang paborito nating tambayan.

Naupo ako sa tabi mo sabay lapag ng mga libro. Walang pinagbago ang sarap pa rin damhin ng preskong hangin dito kasabay ng pagsayaw ng mga bulaklak.

"Ed, ba't hindi ka nagpaparamdam nitong mga nakaraang araw? Alam kong alam mo na ang tinatago kong lihim, pero gusto ko pa rin na ako mismo ang mag sabi nito sa'yo. Alam kong mas ikagagaan ng loob mo ito. May mahal na kong iba Ed. Patawad kung hindi ko natupad ang pangako kong tayo lang dalawa hanggang sa huli."

Napangiti naman ako kasabay nang pagpatak ng mga luha ko.

Tumayo na ko at iniwan ang mga libro sa tabi ng puntod mo.

Badhi (Dagli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon