BUNGA NG PAGTATALO

1.2K 110 167
                                    


Chapter X: Bunga Ng Pagtatalo

Nagmamadaling naglakad si Calistin patungo sa kanyang silid. Marahan niyang pinupunasan ang kanyang pisnging natuyuan na ng luha na ngayo'y muling nabasa dahil sa panibagong luhang dumadaloy mula sa kanyang mga mata. Labis na ikinasama ng kanyang kalooban ang masasakit na salitang binitiwan sa kanya ni Erasmus kung kaya hindi niya mapigil ang pag tangis at pagkagalit.

Batid niyang siya ay nagkamali sa pag-ipit kay Erasmus sa sitwasyong iyon ngunit wala na rin siyang magawa dahil ito lamang ang nakakaalam ng kanyang lihim at tanging nilalang na kanyang lubos na pinagkakatiwalaan.

Pagkarating niya sa tapat ng kanyang silid ay padabog niyang binuksan ang pinto at nang siya ay makapasok ay padabog rin niyang isinara ito sa sobrang pagka-inis.

"Bakit niya pa ako kailangang insultuhin? Kung makaasta siya akala mo siya lang ang nasasaktan." Buong hinanakit na sabi ni Calsitin sa kanyang isip

Naupo siya sa kanyang kama at inilabas ang natatanging bagay na dinala niya sa Arcania mula sa kanyang mundo, maliban sa kanyang contact lens at solution. Isa itong manipis na card holder na naglalaman ng ilang cards niya at litrato ng kanyang pinakamamahal na ina.

Tinitigan niya ang litrato at muling umagos ang tila walang katapusang luha ni Calistin. Tahimik lamang siya sa kanyang pagtangis at mababakas sa kanyang mukha ang labis na pananabik sa kanyang ina.

"Mama..." Mahinang sambit ni Calistin habang umiiyak. "Bakit mo ako agad iniwan? Miss na miss na kita... Kung nandito ka lang sana, alam ko hindi ako matatakot... At mas lalo akong magpupurisiging makaalis dito kasi alam kong may babalikan pa ako... Kaso, wala ka na... May rason pa ba ako para lumaban?" Sabi ni Calistin at ibinaba ang litrato ng ina. "Ano pa bang pwede kong maging dahilan para manatiling buhay?"

Sa sobrang pagtangis ay halatang halata na ang halos sunod-sunod na paghikbi ni Calistin. Tila nauubusan na ito ng hininga sa pagpigil na mapahagulhol at mapalakas ang kanyang pag-iyak sa takot na may makarinig sa kanya.

"Gusto ko nang tapusin 'tong pagpapanggap na 'to para matapos na itong kamalasan na nangyayari sa akin..."

Matapos sambitin ang mga katagang iyon sa sarili ay nakatulog na si Calistin dala pa rin ang sama ng loob kay Erasmus.

Naging mahaba ang dapit-hapong iyon para kay Erasmus at Calistin.

Mapayapa ang dapit-hapon. Maririnig ang huni ng iba't ibang hayop at insekto. Tunay na walang nakaambang panganib sa paligid ng Arcania.

--------------------

Kinabukasan sa Arcania...

Nagising si Calistin sa liwanag ng sikat ng araw na tumama sa kanyang mata at pisngi.

Idinilat niya ang kanyang mugtong mga mata at agad na nagbalik sa kanyang isip ang mga naganap noong nakaraang dapit-hapon. At muli'y nangilid sa kanyang bilugang mga mata ang kanyang luha.

Pinigil niya ang mga luhang sana'y tutulo na mula sa kanyang mga mata at biglang bumangon. Naupo siya sa kanyang kama. Napasalong-baba siya gamit ang kanyang dalawang kamay at bakas sa kanyang mukha ang pagkalungkot at pagkabagabag.

Tumayo siya at inayos ang sarili. Nagtungo siya sa palikuran ng kanyang kwarto at naligo.

Kakaiba rin ang mga kagamitang pang linis ng katawan ng mga taga Archimeria.

Sa Mundo Ni CalistinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon