CHAPTER 12

53 14 2
                                    

CHAPTER 12



DECEMBER 27, 2017

MABUTI na lamang ay nalusutan namin ang tungkol doon sa nasabi ni Minerva kahapon. Hindi ko na alam ang sasabihin ko kahapon dahil sa pagkabigla, kaya sina Minerva at Azarel na lamang ang nagpalusot para sa akin. Mabuti na lamang ay ginawa nila iyon.

Sinabi ni Minerva na ang tinutukoy niya na ay si Azarel at hindi si Hezekiah. Sinabi pa niya na ikinukwento ko raw sa kaniya ang tungkol sa bago kong kaibigang lalaki na si Azarel. Sumang-ayon naman si Azarel na alam niyang ikinukwento ko siya kay Minerva.

Nagkaroon kami ng maliit na pagdiriwang kahapon. Hindi nawala ang kumustahan at kwentuhan tungkol sa kung ano ang kalagayan namin ngayon.

Si Tito Alfonso ay may sariling tutorial center na may tatlong branches dito sa Pangasinan. Isa rito sa Manaoag, mayroon din sa Dagupan at Urdaneta. Si Tita Laura naman ay house wife. Grade 10 na rin si Minerva at pareho pa kaming nasa Special Section.

Maaga kaming nagising ngayon dahil may pupuntahan kaming apat. Kasama ko sa pupuntahan namin sina Minerva, Azarel, at Hezekiah.

Pagkalabas ko ng bahay ay natanaw ko ang madilim na kalangitan, ngunit inaagaw ito ng kulay kahel na nagmumula sa araw na malapit ng sumikat. Sumilay naman ang ngiti sa aking labi dahil sa napakagandang view sa likod ng mga kabahayan. Hindi kalayuan dito ay kakahuyan na, iba't ibang uri ng mga puno pa ang makikita.

Humahaplos pa sa aking balat ang napakalamig na simoy ng hangin kaya tila nagyeyelo na naman ang mga palad ko.

"Saan ba tayo pupunta ngayon?" tanong ni Azarel na nakayakap sa kaniyang sarili.

Papalapit naman sa amin si Minerva na may bitbit na tray na may apat na tasang kape. Umuusok pa ang kape kaya tiyak na iyan ang papawi sa aming pagkakaginaw.

"Magkape muna tayo bago tayo pumunta roon, tutal maaga pa naman. Alas sais pa lang naman," sabi ni Minerva at isa-isa kaming binigyan ng kape. Agad naman akong kumuha ng sa akin at hindi na alintana kung mainit.

Nanlaki naman ang mga mata ni Heze. "Dahan-dahan lang, Merry, baka mapaso ka." Kulang na lamang ay kunin sa akin ang tasa.

"Ayos lang po, hindi rin naman po masyadong maramdaman ng kamay ko 'yong init," tugon ko naman 'saka humigop na ng kape. Dumaloy ang mainit na kape sa aking lalamunan kaya medyo nabawasan ang pagkaginaw ko.

"Palibhasa kasi, parang nagyeyelo palagi ang kamay niya," entrada naman ni Azarel.

Pagkatapos naming magkape ay naligo na kami. Mabuti na lamang ay may inihandang mainit na tubig si Minerva para ihalo sa pampaligo namin.

Pagkagising nina Tita Laura ay nagpaalam kami na may pupuntahan kami. Tinanong nila kung saan kami pupunta, ngunit si Minerva na ang sumagot. Doon ko nalaman na pupunta pala kami sa isa pang bahay nina daddy noon na gawa lamang sa kawayan.

Mahirap lamang ang buhay nina daddy at Tito Alfonso noon. Dahil sa pagsisikap nila ay kaya sila umasenso.

"Malayo ba iyon?" tanong ni Azarel pero umiling lamang si Minerva. Napuntahan ko na rin iyon noon, iyon nga lang ay hindi ko na masyadong maalala.

Si Minerva ang may dala ng bag na may lamang mga tubig at pagkain. Kalaunan ay kinuha rin lang iyon ni Azarel upang siya na ang magdala. Sling bag lamang ang dala ko. Laman n'on ang tubig, payong, at cellphone ko.

Muli naming nadaanan ang burol na nadaanan namin kahapon. Nagpumilit naman si Azarel na mag-picture raw kami doon dahil napakaganda ng view.

Eksakto ang unti-unting pagsikat ng araw kaya nagpadagdag pa ito sa kamangha-manghang tanawin. Tanaw mula sa hindi kalayuan ang mga open fields, pati na rin ang mga iba't ibang mga punong kahoy. Tanaw na tanaw rin ang mga kabahayan sa kabilang mga purok.

✓Angel By Your SideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon