Chapter 20

162K 9.6K 3.8K
                                    

AN/ While reading this chapter try to hear 'Song of the fleeting blossom' on youtube by TaigekTou.

Chapter 20

Tamang kagat

Sa daang taon ng aking pamumuhay, ang kaligayahan ay bihira lamang yumakap sa aking buong sistema. Isang uri ng kaligayahang wagas at walang halo ng matinding panghihinayang.

Unang galak ng aking puso'y nang masaksihan ang buwang humalik sa karagatan.

Ikalawang galak ng puso'y nang kumawala ang posas ng maling katwiran.

Ikatlong galak ay nang sandaling matigil ang digmaan.

Ngunit ang aking ikaapat na kagalakan na siyang akin ngayong tinatamasa ay hindi kailanman maaaring ikumpara sa kahit anong kaligayahang aking mararanasan.

Uri ng ligayang tila walang hanggan...

Higit sa halik ng kapangyarihan ng buwan...

Higit sa halik ng mga salitang hahaplos sa puso...

Higit sa halik na pagsalubong...

Kundi isang uri ng halik na magmumula lamang sa labi ng isang haring may mga matang nagliliyab sa uhaw at matinding pananabik...

Ang aking antipasyon ay tila makagagawa ng matinding pagsabog sa aking dibdib habang mga aming mga labi'y gahibla na lamang sa pagitan ng manipis na hangin.

Tila may sariling pag-iisip ang kahon ng musika na kasalukuyang humahalina sa katahimikan ng buong gabi, dahil ang bawat huni nito na may dalang iba't-ibang instrumento ay tila may dila ng apoy na pumapaso sa bawat parte ng aking buong katawan.

Tumindi ang pagniningas ng apoy sa mga simbo, nagpatuloy ang pagsayaw ng maninipis na kurtina sa nakabukas na babasaging pintuan sa asotea at may ilang piraso na ng mga halaman ang unti-unting nalalagas.

Tila ang aking buong pakiramdam ay lumakas, dahilan kung bakit mas nagkaroon ako ng koneksyon sa buong kapaligiran. Mas nagyaman ang manipis na usok mula sa insenso.

Halimuyak ng rosal kasabay ng nagliliyab ng mga damdamin...

Unti-unting lumalandas sa manipis na gintong kurtina sa nakatali sa bawat sulok ng malaking kama ang mga laso nito. Dahilan kung bakit nawala ang pagkakapugong nito na siyang tuluyang kumalat at nagbalot sa amin. Tila lumiit ang espasyo at nawalan ng ibang distaksyon.

Sa ibabaw ng kama'y ako at ang hari...

Ang musika at ang mabigat naming paghinga...

"Tanging para sa akin..."

Mga salitang pumutol sa distansya, salitang aking habang-buhay tatanggapin at dadamhin. Kasabay ng haplos ng aming mga labi...

Ang aking mga matang tila nakatitig sa liwanag ng buwan ay tuluyang pumikit at niyakap ang kadiliman upang damhin ang kanyang mga labi sa tuwing aking mundo'y niyayakap ng dilim.

Ipinangako niyang siya'y aking hangin, ngunit ang hari'y akin ring liwanag. Kanya'y labi sa aking tila dalawang nagkikiskis na bato na gumagawa ng apoy.

"Ika'y aking kahinaan..." bulong sa aking isipan na siyang nagbukas ng aking pag-anyaya sa kanyang mga labi.

Di bihasang labi'y pilit tumugon, katawang inakalang nalunod sa kahinaan ngayo'y sumusunod sa kanyang mga haplos at aking tinig na tila gumagawa ng uri ng musikang kailanman ay 'di narinig sa Deeseyadah.

Nagngitngit ang kama nang sandaling naghawak ang aming mga kamay, mga daliring kapwa nagsalikop at gumawa ng maingat na kilos sa bawat pagtugon ng mga labi.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon