CHAPTER 2

286 71 109
                                    

CHAPTER 2




APRIL 25, 2017

"HUMAHANGA ba ako o hindi? Humahanga ba ako o hindi?" Napatigil ako sa pagpitas isa-isa ng petals ng hawak kong rose nang biglang dumating si Kuya Mike.

Pilyo na naman siyang ngumiti habang lumalapit sa akin. Siguradong aasarin na naman niya ako.

"Kuya, may itatanong ako." Lumapit siya sa akin at tinabihan ako sa sofa sabay taas ng paa niya sa may center table.

"Paano mo malalaman kung gusto mo ang isang tao?" tanong ko kaya napatingin siya sa akin. Bumuntong-hininga muna siya bago siya sumagot.

"Kapag lagi mo siyang iniisip. Tapos sa tuwing naiisip mo siya biglang parang may iba kang nararamdaman sa puso at sa tiyan mo. Sa tuwing nakikita mo siya, parang tumitigil ang lahat tapos pakiramdam mo, sa kaniya na lang umiikot ang mundo mo," tugon niya, at tinaasan ako ng kilay.

Napaayos ako ng upo at nag-iwas ng tingin. Sana hindi niya matunugan na kaya ako nagtatanong ay dahil may hinahangaan o nagugustuhan ako. Siguradong aasarin niya na naman ako.

"Teka," aniya at ngumisi, "bakit ka ba nagtatanong? Bakit in love ka ba?"

In love kaagad? Hindi ba puwedeng hinahangaan ko lang 'yong tao?

"Hala, hindi!"

"Mukhang in love na si Merry!" tumatawang sabi ni kuya kaya pilit kong tinatakpan ang bibig niya.

"Ano? In love si Merry?" Napatingin naman ako sa likuran at nakita ko si Kuya Melchi. Lagot na! Dalawa na silang mang-aasar sa akin.

"Huwag kang maniwala kay Kuya Mike! Hindi ako in love!"

"In love siya! Nagdadalaga na ang bunso!" panunutil pa nilang dalawa kaya padabog akong tumayo, at tumakbo paakyat ng kuwarto pero hinabol din nila ako.

Pagkabukas ko ng pinto ng kuwarto, "Lagot! Maling kuwarto pa ang napasukan ko!"

Pumasok ako sa kuwarto ni Kuya Melchi at akmang isasara ang pinto ngunit mas malakas siya kaya nakapasok din siya sa loob. Hindi naman na pumasok si kuya Mike kaya laking pasasalamat ko.

"Kuya, huwag kang maniwala kay Kuya Mike!" Napangisi naman siya at ginulo ang buhok ko.

"Ang guilty mo naman kasi," sagot niya.

"Chemical Engineer ka, 'di ba, Kuya? Marunong ka bang gumawa ng love potion?" wala sa sariling naitanong ko kaya pilyo itong ngumisi sa akin.

"Bakit? May gagayumahin ka ba?" Ngumisi pa siya nang pilyo kaya sinamaan ko si kuya ng tingin.

Makalipas ang ilang mga minuto, nang sa tingin ko ay wala na sa labas si Kuya Mike, lumbas na rin ako sa kuwarto ni Kuya Melchi.

SA mga nagdaang araw, pareho pa rin ang nararamdaman ko na tila hindi maipaliwanag ng siyensya. Sumasakit nga lang ang ulo ko kaiisip kung bakit gan'on ang nararamdaman ko sa lalaking iyon.

May gusto ba ako sa kaniya o ano? Kasi itong mga ganitong sintomas parehong-pareho sa mga nababasa kong nobela o kaya sa mga napapanood kong mga drama.

Baka kasi nagiging in-denial lang ako na may gusto na ako sa kaniya. Pero paano iyon nangyari? Hindi ko nga alam ang pangalan niya at minsan ko pa lang siyang nakita. Isa pa, parang hindi ito tama.

Noong pagkatapos naming kumain ng hapunan ay sabay-sabay kaming buong pamilya na nanood ng pelikula sa sala. Maganda ang pelikula ngunit hindi ko lang din naiintindihan dahil iba ang nasa isip ko.

✓Angel By Your SideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon