CHAPTER 1

632 85 107
                                    

CHAPTER 1

APRIL 08, 2017

NAPAMULAT ang aking mga mata nang tumunog ang aking cellphone dahil sa isang notification na natanggap ko.

Pupungay-pungay ang mga mata ko at dahan-dahan ko itong iminulat. Dinig ko ang pagbuhos ng ulan sa bubong, at humaplos sa balat ko ang malamig na simoy ng hangin.

Bumungad sa akin ang white board, at kulay puting silid na may mga display na pang science. Isa lamang ang ibig sabihin nito, nasa classroom ako.

Napatingin ako sa labas ng bintana, at nasaksihan ko ang pag-iyak ng kalangitan. Pilit ko namang inaalala ang mga pangyayari bago ako nakatulog.

Alas kuwatro noong pumunta ako rito kasama ang dalawa kong mga kaibigan upang kunin ang mga gamit na naiwan namin noong recognition day.

Makulimlim ang panahon kanina at tila bumibigat pa ang mga mata ako, kaya umidlip muna ako habang hinahanap nila 'yong mga gamit nila. Hindi ko alam na iiwanan pala nila ako rito.

Hindi naman maaaring manatili pa ako rito sa eskuwelahan dahil mag-isa ko lamang dito.

Inilagay ko na sa bag ko 'yong mga gamit na nahanap ko, at hinalungkat muli ang bag ko para kunin ang payong ngunit wala akong nahanap. Hinanap ko sa silong ng upuan ko ngunit wala talaga. Sa bag ko wala rin.

Napasapo na lang ako sa noo ko at inilagay na lang ulit sa locker ang bag ko. Iiwan ko na lang para 'di mabasa tapos 'yong phone ko naman ay inilagay ko sa loob ng plastic.

Nag-aalangan akong lumabas dahil paniguradong manginginig ako sa lamig. Hindi ko alam kung ano ang pakiramdam habang nasa ilalim ng ulan dahil hindi ko pa nasusubukan.

Noong nasa hallway na ako, mangilan-ngilang mga estudyante na lamang ang kasama kong naririto. Siguro ay may binalikan din sila sa mga classrooms nila. Sinabihan din kami ng guard na nakasalubong namin na umuwi na kami.

Kagaya ko, 'yong dalawa kong kasunod na babae ay wala ring payong. Matapang silang lumusong sa ulan, subalit nananatili naman ako sa harap ng building namin na may lilim.

Tanaw ko rin sa kalapit na shed sa labas ng school ang mga taong nagpapahinto rin ng ulan, gaya ko siguro ay wala rin silang mga payong.

Napasimangot na lamang ako habang pinagmamasdan ang iba na umuuwi na dahil may mga payong sila. Wala rin naman akong kilala sa kanila, makikipayong sana ako.

Nanatili pa ako sa lilim ng tatlumpung minuto, subalit hindi pa rin tumitigil ang ulan. Ang ibang mga nasa shed ay nakaalis na dahil sa mga dumadaang taxi at bus.

Napahinga ako nang malalim at pilit na pinapatag ang aking sarili. "Kaya ko ito!"

Napasigaw ako nang tuluyan na akong tumakbo sa ilalim ng ulan, at bumuhos sa akin ang napakalamig na tubig ulan na tila karayom kung dumampi sa balat ko.

Pagkarating ko sa waiting shed ay nanginginig na ang aking mga tuhod. Niyakap ko na lamang ang aking sarili, subalit hindi pa rin napawi an gang aking ginaw.

Palakad-lakad na lamang ako sa ilalim ng shed dahil mag-isa ko na lamang. Dumidilim na rin, at mas lumalakas ang buhos ng ulan. Paisa-isang sasakyan na lamang ang dumadaan, halos wala na rin akong maparang taxi, o kaya ay kahit tricycle na lamang.

Noong bahagyang humina ang ulan, napagdesisyunan kong tumakbo na lamang pauwi. Hindi rin naman gan'on kalayo ang subdivision namin. Kakayanin ko naman sigurong makauwi.

Lumusong na ako sa ilalim ng ulan nang walang pag-aalinlangan. Gumilid naman ako dahil sa paisa-isang mga kotseng dumadaan, baka mahagip ako.

Hingal na hingal akong tumigil at naglakad na lamang. Nangingig ang dalawang tuhod ko. Naninikip din ang dibdib ko at nahihirapan na akong huminga. Napabahing ako nang malakas at napakamot sa ilong ko.

✓Angel By Your SideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon