KALAKALAN SA ARCHIMERIA

1.4K 121 101
                                    

Chapter IV: Kalakalan Sa Archimeria

Bukang liwayway pa lamang ay naghahanda na si Erasmus para sa kanyang pagtungo sa pook kalakalan. Nagising si Calistin at agad na nagtungo sa palikuran. Doon ay palihim niyang inilalagay ang kanyang contact lenses. Pinili pa rin niyang itago ang kondisyon niyang ito dahil ayaw niyang isipin ni Erasmus na siya ay hindi normal. Matapos niyang i-ayos ang kanyang mga mata ay tinulungan niyang maghanda si Erasmus.

"Malayo ba rito ang pook kalakalan Erasmus?" Tanong ni Calistin

"Oo malayo..." Maikling sagot ni Erasmus

"Naglalakad ka lamang ba patungo doon?"

"May mga sandaling naglalakad at may sandaling sumasakay sa sasakyang pang lupa."

"Sasakyang pang lupa? Meron din kayong sasakyan dito?.. Nakakatuwa naman." Masayang wika ni Calistin. "Ano kayang itsura ng sasakyan nila dito..." Mahinang dugtong nito sa kanyang unang sinabi

"Oo, upang mapabilis ang aming paglalakbay patungo sa malalayong lugar subalit ang mga sasakyan ay nasa piling lugar lamang kaya naman kung malayo pa rin sa sakayan ang kinaroroonan ng isang nilalang ay paglalakad pa rin ang pangunahing paraan ng transportasyon." Paliwanag ni Erasmus

Makikita sa mukha ni Calistin ang pananabik na masilayan ang sasakyang sinasabi ni Erasmus ngunit alam niyang hindi siya isasama nito dahil hindi pa siya bihasa sa pananalita, pagkilos at pamumuhay sa Archimeria.

"Nakatutuwang malaman ang bagay na iyan. Sana'y sa susunod ay masilayan ko rin ang sasakyang iyong sinasabi."

"Nais mo bang sumama sa akin?.." tanong ni Erasmus kay Calistin. "Kung nais mong sumama ay magsabi ka lamang. Diretsohin mo ako sa mga nais mong sabihin dahil hindi ako magaling sa panghuhula at pakikisalamuha sa isang babae. Matagal na akong namumuhay mag-isa kaya maaaring hindi ko na ganoon ka alam ang pakikisama sa ibang mga nilalang subalit sapat pa rin ang aking kaalaman upang matutunan mo ang mga bagay na dapat mong malaman sa aming mundo."

"Paumanhin.." Nakayukong sabi nito. "Oo nais kong sumama sapagkat wala naman akong ginagawa dito sa iyong tahanan. Ang lahat ng bagay ay maayos kaya wala akong ibang mapagkaabalahan. Wala rin naman akong nakitang libro o mga tala upang aking mabasa."

"Sa madaling sabi ay naiinip ka sa aking tahanan."

"G-ganoon na nga."

"Kung gayon, maghanda ka at isasama kita sa pook kalakalan."

"Talaga?!" Masayang sabi ni Calistin.

"Oo, sa kondisyong hindi ka lalayo sa aking tabi at hindi ka maaaring mawala sa aking paningin."

"Oo! Oo! Pangako!" Nasasabik na sabi nito.

Matapos na maghanda ang dalawa ay agad na silang nagsimulang maglakad dahil malayu-layo rin ang sakayan mula sa kanilang lugar. Habang naglalakad ang dalawa ay patuloy sa pagsasabi si Erasmus ng mga dapat at hindi dapat gawin ni Calistin sa pook kalakalan.

"Iwasan mo ang pakikipag talastasan sa mga Igaduwe. Malakas ang kanilang pakiramdam, maaari nilang malaman na ikaw ay isang dayo. Hanggat maaari ay maiikling pangungusap lamang ang iyong itugon sa kanilang mga tanong."

"Oo, tatandaan ko lahat 'yan."

"At huwag kang magpapakita ng pagkamangha o pagkabigla sa ano mang kakaiba o mahiwagang iyong masasaksihan. Hindi ka rin dapat magulat sa kanilang mga itsura. Malayo ang kanilang wangis sa aming mga Amasdirig."

"Pangako Erasmus... Hindi ako gagawa ng ano mang ikabibisto ko."

Halos isang oras at kalahati ang itinagal ng paglalakad ng dalawa sa may kagubatan bago nila narating ang sakayan. Ipinagtaka ni Calistin ang kanyang nakita sapagkat sa lugar na kanilang tinungo ay wala naman siyang sasakyang nakikita.

Sa Mundo Ni CalistinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon