ANG SULIRANIN SA ERIALYS

1.2K 107 56
                                    

Chapter XII: Ang Suliranin Sa Erialys

Tuluyan nang ibinaba ni Erasmus ang kanyang sandata.

Nakaramdam siya ng kaba.

"Isang magandang umaga sa iyo, Erasmus." Bati ng napakalaking Igaduwe. "Tila sanay na sanay ka na sa pamumuhay dito sa Erialys."

Sa bating iyon ng panauhin ay napawi ang kaba sa dibdib ni Erasmus.

Ngiting ngiti itong tumugon sa pagbating iyon at mahahalatang nanabik itong muling makita ang panauhin.

"P-punong Mallory... Ikinagagalak ko ang iyong pagdalaw!" Sabik na sabi ni Erasmus. "M-maupo kayo." Sabi nito habang itinuturo ang lamesang may mga upuan sa labas ng kanyang tahanan

Sumunod naman ang naglalakihang Igaduwe at pinaunlakan ang anyaya ni Erasmus na maupo sa mga upuan sa may lamesa sa labas ng kanyang tahanan.

"H-hindi ko inaasahan ang pagdalaw mong ito, Punong Mallory... Kung hindi ninyo mamasamain, nais ko lamang sanang malaman ang inyong sadya sa pagtungo ninyo dito sa aking lugar... Mangyaring ang huling beses na kayo ay aking nasilayan ay noong ako'y labing-apat na taong gulang pa lamang." Diretsong tanong ni Erasmus

"Batid kong iyong ipinagtataka ang pagtungo ng kanang kamay kong si Gigan sa iyo kahapon lamang. At batid ko ring nadagdagan pa ito ngayon dahil sa pagdalaw kong ito." Seryosong sabi ni Punong Mallory

"Lubha ko nga itong ipinagtataka, Punong Mallory..."

"Sa antas ng iyong pag-iisip ay alam kong nahinuha mo na sa pag-uusap ninyo ni Gigan kahapon na may suliraning kinahaharap ngayon ang Erialys."

Hindi sumagot si Erasmus sa halip ay tumango lamang ito bilang pagpapahayag na sinasang-ayunan niya ang sinabi ng pinuno ng mga Igaduwe.

"May napakahalagang bagay na pag-aari ng aming lahi ang bigla na lamang naglaho sa aming pinaglalagyan." Wika ni Punong Mallory na mahahalata ang pinaghalong pangamba at pagkainis sa mukha

"Bagay? Ano naman ito at pag-aabalahan pang makuha mula sa inyong pangangalaga?" Nagtatakang sabi ni Erasmus at naupo na rin sa upuan sa tapat ni Punong Mallory

"Sa aking palagay ay batid mo ang tungkol sa mga espesyal na dyamanteng pinakaiingatang yaman naming mga Igaduwe... Lubhang makapangyarihan ang mga dyamanteng ito." Wika ni Punong Mallory na hindi inaalis ang tingin sa mga mata ni Erasmus. "Matagal nang panahon magmula noong nagkaroon ng kaguluhan sa buong Archimeria, at matagal na ring panahong tahimik at payapa ang ating lugar hanggang sa nangyari ang hindi namin inaasahan."

Sa sandaling ito ay tumayo ang dalawang Igaduwe na kasama ni Punong Mallory at nagmasid sa paligid ng tahanan ni Erasmus. Sinisiguro nilang walang ibang nilalang sa paligid.

"Ni minsan ay hindi nagkaraoon ng ganitong pangyayari dito sa Erialys... Ngayon lamang... A-at dahil ikaw lamang ang nilalang na hindi namin ka-uri ay ikaw ang itinuturo ng nakararaming mga Igaduwe." Nag-aalinlangang sabi ni Punong Mallory. "Kung kaya narito ako ngayon sa iyong harapan upang ako mismo ang magtanong sa iyo..." Sabi ni Punong Mallory at ipinatong ang mga kamay sa lamesa

Naging seryoso ang mukha ni Erasmus dahil maliban sa dahilang hindi siya isang Igaduwe ay wala na siyang maisip na rason kung bakit isa siya sa pinagbibintangan sa suliraning kinakaharap ngayon ng Erialys.

Sa Mundo Ni CalistinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon