Chapter 35
Bituin
Kung ang hangin ay iihip at bubulong sa'yong isipan, sa gitna ng mundong napapalibutan ng kani-kanilang eksplanasyon, sa mga salitang ilang daang nagpasalin-salin sa mga labi sa bawat paglipas ng panahon, sa paniniwalang nais panigan, at sa mga tauhang pipiliing tingnan...
Anong kwento ang nais mong bigyang linaw? Kaninong daan ang nais mong sundan? Kaninong mga sinulid ang nais mong pag-isahin? At kaninon pangalan ang siyang dapat ngayo'y yukuan?
Ang mga mata ko nga ba'y sa iisang daan lamang nakatanaw? Gayong ito'y nararapat tumingin sa iba't-ibang tulay patungo sa magandang hinaharap...
"Ngunit sino ka?" Katanungan sa misteryosong boses sa gitna ng kadiliman.
Aking buong katawa'y tila nakalutang sa kalawakan habang pilit hinahanap ang nagmamay-ari ng boses.
Ano itong ibig sabihin niyang siya'y higit pa sa paghihintay ang kanyang ginawa?
"Ang trahedya sa pagitan ng pinakamalakas na diyosa sa pagitan ng pitong pinakamatataas na posisyon ng Nemetio Spiran, ang siyang nagsimula ng lahat. Ngunit tila ang iyong mga mata'y nakatingin lamang sa epekto nito sa mga emperyong naiwan..."
Agad akong lumingon sa likuran nang maramdaman ang kakaibang presensiya mula rito, ngunit ng sandaling ako'y tuluyan nang humarap dito'y wala na ang hinahanap ko.
"Minsan ba'y sumagi sa isip ng lahat ang totoong biktima ng nakaraan?"
"Sino ka? Magpakita ka sa akin..."
Paulit-ulit ako sa paglinga upang makita ang nagmamay-ari ng malamig na boses, ngunit tila ito'y nakikipaglaro sa akin dahil sa tuwing lumilingon ako sa kanya'y tanging ang dulo lamang ng kanyang mahabang buhok ang naabutan ng aking mga mata.
"Siya lang ba ang nararapat humawak ng liwanag? Gayong ang aking salinlahi'y ilang daang libong panahon nang nagmimistulang liwanag sa emperyong tinanggap na ng lahat na naglaho sa kadiliman?"
Ang katanungang ito'y nagkumpirma sa aking hinala, ang kasalukuyang boses na siyang kumakausap sa akin sa gitna ng tila madilim na kalawakan ay ang kasalukuyang nakaupo ngayon sa isa sa mga emperyong naglaho dahil sa sumpa ng pinakamalakas na diyosa noong unang panahon.
Sinubukan kong ibuka ang bibig ko upang siya'y sagutin ngunit walang mga salita ang lumabas mula sa akin.
"Ang pagpapanatilihing buhay ng isang emperyong siyang binura sa kasaysayan at piniling kalimutan ng lahat ay hindi pa ba sapat na patunay na ilang daang taon kaming higit na lumaban sa isang sumpa na pinili kaming parusahan sa kasalanang hindi naming ginawa?"
Kumirot ang dibdib ko sa narinig mula sa misteryosong hari, dahil wala akong makitang pagkakamali sa lahat ng kanyang mga sinasabi. Ang paningin ng lahat ay tangi lamang nasa harapan ng limang emperyong naiwan matapos ang sumpa ng diyosa, ang epekto nito sa iba't-ibang nilalang at maging sa buong pamilya ng Gazellian.
Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat... may dalawang emperyo pang siyang higit na naapektuhan ng sumpa.
"Isang kasalanan bang maghangad na kami'y muling magbalik sa liwanag? Isang kasalanan bang angkinin ang dapat ay matagal nang sa akin? Hindi pa ba sapat ang ilang daang taong pagdurusa ng aming salinlahi? Hindi ba masamang agawin ang reynang nararapat sa akin?"
Napasinghap ako sa huling salitang binitawan ng hari, muling nakumpirma ang ilan sa mga sinabi ni Alanis at ngayo'y nakikilala ko na ang haring siyang kumakausap sa akin, hindi ito ang haring may kakayahan ng apoy...
BINABASA MO ANG
Moonlight Blade (Gazellian Series #4)
VampireJewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other goddesses her age when it comes to power and ability. And as someone who is afraid to stand up for herself, she already accepted her unfortunat...