CHAPTER 25
OCTOBER 26, 2018
PAGKABALIK namin ni Kuya Mike sa bahay galing sa San Alidrona Park, nadatnan namin sina mommy at daddy na nakaupo sa sala. Bakas ang lungkot sa kanilang mga mata dahil hindi na talaga nila mababago ang aking isip sa aking pasya.
Tumabi naman ako kay mom at niyakap siya nang mahigpit. Naramdaman ko ang paghaplos niya sa akin buhok at bumuntong-hininga.
"Hindi na talaga namin mapipigilan ang desisyon mo," malungkot na wika niya kaya kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya at tumango.
"Mag-iingat ka roon. Ibibilin na lang kita kay Tita Laura mo dahil tinawagan ko na siya kagabi. 'Yong mga bitamina mo, huwag mong kalilimutang iinumin. Huwag kang magpupuyat at magpapakapagod," bilin pa sa akin ni mom kaya napatango ako.
"Higit sa lahat, pagbutihin mo ang pag-aaral doon," sabi rin ni dad.
"Huwag po kayong mag-alala, hindi ko po pababayaan ang sarili ko at ang pag-aaral ko," tugon ko sa kanila.
Napadako ang aking tingin sa dalawang malalaking maleta ko na nakahanda na malapit sa pinto, at katabi naman ng mga iyon ang bag na gagamitin ko sa pagpasok. Laman n'on ang mga binili kong gamit sa pagpasok.
"Siya nga pala, nasa garden si Karel at Azarel, hinihintay ka," saad ni mom.
Agad akong nagtungo sa garden at tinabihan sina Ate Karel na nakatayo sa gilid ng pool.
Marahang tinapik ni Ate Karel ang balikat ko. "Uy, Merry, aalis ka na pala."
"Opo, Ate Karel. Ayos na rin ito para makapagsimula ng bagong pahina ng buhay," tugon ko at ngumiti nang mapait.
"Pero nandito naman kami para tulungan kang mapahilom ang sugat. Hindi mo naman kailangang umalis," sabi naman ni Azarel na bakas ang lungkot sa kaniyang mga mata.
"Buo na ang pasya ko, Azarel. Huwag na kayong malungkot sa pag-alis ko, babalik naman ako, eh."
"Merry, alam mo bang ilang araw ng malungkot si Azarel simula noong nalaman niyang doon ka na maninirahan sa Pangasinan ng ilang taon? Kulang na lang ay iiyak na siya," natatawang sabi ni Ate Karel.
Agad na tinakpan ni Azarel ang kaniyang bibig. "Ang daldal mo, Ate," singhal niya kay Ate Karel.
Mahirap din naman sa akin ang lisanin sila. Ngumingiti lang ako at pilit pinapagaan ang loob nila pero nasasaktan din naman ako. Kailangan ko talagang gawin ito para paghilumin lahat ng sakit at mag-umpisa ng bagong pahina ng buhay.
Kahapon ay buong araw na kasama ko sina Rachelle at Rica at nakapagpaalam na rin ako sa kanila. Hindi na ako nakipagkita kina Crissel, pero nag-chat na ako sa kanila tungkol sa pag-alis ko. Alam na rin nila sa school na sa Pangasinan na ako tutuloy na mag-aral. Maging si Ate Lana ay alam niya na dahil nasabi sa kaniya ni Kuya Mike.
Kahit naman may kaunti akong tampo sa kaniya dahil siya ang mahal ng taong mahal ko, nagpaalam ako sa kaniya nang maayos sa chat. Hindi pa rin niya alam ang nararamdaman ko para kay Heze.
Wala namang kasalanan dito si Ate Lana kaya kailanman ay hindi ako magtatanim ng sama ng loob sa kaniya.
"Wala ka na bang nakalimutan?" tanong sa akin ni mommy at sumilip pa sa bintana ng kotse.
"Wala na po, nandito na rin lahat ng mga requirements para makapag-enroll ako," tugon ko at sa huling pagkakataon ay nginitian ko sila.
Pagkatingin ko sa akin relo ay eksaktong alas dos na ng hapon. Alas siete kami makakarating sa Pangasinan kaya mahaba-habang oras pa ang biyahe. Ang driver na namin ang maghahatid sa akin kina Minerva at hindi na sumama pa sina mom at dad.
BINABASA MO ANG
✓Angel By Your Side
SpiritualKakaibang pananaw ang nais ni Merry Crisostomo sa kanyang buhay. Ngunit ang pananaw na iyon ay naglaho dahil hindi nito napigilan ang sarili na umibig sa isang Christian guy na Violinist at life group leader na si Hezekiah Kailangan niyang labanan...