PAGDUDUDA

1.2K 105 227
                                    

Chapter XV: Pagdududa

Sa Erialys...

Kapansin-pansin ang pagiging abala ni Erasmus sa pag-gawa ng iba't ibang sandata. Ang iba rito'y napaka liliit at ang iba naman ay malalaki.

Mangyaring pinaghahandaan niya ang ano mang maaaring sumugod sa kanyang lugar sapagkat batid niyang hindi siya ligtas sa mga kalabang hindi pa nakikilala.

Gumawa na rin siya ng ilang pananda sa paligid ng kanyang nasasakupan upang malaman niya kung may paparating.

Bawat sulok rin, mapa sa loob man ito o sa labas ng tahanan niya ay naglagay na siya ng mga nakatagong armas upang kung magipit siya kung sakali ngang may sumalakay ay mayroon siyang mapaghuhugutan ng pang-laban.

Tunay na minana ni Erasmus mula sa kanyang amang si Iro ang kahusayan sa pag-imbento at paglikha ng mga kapaki-pakinabang na bagay.

Inabot na siya ng dapit-hapon ay hindi pa rin siya tumitigil sa kanyang pag-gawa.

Habang pisikal na nag-tatrabaho ang kanyang katawan ay abala rin ang kanyang utak sa pag-iisip kung paano niya masinop na magagamit ang pinulbos na dyamanteng pag-aari ng kanyang yumaong ama.

Matindi ang pag-nanais ni Erasmus na malaman kung sino ang nasa likod ng suliraning kinahaharap ng Erialys at kung konektado ba ito sa nangyaring kaguluhan sa Arcania.

Nangangamba siyang maaaring ang maliliit na kaguluhang nagaganap ngayon ay magdulot muli ng madugong digmaan sa buong Archimeria kung kaya habang maaga pa ay sinusubukan na niyang pag-aralan at pagtagpi-tagpiin ang mga 'di pangkaraniwang nagaganap sa paligid.

Nang makaramdam na ng pagkapagod si Erasmus ay tumigil na ito at namahinga.

Naupo siya at tahimik na pinagmasdan ang mapayapang dapit-hapon.

Napakaraming bagay ang naglalaro sa isipan ni Erasmus at sa pagkakataong ito ay hindi niya maiwasang alalahanin ang naganap noong huling digmaan sa Archimeria.

Magpa-hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kanyang alaala kung paano namatay ang napakaraming inosenteng Amasdirig sa kanyang harapan. May gulang, may posisyon at maging ang mga paslit ay hindi pinatawad. Balde-baldeng dugo ang dumanak noon sa lupain ng buong Archimeria. At sa tuwing maaalala ito ni Erasmus ay napapailing na lamang siya at naluluha sa sinapit ng pinakamamahal niyang mundo.

Magmula noo'y naging mahirap na para kay Erasmus ang lahat. Sa murang gulang ay namuhay na siya ng mag-isa at tumira sa lupaing hindi naman niya masyadong kilala sa pag-aakalang makakalimutan niya ang masalimuot na kanyang pinagdaanan subalit nagkamali siya.

May ilang pagkakataong nagsisisi si Erasmus sa pagtalikod sa kanyang lupang sinilangan subalit magkaganoon ma'y hindi niya pinagsisisihan ang pagtira sa Erialys.

--------------------

Sa Arcania...

Maagang bumangon si Calistin dahil maaga rin naman siyang nagpahinga noong dapit-hapon. Agad siyang naghanda para sa pagsasanay niya sa pag-gamit ng mga sandata at paghulma ng mga espesyal na bato.

At dahil lubha pang maaga ay naisipan niyang maglakad-lakad at lumayo ng bahagya sa mga lugar na pangkaraniwan na niyang pinupuntahan dahil nais niyang lumawak pa ang kanyang kaalaman pagdating sa mga lugar at direksyon sa Arcania. Hindi na rin kasi niya nais na mangyaring muli sa kanya ang pagkaligaw niya noong isang araw lamang.

Masayang ninanamnam ni Calistin ang malamig at banayad na simoy ng hangin. Napapangiti rin siya sa tuwing pinagmamasdan niya ang nag-gagandahang tanawin ng malalaking puno at mga bato, mga kakaibang tahanan at kung anu-ano pa.

Sa Mundo Ni CalistinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon