ANG MARKA NI CALISTIN

924 96 658
                                    

Chapter XXV: Ang Marka Ni Calistin

Kasasapit pa lamang ng bukang liwayway ay maagang lumabas si Calistin upang mag-inat at maglakad lakad.

Sa 'di kalayuan, habang mabagal na naglalakad si Calistin at ninanamnam ang malamig na klima dulot ng umaga ay nakita niya si Waniru.

Tatawagin sana niya ito upang magbigay ng kanyang pagbati subalit, sa kilos ni Waniru'y tila nagmamadali ito kung kaya hindi na nakabati pa si Calistin.

"Saan kaya pupunta 'yun? Ang aga aga." Nagtatakang sabi nito sa sarili

Nang mawala na sa paningin niya si Waniru ay nagpatuloy ito sa paglalakad lakad.

"Ang tagal ko na dito... Kailangan ko na talagang makaisip ng paraan kung paano ako makakaalis... Habang tumatagal parang mas lalo akong mahihirapang makabalik sa'min... Ang hirap naman kasing tumiming sa reyna, 'di ko pa maestima kung ano ba talagang ugali n'ya... Haaaaaaay..."

Tumigil si Calistin sa tapat ng isang napakalaking puno at tumingala ito.

"Sana makauwi na ako." Sambit nito sa sarili

"Kung may mga dayo silang tinutukoy, ibig sabihin hindi ako ang unang nakarating dito na galing sa ibang mundo... So may ibang realm pa? Galing din kaya sa mundo ko 'yung tinutukoy nilang mga dayo?"

"Badtrip naman, sama pa ng loob ang iniwan." Mahina at asar na banggit nito sabay sandal sa malaking puno

Sa 'di kalayuan ay mangilan ngilan nang Amasdirig ang unti unting nagdadatingan sa pook kung saan nagsasanay ang mga kawal.

Ilan sa mga ito ay nagkukumpulan at nagkukwentuhan.

Isa sa mga kawal na babae ang nakapansin sa mag-isang si Calistin.

"Si Calistin iyon, hindi ba?" Tanong ng isang babaeng Amasdirig na may matipunong pangagatawan sabay turo kay Calistin na noo'y sinusuri at inaamoy ang mga maliliit na bulaklak sa paligid ng malaking puno

Nilingon ng dalawa pang babaeng Amasdirig ang itinuro ng kanilang kasamahan. Tumango ang isa sa tatlong  Amasdirig na may bilugang mata at ang isa nama'y sumagot. "Tama ka." Maikling sabi nito

"Kailan lamang siya napabilang sa ating hanay ngunit halos kapantay na niya sa galing ang mahuhusay na mga kawal." Sabi ng unang nakapansin kay Calistin

"Tama ka." Maikling sagot ng isa

"Ngunit, sa aking pagkakaalam ay hindi pa niya magamit  ng maayos ang kanyang kakayahan sa paghulma ng orpes (tawag sa espesyal na bato na ginagamit ng mga Amasdirig sa paghulma ng iba't ibang bagay)." Pahayag ng Amasdirig na may bilugang mata

"Hindi niya magamit ang kanyang kakayahan?" Nagtatakang tanong ng unang nakapansin kay Calistin. "Marahil ay isa siyang wakay."

"Hindi pangkaraniwan para sa isang wakay ang maging isang tagapagtanggol ng Arcania... Ano kaya ang dahilan ng reyna upang italaga siya bilang isa sa atin?" Tanong ng isa

"Hindi natin nasisiguro kung siya nga ay isang wakay. Hindi ba't lumaki siyang hindi nakikisalamuha sa ibang mga nilalang? At narinig ko sa taga silbi ng reyna na hindi rin talaga niya natutunan ang pag gamit ng mga orpes dahil sa lugar na kanilang tinitirhan. Bukod sa napakalayo raw nito rito sa atin ay hindi sila naabot ng pamamahagi ng mga ito mula sa kaharian." Paliwanag ng Amasdirig na may bilugang mga mata. "Sa ngayon, si Punong Waniru ang nagsasanay sa kanya sa paghulma ng mga espesyal na bato."

Ang mga espesyal na bato na ginagamit ng mga Amasdirig ay minimina rin tulad ng mga espesyal na dyamante ng mga Igaduwe.

"Tama ka, hindi nga natin masasabi kung isa siyang wakay. Nakita n'yo naman, hindi rin siya mahusay noong una siyang nagsanay rito ngunit ngayon tingnan n'yo s'ya... Napakahusay na niyang gumamit ng iba't ibang mga sandata." Sabi ng isa

Sa Mundo Ni CalistinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon