CHAPTER 5
JUNE 05, 2017
ALAS singko pa lamang ay ginising na kami nina mommy para mag-almusal. Unang araw ng pasok ngayong school year bilang isang Grade 10 student.
"Bilisan ninyo ang pagkilos para hindi kayo mahuli sa klase," muling bilin ni mommy kaya napatingin sa akin si Kuya Mike.
Makikipagsagutan na naman sana ako sa kaniya ngunit sinaway kami kaagad ni Kuya Melchi. Binilisan ko na lang ang pagkain kahit halos masamid na ako. Hindi talaga ako sanay sa mabilisang pagkain.
Pagkatapos kong kumain ng almusal, agad na akong nagtungo sa banyo upang maligo at nagbihis na. Nang matapos na ako sa lahat lahat ay pumasok na ako sa kotse dahil si Kuya Mike ang maghahatid sa akin sa school.
Habang nasa biyahe ay nalunod na naman ako sa malalim na pag-iisip dahil sa mga nangyari noong mga nakaraang linggo—noong nasa bahay sina Azarel. Nakakahiya pa ang nangyari sa aming dalawa.
"MAGNANAKAW!" sigaw ko at patuloy ko siyang pinaghahampas. Inawat niya ang mga kamay ko at tinakpan ang bibig ko.
Naramdaman ko na lang na unti-unti ng bumibigat ang talukap ng mga mata ko hanggang sa tuluyan na itong nandilim.
Pagkagising ko ay nasa kuwarto ko na ako. Nagtataka naman ako sa nangyari dahil ang alam ko ay pinasok kami ng magnanakaw, subalit payapa naman ang paggising ko na tila walang nangyari.
Agad akong lumabas sa aking kuwarto at doon ay narinig ko ang malakas na tawanan nina Kuya Mike, Kuya Melchi, at Azarel.
"Seryoso? Ibig mong sabihin, napagkamalan ka niyang magnanakaw kagabi?" tanong ni Kuya Mike na halos mamatay na sa katatawa.
"Oo! Hindi naman mukhang magnanakaw itong gwapo kong mukha, eh!" Tumatawa rin na sabi ni Azarel.
Lumapit naman ako sa kanila habang nakapamewang. "Eh, hindi ko naman kasi alam na siya iyon. Naka-hood kasi tapos mukha pang kahina-hinala." Mas lalo naman silang napahalakhak sa sinabi ko.
Nahihiya na tuloy ako kay Azarel kaya wala akong ginawa kundi umiwas sa kaniya. Alam ko namang napapansin niya iyon kaya bago sila umalis ni Ate Karel, kinausap niya ako.Sa pag-uusap namin, mas lalo niyang pinuno ng katanungan ang isip ko.
"Nagtataka lang kasi ako kung bakit parang iniiwasan mo ako."
"H-Ha? Hindi ah," wika ko nang hindi nakatingin sa kaniya.
"Hindi mo ba ako naaalala?" tanong niya pa sa akin.
Tuluyan akong napatingin sa kaniya. "H-Hindi," matipid na sagot ko.
"Sabagay paano mo nga ba ako maaalala kung hindi mo yata ako nakita noong araw na iyon," sagot niya at lumakad papalayo.
Naguguluhan talaga ako sa sinabi sa akin ni Azarel. Bakit niya ako tinatanong kung nakikilala niya ba ako? Bakit niya tinanong kung naaalala ko ba siya? Anong koneksyon niya sa akin?
Umuwi sila ni Ate Karel na hindi man lang sinasabi ang dahilan kung bakit niya natanong kung naaalala ko ba siya.
Napasulyap naman sa akin si Kuya Mike. "Bakit ang lalim yata ng iniisip mo?"
"I-Inaantok lang ako," pagpapalusot ko.
Hindi ko naman kasi puwedeng sabihin kay kuya na ang iniisip ko ay 'yong sinabi sa akin ni Azarel baka asarin niya lang ako.
Makalipas ang sampung minuto ay nakarating na rin ako sa school. Agad na sumalubong sa akin ang dalawa kong kaibigan kaya napangiti ako.
"Ano nga pala 'yong sinasabi mo kahapon na sasabihin mo sa amin ngayon?" tanong nina Rachelle at Rica pagkasalubong pa lang nila sa akin.
BINABASA MO ANG
✓Angel By Your Side
SpiritualKakaibang pananaw ang nais ni Merry Crisostomo sa kanyang buhay. Ngunit ang pananaw na iyon ay naglaho dahil hindi nito napigilan ang sarili na umibig sa isang Christian guy na Violinist at life group leader na si Hezekiah Kailangan niyang labanan...