3 Settled

583 36 5
                                    


Bago pa may makasagot sa sinabi ni Rob, sumingit si Gelo sa usapan.

"Mama, m-may nang-aaway po sa 'yo? Di ka nila bati?" inosente n'yang tanong.

Otomatikong hinaplos ko ang ulo n'ya para itago ang saglit at pailalim na tingin kay Rob.

Napatikhim ang magkakaibigan.

"Wala, anak. Ano lang... uhm..." naghahagilap ako nang tamang sasabihin.

"Ipagtatanggol kita, Mama," buong kumbiksyon n'yang pahayag. "Papaluin ko s'ya ng gitara!"

Gusto kong mahindik sa tinatakbo nang murang isip n'ya.

Mahinang natawa sina Mike at Aris.

"Ang tapang naman," sabi ni Mrs.Montecillo na hinaplos s'ya sa ulo. "Pero masyadong ka pang maliit. Huwag ka muna mag-isip ng mga ganyang bagay, okay?"

Tumango man si Gelo pero, "Basta po walang aaway sa Mama ko."

"Wala naman, anak," paniniguro ko sa kanya.

"At hindi pamalo ang gitara," singit ni Mike. "Halika dito. Ituturo ko kung paano 'yan gamitin."

Napakunot-noo ako. Marunong s'yang maggitara?

"Alam ko po. Gan'to yun eh. Nikikita ko sa tibi," pagyayabang pa ng anak ko habang pinaraan ang mga daliri sa strings ng gitara. "Di ba?"

Natawa lalo si Mike. Ganun din si Aris.

"Nitatawanan n'yo 'ko!" maktol ni Gelo.

"Halika nga kasi dito," salo ni Mike na nagpipigil ng tawa. "Tuturuan kita. Yung maganda ang tunog."

Halatang ayaw maniwala ng bata sa kanya. Kahit ako, medyo iskeptikal.

"Go ahead, Gelo," si Mrs. Montecillo na ang nangumbinsi. "Si Tito Mike and Tito Aris, magaling sila maggitara. Nagko-concert nga sila."

Concert?

"Concert? Ano po 'yun?"

"Si Tita talaga. Di naman concert," sambot ni Aris. Tapos tumingin sa anak ko. "May banda kami. Alam mo 'yun?"

Tumango si Gelo, "Yun may maggigitara, tsaka papalo sa drams tsaka may nipapiyano tsaka may kakanta po, di ba?"

"Yun. Ganun. May ganun kami."

"Talaga po?!"

Kahit ako, medyo nagulat sa narinig. Wala kasi sa itsura nila. Mas mukha silang professionals na mayayabang.

Mayabang ba ang ganyan, Roqueña? Tumatanaw nga ng utang na loob at di kayo pinababayaang mag-ina.

Saway ng isip ko.

I mean, may aura ng otoridad na tila mabilis lang sa kanila ang mag-utos. Tsaka ano, mukhang di mapagkakatiwalaan pagdating sa babae. Lalo na si Mike. Naririnig ko sa mga usapan ng mga staff nila kapag nasa apartelle. At yun nga, si Darcy, isa na dun sa mga nai-date n'ya.

Ano ba ang aasahan mo? May ipagyayabang namang itsura at pigura. Isa pa, mga galing sa mayamang pamilya. Natural na sa kanila ang mag-utos dahil may pambayad para mag-utos. Ayan nga at may-ari ng kumpanya.

Napanguso ako sa isip. Kunsabagay.

Itinaboy ko ang negatibong takbo ng utak ko. Hindi tama na mag-isip ako nang masama sa kapwa. Lihis ito sa kinalakhan paniniwala na si Sister Linda ang nag-impluwensya sa akin. Siya ang paborito kong madre sa simbahan dito sa amin mula pa noong bata ako. Nasa Maynila na ako noon ay may komunikasyon pa kami. Ako na rin mismo ang tumigil sa pakikibalita sa kanya paglipat namin sa Batangas. Nahihiya ako sa kanya na hindi na matutuloy ang sinabi ko na gusto kong maging katulad n'ya. 

Yung Hunk sa Mang Donald's #B5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon