CHAPTER 6

105 35 12
                                    

CHAPTER 6

AUGUST 05, 2017

MAY mga katanungan pa ring gumugulo sa isip ko tungkol sa nararamdaman ko. Kailan nga ba matatapos ang nararamdaman ko para kay Hezekiah? Bakit patuloy ko pa rin itong nararamdaman kahit na gusto ko ng matapos ito?

Apat na buwan na ang lumipas simula noong mahulog ako sa kaniya. Habang lumilipas ang mga araw, mas lumalalim ang nararamdaman ko sa kaniya kahit pigilan ko pa.

Isa pa 'yong friend request na in-accept niya. Parang wala naman akong naaalalang in-add ko siya noon dahil wala naman talaga akong planong i-add siya.

Muli akong napatingin sa isinulat kong tula kanina pagkatapos kong mag-review para sa quiz namin sa Advanced Computer Programming.

"IMAHINASYON"

Nakaupo sa ilalim ng maliwanag na buwan;

Magkahawak ang mga kamay at nagmamahalan.

Tila tayong dalawa lang hanggang magpakailanman—

Matatapos ang istorya sa walang hangganang pag-iibigan.

Ngunit ang panulat ay nawalan ng tinta—

Damdami'y naupos na parang kandila;

Nagising sa reyalidad na hindi tayong dalawa—

Pawang likhang-isip ko lamang pala.

-Merry

(08/05/17)

Matapos ko itong basahin ay isinama ko ang planner sa pinaglagyan ko ng diary ko, upang sa ganoon ay hindi ito basta-basta mabasa ng iba.

Pagkatapos no'n ay lumabas na ako ng kuwarto ko at dumiretso sa garden dahil napakaganda ng panahon.

Dumidilim na naman ang kalangitan at humahaplos na rin sa aking balat ang malamig na simoy ng hangin. Tila isinasayaw na rin ng hangin ang mga bulaklak sa hardin.

"Sapagkat iniibig kang tunay,

Hindi man lahat ng yama'y maibigay;

Hindi rin susungkitin ang mga tala--

Aking pusong dalisay ang iyong mapapala."

Nadaanan kong may imine-memorize na tula si Kuya Melchi. Bigla siyang napatigil nang makita niya akong paparating.

"Iyan ba 'yong 'Pagsintang Natatangi" ni MD Serene?" tanong ko.

Napatango naman siya at hindi maikaila ang ngiti sa kaniyang labi. Kitang-kita ko rin ang kasiyahan sa kaniyang kulay kapeng mga mata dahil sa pagsingkit nito.

"Aanhin mo naman iyan, Kuya?" tanong ko. "Wala naman iyang kinalaman sa research," dagdag ko pa.

"Huwag mo itong ipagkakalat, ah?"

Napakunot ang noo ko."Bakit naman?"

"Gusto ko kasi iyang i-deliver ang tulang yan sa isang babae," tugon niya habang nakaukit ang matamis na ngiti sa kaniyang labi.

Ngumisi naman ako sa kaniya. "Sino iyang masuwerteng babae? Si Ate Karel ba o si Rica?" Napangiti naman siya nang banggitin ko si Rica.

"In love ka na talaga kay Rica!" pangangantsaw ko sa kaniya. "Pero paano mo naman iyan maide-deliver iyan sa kaniya? Aamin ka na ba?"

"'Yon na nga, eh. Ayoko pang umamin sa kaniya dahil wala akong lakas ng loob." Bakas sa boses niya ang pagkalungkot habang sinasabi niya iyan sa akin.

✓Angel By Your SideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon