Chapter 9

154K 8.8K 1.1K
                                    

Chapter 9

Pwesto

Simula nang isilang ako mula sa makapangyarihang puno ng En Aurete, gamit ang dasal at sayaw, malaki na ang respeto ko sa buhay na sining na bumabalot sa mundong ito.

Ang sining at damdami'y aking malugod na iniyayakap sa isa't-isa sa aking bawat laban sa mundong ito, isa nang malaking patunay ay ang paghalik ng buwan sa karagatan. Ang gabi kung saan malakas na narinig ang aking inaasam na panalangin.

At sa pagkakataong ito, muli akong niyakap ng sining sa isang laban na alam kong aking pasisihan kung hindi ko panghahawakan. Paanong ang apoy ay mistulang naging ilog? Paanong ang ulan ay naging apoy? Paanong ang hangin na nabalot ng init? Paanong ang asul ay naging pula?

Kung ako noo'y ginawaran ng punyal ng libong ulan, katumbas ng mithiin kong linisin ang maraming taong kalupitan ng kalupitan.

Ngayo'y nakagabay ito sa akin bilang apoy, katumbas ng aking pusong nag-aapoy sa aking mithiin.

Tila nawala ang sakit sa aking buong katawan at panghihina nang marinig ang pinakamagandang musika sa aking talambuhay. Hindi mula sa isang awitin, kundi mula sa ingay ng kalayaan.

Umiihip ang hangin at marahan kong hinawakan ang aking napapayid na buhok, tila ito'y nagkulay pula rin kawangis ng apoy na namamayani sa ilog.

Nanatiling makatitig ang aming mga mata sa gitna ng pumupulang ilog.

At sa unang pagkakataon, nanginig ang puso ko... hindi sa sakit na dulot ng masamang tadhana sa kanya... kundi sa pagngiti ng kanyang mga mata.

Isang malakas na pagtambol ang umagaw sa atensyon ng lahat, hudyat ng pagtatapos ng ritwal. Nakalapit na sa akin si Hua, gamit ang kanyang malaking anyo. Ako na mismo ang sumakay sa kanya, si Dyosa Neena ang sumalubong sa amin sa pangpang.

Nang sandaling yakapin ako ni Dyosa Neena, bumalik ang lahat ng nararamdaman ko.

"May mga dyosa na maaring gumamot—" umiling ako sa sinabi ni Dyosa Neena.

"Kailangan ko nang umalis sa lugar na ito."

"Leticia, hindi maaari. Huwag mong hayaan ang mga itong isipin na higit sa pangangalaga sa mundong ito ang motibo mo sa pagkuha sa bampira. Mas mabuting sumunod ka sa mga nais nilang gawin sa mga oras na ito." Nagulat ako sa sinabi ni Hua.

Nakalimutan niya na ba na walang alam si Dyosa Neena sa totoong mga balak ko? Hindi ko siya nais madamay sa mga magiging desisyon ko sa hinaharap.

Magbibitaw pa sana ako ng salita na maaaring maka-alis sa pagtataka ni Dyosa Neena nang unahan ako nito.

"Matagal ko nang alam Leticia ang ipinaglalaban mo."

"H-Hua!" tawag ko rito kahit nahihirapan na akong magsalita.

"Hindi si Hua, Leticia. Ako mismo ang nakaalam nito at ang mahigpit mong pagkakapareho sa kanyang prinsipyo. Ang Dyosa ng asul na apoy at ikaw ay iisa ang ipinaglalaban..."

Namamangha akong tumitig kay Dyosa Neena.

"At hindi niya ako hinayaang madamay sa kanya, tulad ng kung anong ginagawa mo."

Hindi na nagsalita pa si Dyosa Neena nang may lumapit na sa aming ibang dyosa para tulungan ako. Dinala kami sa silid pagamutan ng mga mandirigmang dyosa. Nandito rin ang aking mga katunggali. Ang ilan sa akin ay tapat na ngumiti bilang pagtanggap sa pagkakatalo, ngunit may ilan pa rin na hindi man lang ako nais sulyapan. Umirap sa akin si Tatiana.

Ang paghihilom ng sugat ng isang dyosa ay depende sa sirkumstansiya.

Ang anumang pinsala ng mga dyosa sa mundong ito na makukuha mula sa isang ritwal ay mabilis lamang maglunas, ngunit kailangan pa rin nito ng maingat na patnubay ng mga dyosang nasa ilalim ng kapangyarihan ng mediko.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon