Chapter 27

147K 8.8K 1.6K
                                    

Chapter 27

Selos

Naging palaisipan sa akin ang mga katagang binitiwan ni Dastan. Bakit ito isang masamang balita sa kanya? Kung may ibang haring sinusunod si Hua at inuutusan itong pangalagaan ako, hindi ba at mas dapat siyang magalak dahil isa itong kakampi?

Ang hatid nito'y kaligtasan ko at hindi kapahamakan. Posible kayang ang kahariang sinabi sa akin ni Hua na maaari niyang pagdalhan sa akin ay ang pinaghaharian ng haring sinasabi ni Dastan?

Kami'y wala sa maliit na bangka at muli naming piniling ipagpatuloy ang paglalakad. Pansin ko ang pagiging tahimik ni Dastan na tila mas lumalim ang iniisip.

Saglit kong sinilip ang kanyang mukha mula sa saklob na nagtatakip sa kanya, ang kanyang tikas sa paglalakad ay hindi man lang nabawasan kahit malalim ang iniisip nito. Katulad ko'y nasa likuran din ang kanyang mga kamay, ilang beses ko nang nais igalaw ang kamay ko at hawakan siya pero pinipigilan ko ang sarili ko.

Tila ayaw niyang magambala sa kanyang pag-iisip. Sa huli ay hinayaan ko ang hari, ngumiti ako sa aking sarili at tinuon ko ang aking mga mata sa daan at sa aming mga nadadaanan.

"Dastan, tingnan mo itong magagandang nililok ng batang sireno!" tumigil ako sa isang tindahan.

Nauna akong nagtungo rito kaysa kay Dastan at nang sandaling lumingon ako sa kanya ay mukhang hindi niya ako naririnig.

"Das—Natad!" saglit siyang natauhan. Lumingon siya sa akin at ang mga mata niya'y humihingi ng paumanhin.

Nagsimula siyang maglakad patungo sa akin, hindi ko siya hinintay na tuluyang makalapit dahil ibinalik ko na ang atensyon ko sa magagandang likha ng batang sireno. Noong bata pa ako'y ito ang mahigpit nilang itinuturo sa akin, ilang hampas ng gintong pamalo ni maestra ang natanggap ko noon bago ko maperpekto ang nais nilang uri ng pag-uukit.

Ang likha ng batang sireno ay iba't-ibang halaman sa ilalim ng dagat, gamit niya malakristal na bato na may sari-saring kulay, ano kayang klaseng bato ito? Ako'y nasanay lamang sa ginto at diyamante.

"Ano ang nais mo sa kanyang mga likha, Leticia?" tanong sa akin ni Dastan.

"Maaari ko bang hawakan?" tanong ko sa batang sireno. Tumango siya sa akin na may ngiti sa labi.

Una kong hinawakan ang likhang tila isang kabibe, nakalilok ito sa berdeng bato na tila isang kristal.

"Gawa ba ito sa Esmeralda?" muling tumango sa akin ang bata.

"Magkano ang halaga niyan?" tanong ni Dastan.

Marahan kong hinaplos ang kabibe, hindi ko maiwasang mapangiti ng mapait, marami man akong naranasang hindi maganda sa Deeseyadah, hindi nito maaalis ang katotohanang ito ang aking tahanan, sa lugar na iyon ako ipinanganak, nagkaisip at nagkaroon ng prinsipyo sa buhay.

Si Dyosa Neena, ang kanyang balon at ang maganda niyang boses, ang buwan, si Hua, ang ilog, ang mga puno at ang pinaghalong puti at gintong sining...

Nagpatuloy kaming dalawa ni Dastan sa paglalakad habang hawak ko ang kabibeng esmeralda.

"Alam mo bang hilig ko rin ang maglilok, Dastan?" hindi siya sumagot sa akin at hinayaan niya akong magkwento sa kanya.

"Ngunit ako lang ang natatanging dyosa na hindi agad matuto sa isang aralan lamang, madalas akong hampasin ni Maestra ng kanyang gintong pamalo para lang mabilis akong matuto." Saglit akong natawa habang nagku-kwento kay Dastan.

Bigla siyang natigilan sa paglalakad, natigil din ako at lumingon pabalik sa kanya. Matamis akong ngumiti sa kanya.

"Subalit natuto naman ako, hindi mo na kailangang mag-alala sa akin. Nais ko lamang ibahagi ang mga naranasan ko." Mabilis nakalapit sa akin si Dastan, agad niyang naagaw ang kabibe sa aking mga kamay.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon