Chapter 37
Sa likod ng anino
Nang una kong masaksihan ang kagubatan ng Parsua Sartorias, ang naglalakihang mga puno nito at ang malakas na agos ng tubig mula sa talon, hindi ko maiwasang hindi humanga at mamangha na tila inaalis nito ang lahat ng aking suliranin, na nagagawa nitong lamunin ang lahat ng mabigat na emosyon.
Isang lugar na tila nilikha lamang para pagaanin ang puso ng maliligaw rito. Ngunit sa pagkakataong ito, habang pinagmamasdan ko ang nangyayari kay Claudeous at sa lahat ng kanyang paghihirap, hindi ko na mahanap ang ganda at pagkamangha sa lugar.
Tila bigla itong naglaho na parang bula at lahat ay napalitan ng sakit. Ang lugar na inakala kong habangbuhay na magbibigay sa akin ng ngiti sapagkat ang mga alaala ko rito'y kasalo si Dastan, ngunit ang malamang sa bawat bitaw ng aming mga salita sa isa't-isa ay may isang nilalang na pilit akong inaabot...
Hindi ko na maisip o magawang maramdaman ang kasiyahan sa lugar na kinatatayuan ko sa mga oras na ito. Gusto kong tumakbo at magtago para patigilin na itong eksenang hindi ko magawang matanggap, ngunit mukhang parte ito ng mga dapat kong masaksihan.
Hindi iilang beses kong pilit iginalaw ang aking mga paa, ilang beses sumubok kahit imposible na tumulong sa kanya. Wala na akong maintindihan sa aking sarili habang patuloy pinapanuod ang buong pangyayari.
Gusto kong tumakbo patungo sa kanya at yakapin siyang mahigpit, gusto ko siyang ilayo sa nilalang na pinagmamasdan lamang siya na tila walang puso, gusto kong ilahad ang aking mga kamay habang pilit niyang inaabot ang batis na kasalukuyan nang nagpapakita ng mga anino namin ni Dastan.
Gusto kong abutin ang kamay niya nang mga panahong hindi ko iyon nagawa sa kanya...
Halos manakit ang lalamunan ko habang naririnig ko na ang pag-uusap namin ni Dastan sa tabi ng batis. Masaya akong nagkrus ang landas namin ni Dastan ngunit hindi maaalis nito ang sakit na nararamdaman ko kay Claudeous. Dahil ako ang malaking parte ng paghihirap niya noon at ngayon.
"Itigil mo na..."
"Itigil mo na!" halos sigawan ko na ang sarili ko habang naririnig ang aking boses na masayang nakikipag-usap kay Dastan.
Nasapo ko ang aking buong mukha habang patuloy ako sa pagluha, hinayaan ko ang sarili kong ilabas ang lahat ng emosyong nagsasama-sama.
Ilang taon siyang naghintay, nag-aral at ginawa ang lahat para maging isang karapat-dapat na hari sa hinaharap, labag sa loob na isinakripisyo ang kanyang ina, ilang beses lumuha, pilit ginawang matatag ang sarili sa harap ng emperyong naglaho.
Hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko dahil isa ako sa malaking parte ng paghihirap niyang ito. Ako ang nagtakda sa dalawang pares ng lobo at bampira na siyang naging sakripisyo
Buong akala ko'y ang pagtatama sa sumpang inilapat ng pinakamalakas na diyosa ng kasaysayan ay siyang nag-iisang misyon ko ngunit ano itong aking mga nakikita?
Sinubukan kong takpan ang tenga ko para pigilan ang sakit. Sobrang hirap ng sitwasyon ko, kailangan bang may panigan ako? Dapat ba ay hilingin kong walang humarang? Dapat ba ay hilingin kong walang gumalaw ng dapat mangyari?
At kung hindi pinigilan si Claudeous... ngayo'y ako at si Dastan ay imposibleng...
Marahas akong umiling, mahal ko ang hari ng Sartorias, alam ko ito sa sarili ko. Ngunit hindi ba at tama rin si Claudeous? Paano kung siya ang una kong nakilala?
Bakit hindi man lang namin naramdaman ni Dastan na may ibang nilalang na nasa malapit sa mga oras na iyon? Sino ang makapangyarihang ito na nagawa niyang itago ang kanyang presensiya at ni Claudeous sa aming dalawa ni Dastan?
![](https://img.wattpad.com/cover/171721524-288-k209888.jpg)
BINABASA MO ANG
Moonlight Blade (Gazellian Series #4)
VampireJewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other goddesses her age when it comes to power and ability. And as someone who is afraid to stand up for herself, she already accepted her unfortunat...