Prologue

521K 17.1K 5.1K
                                    


Moonlight Blade


Mainit na paglandas ng mga luha, samyo ng hanging banayad, sayaw ng mga piraso ng bulaklak, huni ng mga ibon, kumpas ng mga puno, bulong ng mga ilog, patnubay ng mga bundok at walang katapusang yakap ng liwanag—mundong may gandang nakakubli'y sa akin ay nangangalit.

Mundong aking pinaglingkuran, ako ngayo'y handang talikuran.

Aking paniniwala'y inakalang kataksilan, aking hinihiling na kapayapaan, paglabag sa batas ang mariing tiningnan.

Ang aking di masukat na katapata'y—isang iglap ay isinabahala.

Ako ngayo'y walang saysay, ako ngayo'y nakakulong, tinanggalan ng kapangyarihan, tinanggalan ng katungkulan.

Isang dyosang inakusang nais umangkin sa karapatang kalabisan.

Ang tanging nais ko lamang ay tumulong at tuldukan ang digmaan, ngunit hindi ko inaasahang may mas malaking dahilan kung bakit nais ng pagkakataong ako'y bumaba sa lupa at pumagitna sa digmaan.

Pumatak muli ang aking mga luha at mas dumiin ang aking mga yakap sa aking binti habang nananatili akong nasa loob ng isang gintong kulungan sa gitna ng mahinahong kagubatan na napalilibutan ng mga punong ay may maliliit na dahong kulay rosas at puting sinasayaw ng hangin.

Ilang taon na akong nakakulong sa kasalanang ipinaratang sa aking hindi nararapat. Nakakalungkot, nakakahabag at nakapanghihina ang aking sinapit. 

Muling kumawala ang hikbi sa aking mga labi nang muling nagbalik-tanaw ang aking alaala, sa desisyong pinaniwalaan ng mga kauri kong isang kataksilan.

Natapos ang digmaan sa pagitan ng mga iba't-ibang imperyo sa hindi ko inaasahang dahilan. Wala ito sa aking plano at lalong hindi ko ito inaasahan.

Nakarating na ako sa mataas na talampas para muling umalis matapos ang digmaan, ngunit alam kong nakasunod ang hari ng Sartorias sa akin.

"Isa akong dyosa, nagkakamali ka mahal na hari. Naririto lamang ako para itigil ang digmaan." Tuluyan na akong humarap sa kanya.

Ngunit ang kanyang presensiya at ang matinding epekto sa aking buong katawan ay nagsisimula nang sumalungat sa aking mga salita. Dahil ang kanyang mga matang nangungusap at ang paraan ng kanyang pagtitig ay simula na nang aking trahedyang pagbagsak.

Hindi sumagot ang Hari ng Sartorias, sa halip ay umihip ang banayad na hangin sa pagitan ng aming mga titig.

"Nawa'y maging maayos ang 'yong panunungkulan, mahal na hari." Hindi na ito nagbigay ng emosyon sa aking harapan, sa halip ay nagsimula itong humakbang papalapit sa akin.

Ilang beses akong napahakbang paatras sa pag-aakalang sa akin ito magtutungo. Ngunit lumampas ito at tumapat lamang sa akin habang nakatanaw sa kalawakan ng kapaligiran kung saan nakadungaw ang talampas na siyang aming kinalalagyan.

Nasa likuran ang mga kamay nito at mas pinili nitong hindi na ako pagmasdan.

"Nawa'y hindi ka bumalik sa inyong mundong dala'y kasinungalingan, aking dyosa." Pormal na sabi nito.

"Kahit kailan ay hindi ako magdadala ng kasinungalingan, mahal na hari."

"Ngunit ang 'yong mga mata at mga salita ay magkasalungat. Ang 'yong mga mata'y nais ako ngunit ang 'yong mga salita'y pinagkakaila ako." Napahugot ako nang marahas na paghinga dahil sa direkta nitong mga salita.

"Nagkakamali ka mahal na hari," mabilis na sagot ko.

Muling humarap sa akin ang hari at sa pagkakataong ito ay ginagawaran niya ako ng titig na may kawilihan.

"Kung ganoon, ako ang 'yong unang kasinungalingan, aking mahal." Tuluyan na akong natulala sa haring nasa aking harapan.

"Nagkakama—" hindi na ako binigyan pa ng pagkakataon ng Haring muling salungatin ang kanyang mga salita.

Natagpuan ko ang sarili kong gahibla ang distansya sa Hari na nagniningas ang mga mata, ang kanyang mga kamay sa aking magkabilang pisngi at ang kanyang mainit na paghinga na unti-unting tumutunaw sa akin.

"Nais ako ng 'yong mga mata, itinatanggi ako ng 'yong mga salita ngunit—" nagsimulang humaplos ang kanyang ilang daliri sa aking mga labi. "Ang ating mga labi'y kapwa nauuhaw sa isa't-isa, aking mahal."

Sa unang pagkakataon, tuluyan nang tinanggap ng aking sistemang tumikim ng saglit na kasalanan. Nalunod, nagpaubaya, nalusaw at nahalina-- sa halik ng isang makisig na haring tila ang pinong mga kilos ay higit pa sa mahika.

Hindi nagkaroon ng lakas pumiglas ang aking buong sistema, lalo na nang sandaling naglapat ang aming mga labi.

Halik ng isang haring katumbas ng isang malinis na ilog na may banayad na pagdaloy, na higit mong nanaising habang buhay na maanod.

Pinakawalan ng hari ang aking mga labi kasabay ng paglukso ng dibdib kong sumisigaw ng agad na pangungulila.

"Hahayaan kitang kumawala sa akin sa panahong ito, ngunit sa muli mong pagbaba sa mundong ito, habang buhay ka nang aangkinin ng Hari ng Sartorias." Marahan nitong hinaplos ang aking buhok bago ako makaramdam nang biglaang pagtulak dahilan kung bakit unti-unting bumulusok ang aking katawan mula sa talampas.

"Hanggang sa muli, aking dyosa. Dalhin mo ang aking halik sa bawat pagpikit ng 'yong mga mata."

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon