Chapter 42
Paghaharap
Kung pinili kong manatili sa Deeseyadah at hindi sumalungat sa nais ng mga diyosa, ako kaya'y hindi makakaranas ng ganito?
Hindi kaya ako mahihirapang sagutin ang mga katanungang ngayo'y pilit akong binabagabag ngayon? Ako kaya ngayo'y tumatawa sa tabi ni Diyosa Neena habang nakaupo kanyang balon habang kasama si Hua?
Ako ba'y magiging masaya at mapayapa? Ako kaya'y hindi magkakaroon ng pagkakataong gamitin ang kapangyarihan ko upang makapanakit ng ibang nilalang?
Biglang bumalik sa akin ang magagandang alaala aking iniwan sa Deeseyadah, sa tuwing aawit si Diyosa Neena, ang magagandang tanawin ng puti at ginto, ang magagandang salita ni Hua.
Masasabi ko bang may katuturan ang salitang bansag sa akin na Diyosa kung hinayaan ko ang buhay kong umikot lamang sa magagandang nais makita ng aking mga mata? Isang diyosang walang nais makamit, walang nais marating, walang nais ipaglaban at itama.
Nais ko na bang bumalik sa aking dating buhay? Isang uri ng diyosa na hindi nakikita ng lahat at hindi nabibigyan ng responsibilidad?
Ang magagandang imaheng aking nakikita ay unti-unting nalalagyan ng lamat, ang maamong mukha ni Diyosa Neena ay dahan-dahang naglalaho at ang kanyang mga tawa na tila musika ay humihina na sa aking pandinig.
Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi, ito nga'y magaganda at hindi nakasasakit sa dibdib ngunit kung hinayaan ko ang sarili kong manatili doon, kailanman ay hindi ako makakaramdam ng matinding kasiyahan. Isang uri na kasiyahan na alam kong sa sandaling naabot na ng aking mga kamay ay hindi lang aking puso ang magagalak kundi ang mga nilalang na nakapalibot sa akin.
Tila ang salamin na nagpapakita sa akin ng aking dating kasiyahan ay unti-unti nang nababasag.
Humigpit ang pagkakahawak ko sa kamay ni Dastan na nakahawak sa kanyang nagliliwanag na espada, habang siya'y nanatili pa rin naglalakbay sa ibang dimensyon.
Ipinikit ko ang aking mga mata at marahan kong hinalikan ang kanyang kamay. Ramdam ko pa rin ang buong presensiya na nakaagapay sa amin, naghihintay na lang sila sa akin ng hudyat upang ibigay ang aming huling atake.
O tamang sabihin na unang atake patungo sa lumulutang na lotus.
Kung iisipin, ang lahat ng komplikasyong nangyari sa loob ng Nemetio Spiran ay nagsimula nang magmahal ang pinakamalakas na diyosa na siyang nangangalaga ng balanse at kaayusan ng mundong ito.
Ngunit isang bawal na pag-ibig na nagresulta sa matinding inggit sa kapangyarihan ang sumira sa lahat. Ang pitong pinakamatataas na pwestong inakala ng lahat na hindi mabubuwag ay tila isang alamat na lamang, isang lumang kwento na hindi na muling mabibigyang buhay at isang uri ng masamang apoy na hanggang kasalukuyan ay patuloy na sumisiklab.
Isang suliranin na tila pilit hinihila ang isang maharlikang pamilya sa bawat komplikasyong hatid nito.
Ito ba'y nagkataon lamang o ito'y bunga ng isang hakbang sa nakaraan na siyang naging ugat ng patuloy na pagkakadawit ng mga Gazellian?
Hanggang ngayon ay palaisipan ang matinding koneksyon ng mga Gazellian sa nakaraan. Ito ba'y nagsimula ng sandaling maglakbay si Haring Thaddeus at Danna? Kung saan ay nakasalubong nila ang diyosang kasalukuyang tumatakbo mula sa pamilyang nais magsuplong sa kanya sa sakim na hari?
Hanggang saan ang nalalaman ni Haring Thaddeus sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap? Siya ba'y sinadyang itali ang mga anak sa nakaraan upang sa paglipas ng panahon ay unti-unting maitama ang maling pangyayari ng nakaraan?
BINABASA MO ANG
Moonlight Blade (Gazellian Series #4)
Про вампировJewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other goddesses her age when it comes to power and ability. And as someone who is afraid to stand up for herself, she already accepted her unfortunat...