Chapter 48

117K 7.3K 2.7K
                                    

Chapter 48

Bote

"Bakit ka bumaba sa lupa, Diyosang may hawak ng mga alaala?"

Isa nang malaking palaisipan noon pa man ang walang katapusang pagkadawit ng mga Gazellian sa kasaysayan. Simula sa pitong pinakamatataas na trono at sa pinakamalakas na diyosa ng Deeseyadah.

Minsa'y naisip ko kung sila ba'y may bahid ng dugo mula sa bampirang siyang nagpasimula ng lahat, ngunit sa una pa lang ay malinaw nang si Nikos at Naha lamang ang may malakas na kaugnayan rito. Sapat na ba iyong dahilan upang paulit-ulit na madawit ang mga Gazellian?

Kung iisipin ang kanilang pagkadawit ay hindi nagsimula kay Naha, dahil ito'y nagsimula na kay Lily pa lamang na siyang nagpasiklab ng isang pangmalakihang digmaan.

Minsa'y naisip kong ito'y dahil sa pakikielam ni Haring Thaddeus at Danna sa nakaraan nang panahong iligtas nila ang pinakamalakas na diyosa ng kasaysayan habang hinahabol ito noon ng pamilyang inakala niyang kanyang kakampi na siyang pinagmulan ni Kalla.

Bawat parte ng nakaraang siyang pinagdaanan ng pinakamalakas ng diyosa ng Deeseyadah laging may bahid na bakas mula sa mga Gazellian. At hindi iyon maaaring sabihing nagsimula kay Naha, Nikos, Kalla o maging ni Haring Thaddeus at Danna...

Dahil ang kanilang mga ugnayan sa nakaraan ay hindi sanhi, kundi isa nang bunga, isang resulta...

Si Reyna Talisha ang siyang nag-iisang dahilan kung bakit paulit-ulit nauugnay ang mga Gazellian sa unang kasaysayan.

Bago pa man ako bumaba sa lupa ay sinabi na sa akin ni Hua at Diyosa Neena na magiging tatlo na kaming diyosang piniling manatili sa mundong ito, hindi sapilitan kundi kusang loob.

Diyosa ng asul na apoy, ako at ang Diyosang sinasamba sa Halla na siyang pinag-aalayan ng buhay ng isang babae.

Gumuhit ang saglit na pagkagulat sa kanyang mga mata. Siguro'y iniisip niyang tuluyan nang nabura sa Deeseyadah ang kanyang kasaysayan dahil sa kakayahan niyang manipulahin ang mga alaala, ngunit si Diyosa Neena ay isang uri rin ng diyosa na may kakayahang ding magmanipula ng mga alaala, katulad niya.

"Sa kasalukuyan, tatlong diyosa ngayon ang itinuturing taksil ng Deeseyadah, ngunit dahil nagawa mong burahin ang buong pagkakakilanlan mo sa Deeseyadah, ilan lang ang nakakaalala sa'yo."

Si Reyna Talisha naman ngayon ang hindi magawang makapagsalita. Siguro'y hindi niya inaasahang makikilala ko siya, hindi bilang reynang nagpapanggap na mahina, kundi isang diyosang katulad ko na piniling iwan ang Deeseyadah.

"Ako, ang Diyosa ng Asul na apoy at ang misteryosong diyosa mula sa Halla na pinag-alayan ng buhay ng isang dalaga." Nang sandaling salubungin kong muli ang mga mata ni Reyna Talisha agad niya nang ibinalik ang kanyang mga matang nanunubok.

"Ikaw at ang diyosang nasa Halla ay iisa."

Hindi siya tumango sa akin ngunit hindi ko na kailangan ng kumpirmasyon.

"Ang mga diyosang nananatili sa lupa may limitadong kakayahan na siyang nararanasan ng diyosa ng asul na apoy, ito rin ang siyang naiisip ko noon kaya tumatanggap ang diyosa mula Halla ng buhay na sakrpisyo ngunit isa iyong malaking kasinungalingan. Mahina ang presensiya ng diyosang nasa Halla dahil wala mismo doon ang diyosang kanilang sinasamba."

Nagsimula na akong humakbang papalapit kay Reyna Talisha.

"Dahil ang diyosa'y nandito sa Parsua, hindi nanghihina kundi napapanatili ang sariling lakas. Ang presensiya ni Haring Thaddeus ang siyang nagpanatili ng lakas mo, na siyang aking ginagawa ngayon sa presensiya ni Dastan."

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon