ANG LIHIM NI REYNA LAMARA

1.1K 101 265
                                    

Chapter XXI: Ang Lihim Ni Reyna Lamara

Sumasapit pa lamang ang bukang liwayway ay palihim nang naghahanda si Selebos upang pumuslit palabas ng Eiravata.

Umahon siya mula sa lawa ng kanyang silid at nagpalit ng mga paa. Tumayo siya at kinuha ang isang sisidlang gawa sa kabibe at itinali ito sa kanyang baywang.

Naglakad siya patungo sa pintuan ng kanyang silid at maingat na sumilip sa labas mula dito upang makita kung may Enadiwa bang rumuronda sa loob ng kanilang palasyo.

Nang wala siyang makita ay mabilis siyang lumipad patungo sa patungo sa bandang likod ng palasyo dahil doon ay mayroon silang lagusan para sa mga dugong bughaw na katulad niya na may pakpak.

Huminto siya at nagkubli sa isang pader nang may tatlong metro na lamang ang layo niya sa lagusan. Mabilis niyang sinuri ang paligid kung may Enadiwa bang naroon at nang masiguro niyang walang makakakita sa kanya ay mabilis siyang lumipad patungo doon.

Habang nakangiti at mabilis niyang sinususog ang kahabaan ng daan ay may naramdaman siyang malakas na hangin na dumampi sa kanyang katawan na siyang nagpahito sa kanya.

"At saan ka tutungo, Aku Selebos?" Mapanindak na tanong ng isang babaeng Enadiwa habang bahagyang kumikinang ang manipis na kulay mapusyaw na bughaw niyang pakpak na may tila bulang disenyo

Hindi sumagot si Selebos at umiwas lamang sa kinatatayuan ng Enadiwa at ipinagpatuloy ang pagtungo sa lagusan.

"Aku!" Sigaw nito

Mabilis na lumipad pabalik si Selebos at hinablot ang kanang braso ng Enadiwa... "Hinaan mo ang iyong tinig, Maraha!" Pasigaw ngunit mahinang sabi ni Selebos

Tinanggal ni Maraha ang pagkakahawak ni Selebos sa kanyang braso at muling nagsalita. "Saan nga ang iyong tungo?" Ulit niyang tanong

"Mamamasyal lamang." Mabilis at maikling sagot ni Selebos

Tumalikod siya kay Maraha upang tuluyan nang makalipad palabas ng palasyo ngunit muling nagsalita si Maraha.

"Mamamasyal? Sa ganito kaagang oras?" Duda nito. "Huwag ka nang magsinungaling pa Aku... Batid kong lalabas ka na naman ng Eiravata."

Nilingon siya ni Selebos. "Kung ganoon ay bakit mo pa ako inuusisa?" Kunot noong sabi nito na mahahalata na ang pagka-yamot sa kanyang mukha

"Kapag nalaman ito ni ina tiyak na---" Naputol na sabi ni Maraha nang mabilis na sumingit si Selebos

"Malalaman lamang ito ni ina kung ako'y iyong isusumbong. Ang mabuti pa'y bumalik ka na sa iyong pamamahinga... At pagtakpan mo ako kung sakaling hanapin ako ni ina, maliwanag?" At agad na lumipad si Selebos palabas ng palasyo

"Ngunit Aku!" Pigil ni Maraha subalit hindi na niya nahadlangan pa ang pag-alis ng nakatatanda niyang kapatid. "Hay! Ako na naman ang malalagot nito kay ina pag nagkataon."

Matapos iyon ay lumipad na si Maraha patungo sa kanyang silid.

Si Maraha ang bunso at nag-iisang anak na babae ni Reyna Alcina. Lubha siyang malapit sa kapatid na si Selebos kung kaya palagi niya itong pinagsasabihan sa tuwing mahuhuli niya itong tumatakas o malalaman niyang nakikipag-ugnayan ito sa ibang lahi.

Maganda ang mukha at mahaba ang mga biyas ni Maraha. Mayroon siyang nunal sa ibaba ng kanyang labi at patulis na tenga. Sa paligid ng gilid ng kanyang mga mata ay may maliliit na pabilog na kaliskis. Nag-aagaw na luntian at bughaw ang kulay ng kanyang buntot na may hugis kabibeng kaliskis na kumikinang sa tuwing nasisinagan ng araw. Mayroon din siyang kaliskis na tila ahas na nakapalupot sa tig-kabila niyang braso maging sa kanyang mga binti kung ito ang kanyang gamit.

Sa Mundo Ni CalistinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon