CHAPTER 24

50 13 3
                                    

CHAPTER 24


SEPTEMBER 07, 2018

PAGKATAPOS ng klase namin ng alas kuwatro, sabay-sabay na kami nina Marie at James na nagtungo sa rooftop ng Senior High School department dahil doon kami nagla-life group simula pa noong June.

Medyo nahihilo pa nga ako. Siguro ay bumaba na naman ang hemoglobin ko, tapos hindi pa ako nakainom ng vitamins kanina. Kagabi naman, hindi ako nakatulog nang maaga dahil tinapos ko pa 'yong metodolohiya at talataungan ko sa pananaliksik ko.

Napangiti naman ako dahil nandito si Rica para maki-life group kahit na hindi na siya nag-aaral dito. Noong kumpleto na kami, nag-umpisa na kaagad dahil may ia-anunsyo pa si Heze.

"Ang topic natin ngayon ay tungkol sa Key to Success," panimula ni Heze pagkatapos naming mag-opening prayer.

Isinantabi ko muna ang bumabagabag sa akin tungkol sa iaanunsyo ni Heze mamaya tungkol sa plano. Inihanda ko na ang aking notebook at ballpen para maisulat ko ang mga detalyeng dapat isulat mamaya.

"Sabi rito sa Proverbs 16:3, 'Commit thy works unto the LORD, and thy thoughts shall be established. Sa ibang translation naman, 'Commit your deeds to Yahweh, and your plans shall succeed,'" basa niya sa Bible na hawak niya.

Isinulat ko naman kaagad sa notebook ko ang verse at muli na namang nakinig sa kaniya. Babalikan ko kasing babasahin ito mamaya dahil maganda itong topic. Kailangan na kailangan talagang mapag-aralan ito lalo na sa mga kabataang katulad ko.

"Ibig sabihin nito, lahat ng gagawin natin dapat ay ipagkatiwala natin sa Diyos upang sa ganoon ay magtatagumpay tayo sa lahat ng mga gawain o layunin natin. Halimbawa, sa pag-aaral ninyo, dapat ipinagkakatiwala niyo iyan sa Diyos dahil paniguradong magiging matagumpay kayo," pagpapaliwanag pa niya.

Marami pa siyang ipinaliwanag hinggil dito. Madaling natapos ang life group namin dahil maiksi lamang ang topic namin.

Nang makapag-closing prayer na kami ay itinago na namin ang aming mga gamit ay hinintay na namin kung ano ang sasabihin ni Heze.

Hindi rin maawat ang isip ko na mag-isip ng kung ano-ano. Bumalik na naman ang kaba ko, at maging ang mga bituka ko ay tila pinagbubuhul-buhol.

"Ano na po 'yong ia-announce niyo?" tanong ni Jerico kaya napangit nang malawak si Heze. Napadako muna ang tingin niya sa akin bago siya nagsalita.

"Birthday na kasi ni Lana next week, at balak ko siyang sorpresahin kaya kailangan ko ang tulong niyo," tugon niya, kaya napa-ayieee naman silang lahat maliban sa amin nina Rica at Rachelle na pangit-ngiti lamang.

Ako naman ay pilit na napangiti kahit na sa loob ko ay kabaliktaran ang sinasabi nito.

"Hindi pa po ba kayo sinasagot ni Ate Lana?" tanong ni James pero umiling lang si Heze. Hindi ako komportable sa pinag-uusapan nila.

"Para mapasagot ni Kuya Hezekiah si Ate Lana, dapat ay bongga ang gawin nating surprise!" ani Irish na sinang-ayunan nilang lahat.

Lahat talaga sila ay pabor sa relasyon nina Heze at Ate Lana. Gagawin talaga nila ang lahat para lang magkatuluyan silang dalawa. Wala na akong mukhang maihaharap sa kanila kapag nalaman talaga nilang may gusto ako kay Heze.

Ibinaling ko na lang ang tingin ko sa mga estudayanteng naglalakad sa 'di kalayuan dahil parang pinipiga ang puso ko sa pinag-uusapan nila.

"Ikaw, Merry, okay ba sa iyo iyon?" tanong sa akin ni Crissel kaya ibinalik ko ang tingin sa kanila.

"O-Oo naman," sagot ko kahit na hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niya.

Napatingin naman sa akin sina Rachelle at Rica, marahil ay inuusisa nila ako kung ayos lang ba ako. Pasimple ko naman silang tinanguhan kaya bahagya silang napangiti.

✓Angel By Your SideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon