PAGSARIWA SA NAKARAAN NI ERASMUS

1.2K 109 110
                                    

Chapter IX: Pagsariwa Sa Nakaraan Ni Erasmus

Nagpatuloy sa paglalakad ang reyna at pagsuri sa pagsasaayos na ginagawa ng mga Amasdirig kasama ang dalawang kawal na sumusunod lamang sa kanya. Labis na ikinagagalak ng puso niya ang mabilis na pagbangong nagaganap sa kanilang kaharian mula sa pagkakapinsalang kinasadlakan nito.

Sa kabila ng kaligayahang nadarama ng reyna ay patuloy ang pangamba niya sa maaaring kalabasan ng kondisyong hinihingi sa kanya ni Calistin. Bukod sa nais talaga niyang mapabilang ito sa tagapagtanggol ng Arcania ay mas nais niyang magbalik si Erasmus sa kanilang kaharian.

Kahit na napakatalas ng pag-iisip ng reyna ay wala siyang maisip na magandang i-dahilan kay Erasmus upang manatili sa Arcania at sundan ang yapak ng kanyang yumaong ama.

Makailang beses na tinangka ng reyna na lapitan si Erasmus upang buksan ang usaping pagbalik at pananatili nito sa Arcania ngunit palagi siyang napapaurong sa kadahilanang hindi niya alam kung paano ito sisimulan at kung ano ba ang magandang panimula upang pakinggan siya nito.

Patapos na ang oras ng hapon ngunit hindi pa rin nagagawang kausapin ng reyna si Erasmus. Lubha talaga itong nahihirapan sapagkat isa siya sa mga naging saksi sa paghihirap at pighating naranasan ni Erasmus noong pumanaw ang ama nito sa naganap na digmaan, dalawampung taon na ang nakalilipas.

Hindi na nais pa ng reyna na maghirap ang kalooban ni Erasmus dahil naipangako niya sa ama nito na siya na ang bahala kay Erasmus at hindi niya hahayaang may makasakit dito.

Sa pagkakataong ito, ipinahanap ng reyna si Erasmus sa isa sa kanyang mga kawal at inutusang ipagbigay alam sa kanya ang kinaroroonan nito.

Nais ni Reyna Lamara na siya mismo ang lumapit kay Erasmus at huwag lamang basta ipatawag ito sa isa sa mga kawal upang mas mag mukha itong personal.

Nakita ng kawal na inutusan ni Reyna Lamara si Erasmus sa isang maliit na pagawaan ng mga palamuti sa tahanan na agad niyang ipinagbigay alam sa reyna.

"Reyna Lamara..." Pagbibigay pugay na bati ng kawal sa reyna. "Natagpuan ko na ang kinaroroonan ni Erasmus."

"Mabuti kung ganoon... Samahan mo ako sa kanya." Sabi ng reyna sabay baling ng tingin sa kanyang kawal

Naglakad ang reyna kasama ang kawal mula sa harap ng kanyang palasyo patungo sa kinaroroonan ni Erasmus.

Sa 'di kalayua'y tahimik na pinagmasdan ng reyna sa Erasmus sa pagawaan. Nagagalak ang kanyang puso sapagkat kahit papaano ay nakikita niya ang ngiti sa mga labi nito.

"Tunay na lumaki siyang napakakisig katulad ng kanyang ama... Nasisiguro ko na kung nabubuhay lamang ito ay ipagmamalaki niya si Erasmus."

Dahan-dahan ang naging paglapit ng reyna kay Erasmus. Hindi agad siya napansin ng iba pang Amasdirig sa paligid dahil abala ang mga ito sa kanilang mga gawain.

"Tila abala ka sa iyong ginagawa..." Wika ng reyna mula sa likod ni Erasmus

Napatigil si Erasmus sa pagsusuri ng ilang kasangkapan at napaharap sa kanyang likuran upang tingnan kung sino ang nagsalitang iyon.

Bahagyang nanlaki ang kanyang mata at napaurong ng kaunti nang makita niya ang reyna sa kanyang likuran. Nagbigay pugay siya sa reyna.

"Tumayo ka Erasmus..." Maamong pagkakasabi ng reyna. "Sa aking nakikita'y napakasigasig ng iyong pagtulong dito sa Arcania."

"Nararapat lamang Reyna Lamara. Kahit na anong mangyari ay isa pa rin akong Amasdirig at akin pa ring pinagmamalasakitan ang aking mga kauri."

"Kung ganoo'y maaari ko nang ipagpalagay na ayos na sa iyo ang muling tumapak dito sa Arcania"

Sa Mundo Ni CalistinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon