KARAGDAGANG PALAISIPAN

1K 101 300
                                    

Chapter XX: Karagdagang Palaisipan

Nang matagpuan ni Waniru ang lugar na pinaglalagyan ng mga talang kanyang hinahanap ay agad niyang sinimulan ang paghahanap sa pangalan ni Calistin.

Una niyang tiningnan ang tala ng mga nilalang na isinilang labing limang taon na ang nakakaraan at tsaka niya sinunod sunod ito patungo sa mas luma pang mga tala. Ito ang una niyang tiningnan sapagkat batid niyang nasa higit labing limang taong gulang na si Calistin.

May mahigit kalahating oras na siyang nagsasaliksik sa mga pangalan subalit hindi pa niya makita si Calistin sa listahan.

Sumapit na ang dapit-hapon at ito na ang hudyat kay Satalya upang pansamantalang isara ang silid talaan.

Lumapit siya kay Waniru na noo'y abalang abala sa pagbabasa sa mga katas na nasa kanyang harapan.

"Ipagpaumanhin mo..." Wika ni Satalya na agad namang nakapagpalingon kay Waniru. "Oras na upang ibalik ang mga kalatas at isara ang silid na ito... Kung hindi mo pa tapos ang iyong ginagawa ay bukas mo na lamang ito ipagpatuloy."

Hindi na nagmatigas pa si Waniru at sinunod ang sinabi ng tagapangalaga ng mga tala.

"Babalik na lamang ako bukas, pagkatapos ng aking mga tungkulin." Sabi niya kay Satalya. "Maraming salamat."

Matapos iyon ay umalis na si Waniru at nagtungo na sa kanyang silid upang magpahinga.

Habang siya ay nakahiga... "Malayu-layo na ang aking narating sa paghahanap ng kanyang pangalan ngunit hindi ko pa rin siya nakikita... Kung isa siya sa mga bagong henerasyon na katulad ko, hindi ba dapat ay nakita ko na siya? O baka naman hindi ko pa talaga nararating iyong paahong isinilang siya... Masyado na kasing marami ang bilang ng mga Amasdirig... Kailangan kong magbalik sa talaan..."

--------------------

Lumalalim na ang dapit-hapon subalit patuloy pa rin si Erasmus sa pangangalap ng mga bagay sa kagubatan. At habang isinasagawa niya ito ay hinahanap rin niya ang kakaibang lugar na kanyang narating subalit bigo siyang matagpuan ito.

Pilit niyang inaalala ang daan na kanyang tinahak noon ngunit sa kung anong kadahilanan ay hindi niya ito maalala. Labis na hiwaga ang iniwan nito sa utak at pakiramdam ni Erasmus kung kaya ganoon na lamang ang pagnanais niyang muling mapuntahan ang lugar na iyon.

Nakaramdam siya ng pagod. At dahil marami rami na rin ang mga nalikom niyang kagamitan ay minabuti niyang umuwi na sa kanyang tahanan.

Doon ay hindi pa nagtapos ang kanyang gawain. Tinungo niya ang kubo kung saan nakatago ang kagamitan ng kanyang namayapang amang si Iro.

Panay ang buntong hininga ni Erasmus sapagkat kahit anong halukay niya sa gamit ng ama ay wala siyang makitang bagay na maaaring makatulong sa kanya. Hanggang sa isang parisukat na baul na bato ang kanyang nakita na natatabunan ng ilang sandata.

"Ano kaya ang nasa loob ng sisidlang ito?" Kunot noong sabi ni Erasmus sa kanyang isip habang sinusuri ang buong baul

Ninais niyang malaman kung ano ang nasa loob nito ngunit hindi niya malaman kung paano ito mabubuksan. At sa pagkakataong iyon ay pumasok sa isipan niya ang mga susing pag-aari ng kanyang ama.

Sa Mundo Ni CalistinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon