CHAPTER 22
AUGUST 07, 2018
"WE don't grow and develop in the ease time but on the hard and crisis times." Iyan ang tumatak na linyang sinabi ni Bishop sa mass noong nakaraang mga linggo. Totoo naman ang sinabi niya, hindi naman tayo lalago hangga't hindi tayo dumadaan sa mga matitinding pagsubok.
Ang ginto ay nagiging dalisay sa tuwing inilalagay sa apoy. Gaya natin, mas nagiging dalisay ang ating puso at nahuhubog ang ating karakter sa tuwing dumadaan tayo sa mga pagsubok.
Isang buwan na simula noong ilibing si Kuya Melchi. Isang buwan na rin ang nakalilipas ngunit hindi pa rin nagigising si Rica. Inilipat na rin siya dito sa San Alidrona General Hospital para mas malapit. Araw-araw ay dinadalaw namin siya ni Rachelle sa ospital pagkatapos ng klase.
Bumubuti na rin ang kondisyon ni Rica at hinihintay na lamang ang kaniyang paggising. Gumaling na rin ang na-fracture niyang ribs at ang problema na lang ay kung kailan siya gigising dahil sa blood clot sa utak niya.
Sabi naman ng mga doctor, magagawan naman iyon ng paraan. May mga gamot at teknolohiya naman na maaaring magpagaling sa kaniya. That's the power of Science. At higit sa lahat, ang kapangyarihan ng dasal at pananampalataya.
Sa loob ng isang buwan, ang daming nagbago sa loob ng bahay. Minsan-minsan na lang umuwi ng bahay sina mommy at daddy. Nagpapakasubsob sila sa trabaho para lamang maibsan ang sakit na nararamdaman nila dahil sa pagpanaw ni Kuya Melchi.
Si Kuya Mike naman, dati ay napakadaldal niya ngunit ngayon ay halos hindi na siya umimik. Ni hindi ko nga alam kung pumupunta pa sina Ate Lana at Heze dito dahil hindi ako lumalabas ng aking kuwarto sa tuwing walang pasok.
Walang ibang pumapasok sa aking kuwarto bukod kay Ate Weng na naghahatid ng pagkain ko. Madalas ako sa loob ng library ko umiiyak habang nagdadasal. Sobrang bigat na ng nararamdaman ko.
Kung papasanin ko nang papasanin ito, alam kong bubulusok ako pailalim at lulunurin ng kapighatian.
"Lord, hindi ko na kaya ito. Kung patuloy kung papasanin ito ng ako lang, alam kong walang patutunguhan ang buhay ko. Gaya ng sinabi Ninyo, lumalapit po ako sa Inyo, Panginoon. Alam ko pong bibigyan Ninyo ako ng kapahingahan sapagkat nabibigatan na ako sa pasaning ito," wika ko habang nakapikit at patuloy sa pagluha.
"Hindi kita iiwan ni pababayaan man." Mas lalo akong napaluha nang biglang sumagi iyan sa aking isipan at kung may anong humaplos sa aking damdamin na hindi maipaliwanag.
Para akong ihinehele sa alapaap kaya bahagyang naibsan ang sakit na aking nararamdaman.
Mayamaya pa ay may kumatok sa pinto ng aking kuwarto ko kaya inayos ko ang aking sarili at binuksan iyon.
"Nasa baba si Hezekiah, gusto ka raw niyang kumustahin," wika ni Ate Weng kaya hindi ako nakaimik.
"Puntahan mo na siya, Merry. Ni hindi ka na nakisasalamuha at lumalabas ng kuwarto mo," dagdag pa niya kaya tumango lamang ako.
Nang maayos ko ang aking sarili ay nakayuko lamang akong nagtungo sa sala. Ni hindi ako tumitingin kay Heze at tumabi sa kaniya sa sofa.
"Kumusta ka na ngayon?"
Hindi pa rin ako tumitingin nang diretso sa kaniya dahil nahihiya ako. Maputla ang itsura ko at walang kabuhay-buhay kaya nahihiya akong nag-angat ng tingin.
"Naghihinagpis pa rin ako sa pagkamatay ni Kuya," tugon ko.
"Hindi na kita nakikitang ngumingiti. Kailan ka ba ulit ngingiti?" Napaangat ako ng tingin sa sinabi niyang iyon. Bahagya kaming nagkatitigan ngunit ako na ang nag-iwas ng tingin.
BINABASA MO ANG
✓Angel By Your Side
SpiritualKakaibang pananaw ang nais ni Merry Crisostomo sa kanyang buhay. Ngunit ang pananaw na iyon ay naglaho dahil hindi nito napigilan ang sarili na umibig sa isang Christian guy na Violinist at life group leader na si Hezekiah Kailangan niyang labanan...