PROLOGUE
MAKULIMLIM ang kalangitan at maya't maya ang pag-ambon. Napagpasiyahan kong lumabas ng bahay, dala ang aking sling bag, para magpahangin. Dumampi sa balat ko ang malamig na simoy ng hangin dahilan upang mapayakap ako sa aking sarili.
Sinilip ko mula sa aking sling bag ang mga gamit na naroon. Tignan kung ano ang laman niyon. Lumang diary, payong at ballpen ang nasa loob ng bag.
Dahil walking distance lang naman ang pupuntahan ko, naglakad na lamang ako habang dinadama ang malamig na simoy ng hangin. Habang naglalakad ako, muli na namang pumasok sa isipan ko ang mga kaganapan na hinding-hindi ko kalilimutan.
Pagkarating ko sa San Alidrona Park na palagi kong pinupuntahan noon, patakbo akong pumunta sa ilalim ng mga Fire Trees. Napapikit ako at sininghap ang sariwang simoy ng hangin. Makaraan ng ilang segundo, iminulat ko na ang mga mata ko at umupo sa malapit na bench.
Agad kong inilabas mula sa bag ko ang aking makapal na diary na kulay rosas. Luma na ang itsura nito, ngunit ang mga alaala na nakapaloob dito, kailanma'y hinding-hindi maluluma.
Pagkabukas ko ng aking diary, bumungad sa akin ang aking larawan kasama ang lalaking pinakamamahal ko. Ang lalaking una at huli kong minahal. Ang lalaking minahal ko kahit pa anim na taon ang agwat ng edad namin.
Palaging siya ang laman ng mga panalangin ko, kaya naman laking pasasalamat ko nang pagbigyan ng kalangitan ang aking kahilingan.
Napangiti ako at hinaplos ang larawang iyon. Kahit pa luma na rin ang larawan, malinaw pa rin ang mga alaala ko kasama ang lalaking katabi ko sa larawan. Mas lalo akong napangiti nang mabasa ko ang nakasulat na lyrics ng isang kanta sa ibaba ng larawan.
"Pangako, sa magpakailanman, ako ang anghel na kakandili sa iyo. Ako ang iyong lakas tuwing ika'y pinanghihinaan."
Siya nga ang aking angel. Sa tuwing may suliranin ako sa buhay noon, palaging siya ang ginagamit ng Diyos para masolusyunan ang problema ko. Binibigyan niya ako ng lakas ng loob para harapin ang mga ito.
"Sabi ko na nga ba nandito ka. Dito lang pala kita mahahanap."
Napatingin ako sa lalaking tumabi sa akin. Binigyan niya naman ako nang matamis na ngiti, kaya hindi ko maiwasang mapangiti na rin.
"Gusto ko lang kasing damhin ang sariwang hangin dito," sabi ko naman at muling ibinalik ang tingin sa larawan.
"Hawak mo na naman iyan," wika niya habang pinapanood akong binubuklat ang mga pahina ng diary ko. Kasabay ng pagbuklat ko ay ang pagbalik ng mga alaala mula sa nakaraan.
"Napakaraming taon na rin ang lumipas kaya tama lang siguro na kalimutan mo na ang mga masasakit na alaala," sabi pa niya habang hinahaplos ang likod ko noong mapansin niya ang paglungkot ng mukha ko.
"Hindi ko maiwasang maalala. Ang dami kong pinagdaanan na mga masasakit na pagsubok na minsan ay nagiging bangungot sa akin," sagot ko naman.
"Natin, Merry. Ang dami nating pinagdaanang mga pagsubok," pagtatama niya naman kaya napatango ako at napabuntong-hininga.
"Salamat dahil hindi mo ako iniwanan noong mga panahong lugmok na lugmok ako," sabi ko habang mahigpit na napahawak sa aking diary. Labis ang pasasalamat ko sa kaniya dahil hindi niya ako pinabayaan.
"Hindi kita iiwan," tugon niya.
Habang binabasa ko ang bawat entries ko sa talaarawan ko ay nanunumbalik lahat-lahat ng mga alaala mula umpisa.
BINABASA MO ANG
✓Angel By Your Side
SpiritualKakaibang pananaw ang nais ni Merry Crisostomo sa kanyang buhay. Ngunit ang pananaw na iyon ay naglaho dahil hindi nito napigilan ang sarili na umibig sa isang Christian guy na Violinist at life group leader na si Hezekiah Kailangan niyang labanan...