CHAPTER 17

48 13 1
                                    

CHAPTER 17

MARCH 30, 2018

"CONGRATULATIONS sa inyong lahat! Sa susunod na school year ay Grade 12 na kayo!" nakangiting bati sa amin ni Heze.

Magkakasama naman kaming mga life group members niya upang kunan niya kami ng group picture.

Katatapos lang ng Completion Rites namin nang tawagin niya kaming mga members niya. Hindi ko maiwasang mapangiti nang labis dahil sa wakas ay nalampasan ko rin ang pagiging Junior High School.

Kasabay no'n ay unti-unti na rin ang paglalapit naming dalawa ni Hezekiah. Simula noong sabihin niyang espesyal ako sa buhay niya ay palagi na kaming nagkakasama.

Kahapon naman ay ang Recognition Day nina Azarel. Isa rin siya sa mga nakakuha ng With High Honors. Nandoon ako kahapon kasama sina Ate Karel at Tita Zandra para suportahan siya. Gusto kong gawin iyon para ipakita sa kaniya na susuportahan ko siya sa lahat at hindi magbabago ang pagkakaibigan namin.

"Salamat din po sa inyo!" wika ni Jerico at nakipagkamay kay Heze.

Napag-usapan din naming mga miyembro kanina na dito rin sa San Alidrona City High School namin itutuloy ang Senior High School upang tuloy-tuloy pa rin ang life group namin. Kahit na wala pang isang taon ang pinagsamahan naming walo, ay hindi pa namin handang pakawalan ang isa't isa.

"Pause muna tayo sa life group dahil sigurado akong may kaniya-kaniya kayong mga bakasyon pero itutuloy niyo pa rin 'yong mga devotion journals ninyo," bilin pa sa amin ni Heze.

"Tamang bakasyon lang kami sa Seoul!" tuwang-tuwang ani James kaya napatingin sa kaniya habang pumapalakpak pa.

Napatingin naman si Crissel kay James, sabay bulalas ng, "Wow! Mabuti ka pa!"

"Sama ka? Seoul-loob ng bahay," tugon ni James na nagpipigil ng tawa kaya pinanliitan namin siya ng tingin.

Mayamaya pa ay lumapit na sa amin sina Kuya Mike at Kuya Melchi para sunduin na ako. Magkakaroon kasi kami ng maliit na salu-salo sa bahay. Sina Rica at Heze lamang ang sasama sa amin dahil sila lamang ang available.

Pagkatapos ng completion rites kanina ay nauna ng umuwi sina mommy at daddy para makapaghanda pa raw sa celebration.

"Mauuna na pala kami dahil tinatawag na kami ng mga kaklase namin," pagpapaalam nina Marie.

Tumango naman si Heze bilang tugon nang sumunod ding magpaalam si Rachelle dahil tinatawag din siya ng ate niya.

"Congrats, binibini." Agad na lumapit si Kuya Melchi kay Rica at binati siya.

Mahigit isang buwan ng nililigawan ni kuya si Rica pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sinasagot. Alam ko naman na hindi siya paaasahin lang ni Rica dahil kilala ko ang kaibigan ko.

"Sagutin mo na kasi," sabi ko kay Rica kaya kinurot niya ako sa tagiliran.

"Ikaw ang atat, Merry. Palibhasa walang nanliligaw sa iyo," natatawang sabi ni Kuya Melchi kaya napangisi si Kuya Mike.

Nasulyapan ko naman si Heze na natawa rin at nag-iwas ng tingin.

"Ayaw niya kasi kay Azarel. Palibhasa matagal na siyang may ibang gusto," entrada ni Kuya Mike kaya sinamaan ko siya ng tingin.

"Ang problema, may iba namang gusto ang gusto niya!" pangangantsaw rin ni Rica sabay tingin pa kay Heze. Mabuti na lamang ay hindi niya iyon napansin.

"Tara na nga!" pag-iiwas ko sa usapan habang si Heze ay pangisi-ngisi lamang. Wala siyang kaalam-alam na siya ang tinutukoy ni Rica.

Noong makarating kami sa bahay ay agad kaming sinalubong ni Azarel. Nasabi rin pala sa akin ni mommy na pagsasabayin na ang celebration ng recognition day nina Azarel at completion day namin.

"Congratulations, Merry!" pagbati sa akin ni Azarel at kinamayan pa ako.

Napatingin naman siya kay Heze na nasa likuran ko lamang. Akala ko ay muli na naman siyang iismid ngunit nagkamali ako. Binigyan niya ng matamis na ngiti si Hezekiah.

Tanggap niya na talaga.

"Tara na kaya sa loob," pag-aaya ni Kuya Melchi sa amin—katabi niya si Rica.

Alam na nina mommy at daddy ang tungkol sa panliligaw ni kuya. Iyon nga lang ay hindi pa alam ni Ate Karel ang tungkol dito. Pero wala naman ng big deal doon dahil magkaibigan lamang sina Ate Karel at Kuya Melchi.

Pagkarating namin sa garden kung saan idaraos ang selebrasyon ay napatingin sa amin sina Ate Karel.

"Oh, nandito na pala sila," wika ni mommy kaya napalingon na rin si Tita Zandra.

Ibinalik ko ang aking tingin kay Ate Karel na bakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat. Marahil ay nabigla siya dahil magkasama sina Kuya Melchi at Rica.

"Zandra, siya nga pala si Rica, ang nililigawan ni Melchi. Bestfriend siya ni Merry," pagpapakilala ni dad kay Rica.

Mas lalong namutla ang mukha ni Ate Karel at napaawang ang kaniyang bibig.

"May nililigawan na pala si Melchi," saad ni Tita Zandra at napalingon kay Ate Karel atsaka ibinalik ang tingin kay Rica. "It is nice to meet you," dagdag pa niya at binigyan nang matamis na ngiti si Rica.

Hapon na nang matapos ang selebrasyon. Sa buong maghapon ay tanging si Heze lamang ang nasa tabi ko. Lagi siyang nakasunod sa akin o kaya naman ay hindi siya umaalis sa tabi ko.

"Merry, mauuna na ako," pagpapaalam ni Heze sa akin habang sina Azarel ay nagliligpit ng mga ginamit kanina sa selebrasyon at kaming dalawa naman ay katatapos lamang sa pagtulong sa pagpupunas ng mga mesa at upuan.

Ihinatid ko na siya sa labas ng gate at buong akala ko ay aalis na siya ngunit nanatili siyang nakatayo sa aking harapan at tila may nais pa siyang sabihin.

"Masaya akong nakasama kita sa araw na ito," saad niya atsaka ngumiti habang ang mga tingin niya ay diretso lamang sa aking mga mata.

Ang mga tingin niyang iyon ang dahilan kung bakit bigla na namang nagwawala ang aking puso.

Bakit ba siya ganito sa akin? Hindi naman ako ang gusto niya, 'di ba? Si Ate Lana ang nilalaman ng puso niya at hindi ako pero bakit ganito siya sa akin? Mas lalo akong umaasa na may tsansang magkaroon din siya ng pagtingin sa akin. May parte sa akin na natatakot ako dahil baka aasa lamang ako sa wala.

"Hindi niyo lang po alam kung gaano rin ako kasaya sa araw na ito," tugon ko naman habang nag-iiwas ng tingin dahil nag-iinit na ang aking mga pisngi.

"Sige, mauuna na ako," wika niya at pinaandar na niya ang kaniyang motor.

Naiwan akong nakatayo sa harap ng gate habang pinagmamasdan siya at tuluyang nawala sa paningin ko.

Ano ba talaga ako sa buhay mo, Hezekiah?

✓Angel By Your SideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon