Life in the Province Episode 12
Pagsubok
Huni ng ibon, lagaslas ng tubig sa batis, langitngit ng mga kawayan at naghahampasang mga dahon ng puno. Ilang atungal ng mga hayop. Mga patak ng ulan. Nararamdaman ko na gumugulong ako. Pababa. Mabilis ang panggulong ko pababa. Ramdam ko ang mga batong tumatama sa aking katawan habang mabilis ang paggulong ko sa isang bangin. Gulong lang ako ng gulong hanggang sa huminto ako. Tumama ako sa isang bagay. Hindi ko maramdaman kung anong bagay ito. Medyo manhid pa rin ang buo kong katawan. Huminto na ako sa paggulong. Ang ingay ng paligid. Halo-halong tunog ang naririnig ko. Nabibingi ako sa lakas ng mga tunog nila. Pati ang huni ng mga gamo-gamo ay sadyang nagbibigay ingay sa aking pandinig.
Nanatili akong nakapikit. Ano bang nangyari kanina? Nananaginip ata ako. Pero malabo. Hindi ko maalala ang iba. Hindi ko alam kung bakit, pero napakabigat pa rin ng talukap ng aking mga mata. Nakatihaya ako kung saan. Sa palagay ko sa isang gubat dahil sa mga ingay na aking naririnig. Yumayanig ang lupa. Parang may lindol. Hindi, nararamdaman ko. Mga yapak. Malalaking yapak. Hindi ko alam kung saan galing ngunit, mukhang malapit lamang siya.
Asupre, naamoy ko ang nasusunog na asupre. May naamoy pa akong isa. Pamilyar ang amoy na ito. Pero di ko mawari kung ano ito. Pero sa tingin ko alam ko kung ano ito. Pero hindi ko alam. Magulo. Naamoy ko ang batis. Malapit lang siguro dito ang batis, naririnig ko rin ang daloy ng tubig mula sa kanya. Di pa rin ako makagalaw, o makadilat man lang.
Ano bang nangyari? Ang huli kong natatandaan, nasa kweba ako. Hindi, ang pagtitipon. 'Yun ang huli kong naalala. May kweba, ngunit mukhang panaginip lamang iyon. Ang paginom namin ng tubig na ibinigay sa amin na siyang sanhi nang pagkatulog namin. Si Elyza... Si Dado.. Si David, si Isko, at ang iba pa naming mga kasama. Nasaan kaya sila. Nandito rin kaya sila sa kinalalagyan ko. Sana ligtas sila. Lalo na si Elyza.
Sinubukan kong buksan ang aking mga mata. Mabigat pa rin ang mga talukap nito, ngunit pinilit ko pa ring buksan ang mga ito. Mga Patak ng ulan ang sumalubong sa aking paningin. Hindi masyadong maidilat dahil sa mga patak ng ulan. Naaamoy ko pa rin ang nasusunog na asupre. Sinubukan kong lumingon sa magkabilang panig ng aking kinalalagyan. Kakahuyan. Puro kakahuyan lang ang aking nakita. Tinignan ko kung ano ang nasa harapan ng aking kinalalagyan. Nasa bangin ako, isang matarik na bangin. Mukhang pabaligtad ang pagkakalagay ko sa bangin na to.
Nahihirapan pa rin akong kumilos. Talagang matindi ang tama sa akin ng kung ano mang gamot ang ipinainom sa amin. Gusto ko nang gumalaw! Ginamit ko ang buo kong lakas upang maigalaw ko ang aking mga kamay. Dahan-dahan ngunit hirap pa rin ako. Nagalaw ko siya ng kaunti! Una kong naigalaw ang aking mga daliri. Dahan-dahan nabubukas-sara ko na ang aking palad. Mukhang humuhupa na ang epekto ng gamot na ipinainom sa amin. Sinubukan kong i-angat ang aking mga kamay. Ngunit mahirap. Bigo ako. Hindi ko pa rin kaya. Mukhang kelangan ko pang maghintay pa ng ilang sandali para mawala ng tuluyan ang epekto ng gamot.
Pinakiramdaman ko ang paligid. Baka may kung anong mabangis na hayop ang mapadpad sa lugar ko at samantalahin ang kalagayan ko. Ganoon pa rin ang naririnig ko. Mga huni ng iba't ibang hayop, mga paggalaw ng mga dahon sa puno, lagaslas ng tubig sa batis, at ang mga malalaking yapak na nagdudulot ng mahihinang kabog sa lupa. May dumagdag na ingay. Mga maliliit na boses, animo'y mga boses ng bata. Napakarami ng mga ingay na to. Hindi ko mawari kung ilan. Sa tingin ko mga mahigit dalawampong bagay na may maliliit na boses. Mga Lambana? Hindi kaya nasa Gubat ng mga Lobo ako? Kung gayon mas ligtas ako. Pero di pa rin ako nakakasiguro. Kailangan mag-ingat pa rin ako.
Ilang sandali na rin ang lumipas. Tumigil na ang ulan, manaka-nakang ambon na lang ang iniwan nito. Madilim pa rin ang langit dahil na rin siguro sa ulap ng ulan. Sinubukan ko nang itaas ang aking mga kamay. Dahan-dahan. Naiiangat ko na sila!! Pero nahihirapan pa rin ako. Paulit-ulit kong ginawa iyon hanggang sa malaya ko na silang naiiangat at naigagalaw. Sinubukan ko bumangon. Ang hirap pero kakayanin ko. Medyo madulas ang kinalalagyan ko dahil sa putik. Dahil dito ay nadagdagan ang hirap ko para bumangon. Nilingon ko ang aking likod kung ano ang pumigil saking paggulong paibaba. Isang tuod. Isang tuod ng isang malaking puno pala ang sumagip sa akin.
BINABASA MO ANG
Life in the Province
HororSi Marco ay isang Taga-Maynila na nagpasyang magbakasyon sa kanilang probinsya. Inaasahang niyang magiging masaya ang kanyang bakasyon, ngunit lingid sa kanya, ay marami siyang kababalaghang maiingkwentro....