Ngayong umaga ang paglipat ng mga staff ng MonKho.Madaling-araw sa mas tamang salita.
Dito na raw sila mag-aagahan bago pumunta sa construction site.
Kaya bandang alas-kuwatro, bumangon na ako para pagbuksan sila ng gate. Habang nag-aabang, nag-init na ako ng tubig kahit para man lang sa kape nila.
Nagkusa na ako kahit wala namang sinabi si Mike. Nakakahiya kasi.
Bago bumalik sa Maynila kahapon si Tita Dolly, nag-grocery ito. Nalula ako sa dami. Ang mahal pa nung mga pagkain. Kulang ang tatlong buwan kong sweldo pambayad sa mga dala ng babae. Punung-puno ang food storage cabinet, kitchen cupboard at ang ref ko na ilang buwan ko nang hindi ginagamit. Buti at nililinis ko ang mga yun kada off ko. Para di ipisin o dagain, o kaya ay mamaho.
Mas madalas kasing gabi kaming mag-ina nariritosa bahay. Ako sa trabaho at university. Si Gelo, kina Estrel o kaya ay sa daycare.
"Huwag ka nang mahiya," kaswal na sabi ni Tita Dolly. Siya na ang mas nag-aayos ng mga pinamili sa ref at mga cabinets sa kusina. Nakikimi kasi akong hawakan ang mga dala n'ya."Kulang pa 'yan sa ginawa mo para kay Michael. Kung nagkataon, meryenda nang mga nakikipaglamay ang hinahanda ko."
Napakagat ako sa labi. Doon ako nakaka-relate sa kanya. Alam na alam ko ang pakiramdam nang mawalan ng kapamilya.
Kung sana... kung sana may dumating na tulong kina Papa...
Mapait akong napangiti sa naalala.
Kinuha ko ang dalawang balot ng American sliced wheat bread at yung malaking garapon ng Cheez Whiz at imported brand ng peanut butter.
Napakamot ako sa ulo. Di ako sigurado kung sasapat ba ang mga ito dahil halos dalawampu raw ang staff ng MonKho na dadating.
Yung ibang trabahante naman kasi, dito na nila kinuha sa Bataan.
Saka ko naisipang magprito na lang muna ng hotdog at itlog. Kaya ko naman na kung simpleng pagluluto lang.
Alas-otso pa ang call time nila sa trabaho. Maihahabol ko ang sinaing.
Napangiti ako. Magagamit ko uli ang malaki naming kaldero na pinaglulutuan ni Mama halos araw-araw dahil palagi nga kaming may mga bisita dito noon.
Sakto lang pala ang pag-grocery ni Tita Dolly. At least may maiihain ako.
Humakbang ako papunta luma naming rice dispenser.Puno ito ng laman dahil isang sako ang binili kahapon.
Di pa man ako nakakakuha ng bigas, narinig ko ang paghinto ng mga sasakyan sa tapat.
Inilapag ko muna ang kaldero sa lababo para unahin ang pagbubukas sa gate.
Mabilis kong kinuha sa sabitan ang susi sa main door at sa gate.
"Ssshh! Huwag kayong maingay. Tulog pa ang mga kapitbahay," may narinig akong nagsaway sa ilang nag-uusap.
Di naman malakas ang usapan nila pero dahil marami, parang ganun na rin.
Natahimik sila nung marinig ang pag-click sa pinto.
"Good morning!" si Mike.
Halatang bagong gising lang at naghilamos, tapos nagpunta na dito.
Inangat ko agad ang hintuturo sa labi para ipaalam na ang ingay n'ya.
Napasapo s'ya sa bibig, "Sorry."
Ayan na nga. Nadagdagan ang mga iilang ilaw na nakabukas na sa mga kapitbahay ko.
Kunsabagay, pakiramdam ko, kanina pa gising ang karamihan sa kanila.
BINABASA MO ANG
Yung Hunk sa Mang Donald's #B5
General FictionDalawa silang umalis magkapatid...dalawa silang bumalik mag-ina. Sa edad na beinte uno, hinarap ni Kennie ang tahimik na pangungutya ng komunidad, para sa maglilimang taong gulang na anak. Tinalikuran na nya ang sariling kaligayahan... kasi kailanga...