Chapter XIX: Eiravata
Sa Erialys...
Kung noo'y abala na si Erasmus sa pag gawa ng iba't ibang mga sandata, ngayon ay mas pinag-abala pa niya ang kanyang sarili. Halos hindi na siya tumitigil sa paglikha ng mga bagay at mga patibong sa paligid ng kanyang tahanan.
Sa bawat araw na lumilipas ay mas pinaiigting lamang niya ang kanyang mga ginagawa at masusing pinag-aaralan ang mga gamit ng kanyang namayapang ama sa pagbabaka sakaling may makuhang sagot sa mga katanungan sa kanyang utak.
Hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa rin maisip ni Erasmus kung paano niya magagamit ang nakita niyang pinulbos na dyamante sa gamit ng kanyang amang si Iro ngunit malakas ang kanyang pakiramdam na malaki ang maitutulong nito sa kanya.
Hindi rin lingid sa kanyang kaalaman na patuloy ang pagmamatyag sa kanya ng mga Igaduwe dahil hindi pa rin naaalis ang kanilang haka-haka tungkol sa pagkawala ng kanilang pinakaiingatang yaman kung kaya doble dobleng ingat ang ginagawa ni Erasmus. Bawat kilos niya'y kalkulado upang wala nang madagdag pa sa mga bintang sa kanya ng mga Igaduwe.
Labis na ang pangamba ni Erasmus sa mga nagaganap dahil napapadalas na ang mga di magagandang pangyayari at kaguluhan sa Arcania. Nadagdagan pa ang suliraning kinakaharap ng Erialys na hanggang sa ngayo'y palaisipan pa rin. Batid niyang hindi pa ito nalulutas dahil madalas pa siyang makakita ng mga Igaduwe na rumoronda sa paligid ng lupaing kanilang nasasakupan.
"Ang mga umaatake ay pinapagana ng tila isang mahika... Anong klase kaya ng kapangyarihan ito? Tama nga kaya ang hinala ko?"
Napatigil si Erasmus sa pagpupunas sa bagong gawa niyang taguan ng mga gamit at huminga ng napakalalim. "Konektado nga kaya ang kaguluhan sa Arcania sa pagkawala ng mga espesyal na dyamante ng mga Igaduwe... Iisa nga kaya ang may pakana nito?"
Nagpunas si Erasmus ng kanyang mga kamay gamit ang isang malinis na telang kulay kayumanggi. "Ito nga kaya ang ginamit upang mapagalaw ang mga wangis nilalang na iyon? Kung ito nga, sino naman ang gagawa nito at bakit hindi ito ginamit laban sa Erialys?"
Nanlaki ang mga mata ni Erasmus na tila ba may napagtanto ito. "Kung minamatyagan nila ako, dapat na magmatyag din ako sa kanila dahil maaaring palabas lamang ang lahat ng ito... Maaaring isa rin sa mga Igaduwe ang gumawa nito dahil hindi naman nito ipinahamak ang Erialys na sariling nilang nasasakupang lupain." Mahinang sabi ni Erasmus sa sarili
Pumasok siya sa tahanan kung saan nakatago ang mga gamit ng kanyang ama upang maghanap pa ng mga bagay na maaaring makatulong sa kanya sa pag-iimbestiga tungkol sa mga kababalaghan at kaguluhang nagaganap sa Archimeria.
Sa loob ay patuloy ang matinding pag-iisip at pagtatagpi-tagpi niya sa mga nangyayari. Subalit hindi niya matukoy kung sino ba talaga ang nasa likod ng panggugulong nangyayari sa kanilang lugar.
Matagal na siyang naninirahan sa Erialys ngunit ni minsan ay hindi gumawa ang mga Igaduwe ng bagay na ikasasama o ikapapahamak ng iba lalo na ng Arcania na matagal na nilang kakampi at kaibigan.
At noong sandali ring iyon ay pumasok sa isipan niya ang mga Enadiwa.
"Minsan ko nang nakitang may Enadiwa dito sa Erialys... Hindi nga kaya magkasabwat ang dalawang kahariang ito? Ngunit bakit? Walang dahilan upang gumawa ng panibagong digmaan dito sa Archimeria... At batid kong kapwa mabuti ang mga lahing ito subalit anong nangyayari?" Gulong gulong tanong ni Erasmus sa sarili
Sa pagdaan ng araw ay nagsimula na si Erasmus sa pasimpleng pagmamatyag sa mga Igaduweng nakikita niya sa daan.
Kung minsan ay sinasadya niyang mapadpad malapit sa palasyo ng mga Igaduwe upang malaman niya ang ikinikilos ng mga ito at kung may kakaiba ba itong ginagawa.
BINABASA MO ANG
Sa Mundo Ni Calistin
FantasySa mundong hindi mo kilala... Sa mga nilalang na ngayon mo lamang nakita... At sa mga kakaibang kakayahang hindi mo inakalang may nagtataglay... Kakayanin mo kayang manatiling buhay? Makagagawa ka ba ng paraan upang matakasan ang mundong iyong kina...