PAGTATALAGA

1.2K 102 363
                                    

Chapter XVII: Pagtatalaga

Marahang idinilat ni Calistin ang kanyang mga mata dahil naramdaman niya ang pagdampi ng sikat ng araw sa kanyang mukha.

Sa sandali ng pagkagising ng isip ni Calistin ay suliranin agad ang kanyang unang naisip.

"Ano ba itong nangyayari sa akin..." Sabi nito sa kanyang isip habang mariing nakatakip sa mukha ang dalawang kamay. "Diyos ko... Sana po makauwi na ako... Habang tumatagal ako dito pa-weird nang pa-weird ang mga nangyayari sa akin at ang masaklap pa doon, pwedeng pwede talaga akong mamatay kahit na anong oras sa lugar na ito."

Walang gana at tamad na tamad si Calistin na tumayo sa kanyang higaan kaya naman kahit na gising na siya ay nanatili siyang nakahiga. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-iisip sa mga kakaibang bagay na nangyayari sa kanya at kung paano niya mapapabilis ang kanyang pag-uwi sa kanyang mundo.

"Paano ko masasabi ito sa reyna? Puro gulo ang nangyayari dito. Baka ako pa ang mapagbintangan dahil isa akong dayo... Ang hirap naman! Paano na!" Sabay hampas ng nakakuyom niyang mga kamay sa kanyang kama.

Problemadong idinilat ni Calistin ang kanyang mga mata. "Akala ko magulo na ang buhay ko. May mas magulo pa pala."

Matapos ang mahabang pag-iisip sa wakas ay bumangon na rin si Calistin.

Pumunta siya sa isang aparador sa kanyang silid upang kumuha ng susuotin. Pinili niya ang isang hapit na V-neck long sleeves na may kulay na dark brown at may ilang accent na kulay itim sa manggas at tagiliran. Habang ang pang ibaba naman niya ay kulay itim na hapit din ang lapat sa kanyang katawan.

"Hanggang dito pala ganito pa rin ang attire ko..."

Pagkapili niya ng kanyang susuotin ay inilapag niya ito sa kanyang higaan at nagtungo na sa palikuran upang maligo.

Sa pagkakataong ito ay nakasanayan na ni Calistin ang napakalamig na tubig sa Archimeria. Para itong may nakababad na yelo sa lamig.

Maingat ang pagkukuskos na ginawa niya sa kanyang katawan dahil sariwa pa rin ang iba niyang sugat na natamo sa nakaraang pananalakay.

Habang nililinis niya ang kanyang katawan ay hindi niya maiwasang mapatitig sa mga galos na kanyang natamo.

"Sinuswerte pa rin talaga ako... Hindi ako napupuruhan."

Napansin niyang bahagyang mabilis na maghilom ang kanyang sugat sa Archimeria kung ikukumpara ito kapag nasa mundo siya ng mga tao. "Ayos din dito, mabilis ang recovery period. Ano kayang klase ng hangin meron dito?" Napapangiting sabi nito sa sarili

Sa kabila ng patung-patong na suliranin ni Calistin ay nagagawa pa rin niyang mapangiti ang sarili at maging positibo kahit na hindi umaayon ang mga nangyayari sa kanyang nais.

Matapos siyang maligo ay humarap siya sa makintab na bato sa kanyang palikuran at inilagay ang contact lens sa kanyang mga mata.

"Sana umabot itong solution ko at hindi madisgrasya itong contact lens ko. Pag nagkataon, sigurado problema na naman ito." Sabi niya sa sarili habang kumukurap kurap na inaayos ang kanyang mata

Lumabas siya ng palikuran ng nakatuwalya at agad na isinuot ang damit na kanyang inihanda.

Naupo siya sa paanan ng kanyang kama bitbit ang dalawang botang hanggang tuhod. "Bagong araw... Sana may bagong improvement din sa sitwasyon ko." Sambit niya habang isinusuot ang bota

Tumayo siya at itinali ang itim at hanggang dibdib niyang buhok. Mabilis niyang kinuha ang sisidlang naglalaman ng mga espesyal na bato sa kanyang lamesa at itinali ito sa kanyang baywang.

Sa Mundo Ni CalistinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon