KAGULUHAN SA ARCANIA

1.3K 117 191
                                    

Chapter VI: Kaguluhan Sa Arcania

Mabilis ang naging reaksyon ng reyna at nakailag ito sa mga nagtalsikang bahagi ng bumagsak na bato. Ngunit may ilang mga manananghal ang napinsala nito. Nagdulot ang pagbagsak ng napakalaking batong ito ng komusyon sa lugar. Ang bato ay halos kasing laki ng isang bahay kaya ganoon na lamang ang pinsalang idinulot nito nang ito'y bumagsak.

Sandaling natigilan ang mga Amasdirig at halos ang lahat, lalo na ang mga kalalakihan ay nakaposisyon na ng pakikipag-sagupaan subalit wala silang nakitang kalaban.

Ilang sandaling katahimikan ang naganap at nagkanya kanyang takbuhan at tago na ang mga Amasdirig dahil hindi nila alam kung ano, sino at nasaan ang kalaban.

Ganito na lamang ang naging reaksyon ng karamihan dahil nasa dalawampung taon na ang nakalipas nang huling nagkaroon ng kaguluhan sa Arcania.

Agad namang inalalayan ng mga kawal ang reyna at ipinasok ito sa palasyo habang ang iba naman ay mabilis na nagsikalat upang hanapin ang pinagmumulan ng bagay na iyon.

Matapos ang pagbagsak ng malaking bato ay sinundan pa ito ng iba pang mga bato na tila ba pinauulanan ang mga Amasdirig.

Agad na hinanap ni Erasmus si Calistin at hinila ito upang dalahin sa isang ligtas na lugar.

Natakot si Calistin at dagliang sumunod na lamang kay Erasmus ng walang tanong tanong.

Ikinubli ni Erasmus si Calistin sa isang maliit na lugar sa gilid ng palasyo. Mabilis siyang dumukot ng mahihiwagang bato sa sisidlang kanyang dala at agad na gumawa ng pananggalang at isang matulis na bagay. Ibinigay niya iyon kay Calistin at sinabing gamitin ito upang ipagtanggol ang kanyang sarili kung sakaling may manalakay sa kanila.

Masusing pinagmasdan ni Erasmus ang paligid upang hanapin ang pinagmumulan ng mga batong bumabagsak sa kanilang lugar subalit wala siyang makita. Ilang sandali pa at may nagsilabasang mga nilalang na balot na balot ang kasuotan. Maging ang kanilang mga mukha ay may takip din kung kaya hindi ito makilala ni Erasmus. Nasa mahigit dalawang daan ang mga ito kung bibilangin.

Napakabibilis gumalaw ng mga ito at walang sinasanto. Lahat ng gumagalaw sa kanilang dinadaanan ay marahas na inaasinta ng tangan nilang sandata.

Mabilis na kumilos si Erasmus at iniwan si Calistin ngunit binalaan niya itong huwag aalis sa kanyang pinagtataguan.

Agad na sumagupa si Erasmus sa labanan at tumulong sa mga kawal ng Arcania. Buong lakas siyang nakipaglaban kasama ang mga kawal subalit sa tagal ng kanilang labanan ay tila walang paraan upang mapatumba ang kalaban. Hindi ito tinatablahan ng patalim kahit pa ito ay mariing itarak sa kanilang mga katawan. Tila ba hindi ito nasasaktan sa tuwing tinatamaan sila ng sandata.

Makikita sa mga kilos ng mga kawal at ilang mamamayan ng Arcania na tumutulong ang pagod subalit hindi sumusuko ang mga ito.

Buong lakas na inasinta ni Erasmus ang balikat ng isang kalaban at laking gulat niya nang tumalsik ang braso nito at bigla na lamang nawalan ng buhay ang buong katawan nito. At ang mas ikinagulat niya ay nang bumagsak sa lupa ang katawan nito ay bigla na lamang itong nagkahiwa-hiwalay at tumambad sa kanya ang mga piraso ng mga bato. Isa lamang pala itong batong iwinangis na isang nilalang at tila pinapagalaw lamang ng mahika.

"Hindi gumagana ang pagsaksak!" Buong lakas na sigaw ni Erasmus upang marinig siya ng iba pang mga kapanalig habang patuloy sa pakikipaglaban. "Kailangang may mahiwalay na bahagi sa kanilang katawan upang sila'y malupig!" Mabilis na dugtong ni Erasmus sa kanyang naunang pahayag

Ang lahat ng malapit sa kanya at nakarinig ng kanyang pahayag ay sumunod sa kanya kaya naman kapansin pansin ang pagbagsak ng mga bato sa lupa. Mabilis na kumalat iyon sa mga Amasdirig na nakikipaglaban kaya naman halos naging mabilis ang kanilang paglupig sa mga kalaban.

Sa Mundo Ni CalistinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon